Tanong
Dapat bang isulong ng mga Kristiyano ang pandaigdigang kapayapaan?
Sagot
Isang napakapagandang ideyalismo ang pandaigdigang kapayapaan, ngunit makakamit lamang ito sa muling pagparito ni Kristo (Pahayag 21:4). Hangga’t hindi dumarating ang panahong iyon, hindi magaganap ang pandaigdigang kapayapaan. Sinabi ni Hesus na hangga’t hindi Siya dumarating, “magkakaroon ng alingawngaw ng digmaan” at “makikipagdigma ang mga bansa sa laban sa kapwa bansa” (Mateo 24:6-7). Wala pang panahon sa kasaysayan ng mundo na nagkaroon ng ganap na kapayapaan at walang sinuman ang hindi nakipaglaban sa kapwa tao, ito man ay digmaang pandaigidig na kinasasangkutan ng isang dosenang bansa o isang kaguluhan sa isang maliit na lugar na kinasasangkutan ng mga tribo o lahi. Sa kasaysayan ng mundo, laging nakikipagdigma ang tao sa kanyang kapwa tao.
Ang pagsusulong ng pandaigdigang kapayapaan kahit na alam natin na hindi kayang makamtan ito ng tao ay hindi naaayon sa Bibliya. Habang nagbibigay tayo sa mga nangangailangan at nagsusulong ng kapayapaan na tama lamang na gawin natin bilang mga Kristiyano, dapat natin itong gawin sa pangalan ng Panginoong Hesu Kristo, na nauunawaan na tanging Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay at ganap na kapayapaan sa mundo. Hanggat hindi lumuluhod ang lahat ng tuhod at nagsasabi ang lahat ng labi na si Hesus ang Panginoon (Filipos 2:10), hindi magkakaroon ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa mundo. Hangga’t hindi dumarating ang panahong iyon, dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya na “Magpakabanal at sikaping makasundo ang ating kapwa, sapagkat hindi natin makikita ang Panginoon kung hindi tayo mamumuhay nang ganito” (Hebreo 12:14).
Bilang mga Kristiyano, dapat tayong magsulong ng kapayapaan sa halip ng kaguluhan, sa pamamagitan ng ating bawat kilos. Ngunit ang ganap na kapayapaan ay hindi matatamo dahil sa kalikasan ng makasalanang tao. Ang ating pananampalataya ay nananatiling sa Diyos at sa kay Hesu Kristo, ang Prinsipe ng kapayapaan. Hanggat hindi Siya muling pumaparito upang baguhin ang mundo at magdala ng tunay na kapayapaan, ang pandagidigang kapayapaan ay mananatiling isa lamang panaginip. Ang ating pinakamahalagang gawain ay kumbinsihin ang tao sa kanilang pangangailangan ng Tagapagligtas, na Siyang tanging makapagbibigay ng kapayapaan sa pagitan ng tao at ng Diyos. “Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Jesu-Cristo, sa pamamagitan niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos” (Roma 5:1). Ito ngayon ang tanging paraan upang isulong ang pandaigdigang kapayapaan - sa pamamagitan ng pagdadala ng mensaheng ito sa mga tao: “makipagkasundo kayo sa Diyos” (2 Corinto 5:20).
English
Dapat bang isulong ng mga Kristiyano ang pandaigdigang kapayapaan?