settings icon
share icon
Tanong

Ang pananampalataya ba sa Diyos ay tulad sa isang saklay?

Sagot


Sinabi ni Jesse Ventura, dating gobernador ng Minnesota, “ang organisadong relihiyon ay kapaimbabawan lamang at tulad sa isang saklay para sa mga taong mahihina at humuhugot ng lakas sa bilang.” Sumang-ayon sa kanya ang isang taong mahilig sa pornograpiya na nagngangalang Larry Flynt, na nagkomento, “Wala akong masasabing kahit anong mabuti sa relihiyon. Ginagamit ito ng mga mahihinang tao upang paghugutan ng lakas.” Sinabi ring minsan ni Ted Turner, “ang Kristiyanismo ay isang relihiyon para sa mga talunan!” Ipinagpapalagay nina Ventura, Flynt, Turner, at iba pang kapareho nilang mag-isip na ang mga Kristiyano ay mga taong mahina ang emosyon na nangangailangan ng tulong ng imahinasyon upang makayanan ang mabuhay sa mundo. Ang ipinahihiwatig ng mga taong ito ay malakas sila at hindi sila nangangailangan ng tulong mula sa Diyos.

Ang mga ganitong pahayag ay nagdadala ng ilang katanungan: Saan nagmula ang ganitong pananaw? May katotohanan ba sa pananaw na ito? At paano tinutugunan ng Bibliya ang ganitong mga palagay?

Ang pananampalataya ba sa Diyos ay para lamang sa mahihina? – Ang impluwensya ni Freud

Si Sigmund Freud (1856-1939) ay isang Austrian neurologist na nagtatag ng psychoanalysis, isang sistema na yumayakap sa teorya na ang mga hindi namamalayang motibo ng tao ang nagdidikta sa kanyang kilos at paguugali. Bagama’t hindi siya naniniwala sa Diyos, inamin ni Freud na hindi kayang pasubalian ang katotohanan ng relihiyon at nagbibigay ito ng kaaliwan at pananampalataya sa hindi mabilang na tao sa kasaysayan. Gayunman, iniisip ni Freud na ang konsepto ng Diyos ay isa lamang ilusyon. Sa isa sa kanyang mga aklat na may pamagat na “The Future of an Illusion,” kanyang sinabi, “Binigyan nila [mananampalataya] ng pangalan ang ‘Diyos’ na isang walang katiyakang personalidad na kanilang nilikha para sa kanilang sarili.”

Sa motibo ng tao sa paglikha ng ganitong ilusyon, naniniwala si Freud sa dalawang bagay: (1) lumikha ng isang Diyos ang mga taong dahil mayroon silang pag-asa at kahilingan na nagsisilbi nilang kaaliwan laban sa kalupitan ng buhay; (2) Ang ideya ng Diyos ay nanggagaling sa pangangailangan ng pigura ng isang mahinahon at mabuting ama na pumapawi sa impresyon ng isang tunay na ama sa lupa ng isang relihiyosong tao na maaaring hindi naging responsableng ama. Tungkol sa ideya na ang relihiyon ang nakakapagbigay ng kasiyahan, isinulat ni Freud, “ang paniniwala ng mga relihiyoso ay ilusyon lamang,. Ito ang katuparan ng pinakamatagal, pinakamalakas at pinakamahalagang kahilingan ng sangkatauhan. Tinatawag namin ang pananampalataya na isang ilusyon kung ang motibo nito ay ang pagasa sa kasiyahang ibibigay nito. Dahil dito, hindi namin tinatanggap ang relasyon nito sa realidad. Ito ay isa lamang ilusyon na hindi mapapatunayan kailanman.”

Para kay Freud, ang Diyos ay isa lamang likhang isip ng tao na nagsisilbing panangga nila sa realidad na hindi nila kayang harapin at pagtagumpayan sa kanyang sariling kakayahan. Pagkamatay ni Freud, may mga siyentipiko at dalubhasa sa pangangatwiran ang naniwala sa kanyang mga teorya at nagsabi na ang relihiyon ay isa lamang ilusyon at delusyon. Sinabi ni Robert Pirsig, isang Amerikanong manunulat at pilosopo at tagasunod ni Freud, “kung ang isang tao ay dumadaan sa delusyon, tinatawag itong kabaliwan. Kung maraming tao ang sabay sabay na nababaliw, tinatawag itong relihiyon.”

Paano sasagutin ang mga paratang na ito? May katotohanan ba sa mga sinasabi ni Freud at ng kanyang mga tagasunod?

Pagsusuri sa pinaniniwalaan ng mga nagpapalagay na ang relihiyon ay para sa mahihina

Sa paggawa ng tapat na pagsusuri sa mga katuruan ng mga naniniwala na ang relihiyon ay para sa mahihina, ang unang dapat isaalang-alang ay kung ano ang inaangkin nila tungkol sa kanilang sarili. Ang mga nanggugulo sa relihiyon ay nagsasabi na ang mga naniniwala sa Diyos ay may mga kagustuhan lamang na nais nilang matupad. Ngunit paano nila ito nalaman? Halimbawa, sinasabi ni Freud na naghahangad lamang ang mga taong relihiyoso ng pigura ng isang Diyos na tulad sa isang ama sa lupa dahil sa kanilang emosyonal na pangangailangan, ngunit hindi kaya si Freud mismo ang may sariling kagustuhan at emosyonal na pangangailangan at ito ay kanyang ipinahahayag sa kanyang pagtanggi sa isang banal na Diyos at sa sa paghuhukom at sa kanyang inaasahan na hindi totoo ang impiyerno? Ang kahinaan ng argumento ni Freud ay makikita sa kanya mismong isinulat. Sinabi niya, “ang masama dito, lalo na para sa akin, ay ang katotohanan ng siyensya na lahat ng bagay ay tila nagpapahiwatig ng pangangailangan sa pagkakaroon ng Diyos.

Kaya nga makatwiran na ipalagay na habang ipinagtatanggol ni Freud at ng kanyang mga tagasunod ang kanyang posisyon, na ang tanging paraan upang mapagtagumpayan ng isang tao ay ang paghingi ng mga ebidensya ng isang bagay ay sa pamamagitan ng paglikha ng isang huwad na pag-asa na makapagpapabulaan sa pagkakaroon ng Diyos, subalit hindi nila kinukunsidera ang posibilidad ng katotohanang ito. Gayunman, may mga ateista na tapat at bukas ang isip sa pagtanggap sa mga katotohanan ng relihiyon. Nagsisilbing halimbawa ang ateistang propesor at pilosopo na si Thomas Nagel na minsang nagsabi, “Nais ko na maging totoo ang ateismo ngunit ako ay naliligalig sa katotohanan na ang ilan sa mga pinakamatalino at pinakamarunong na tao na aking nakikilala ay mga relihiyosong mananampalataya. Hindi ibig sabihin na dahil hindi ako naniniwala sa Diyos ay natural na umaasa ako na tama ang aking paniniwala. Umaasa lamang ako na tatagang walang Diyos! Ayaw ko na magkaroon ng isang Diyos; Hindi ko gusto ang isang sansinukob na may Diyos.”

Ang isa pang kunsiderasyon ay hindi maganda sa pakiramdam ng tao ang lahat ng itinuturo ng Kristiyanismo. Halimbawa ay ang doktrina ng impiyerno, ang pagiging makasalanan ng tao at ang katotohanan na hindi niya kayang bigyang kasiyahan ang Diyos sa kaniyang sariling lakas, at iba pang hindi kaaya-ayang doktrina na hindi nakakatuwa o nakakaaliw sa tao. Paano ipaliliwanag ni Freud ang ganitong mga doktrina?

Ang isa pang karagdagang kasipan na nagmula sa tanong sa itaas ay kung inimbento lamang ng tao ang konsepto ng Diyos upang siya ay masiyahan. Bakit naman magiimbento ang tao ng isang Diyos na banal? Ang ganitong klase ng Diyos ay tila hindi sangayon sa normal na kagustuhan at gawain ng mga tao. Sa katotohanan ang ganitong klaseng Diyos ay ang pinakahuli sa lahat ng ideya ng Diyos na maaaring maisip ng tao. Sa halip, inaasahan sa mga tao na lumikha ng isang diyos na pumapayag sa anumang kanilang nais gawin sa halip na lumaban sa kanilang mga nakagawian na tinatawag mismo ng tao na “kasalanan” (isang hindi maipaliwanag na kadahilanan).

Ang huling tanong ay paano ipaliliwanag ng mga taong ang tingin sa relihiyon ay isa lamang saklay para sa mahihinang tao ang nangyari sa mga tao na sa una ay lumalaban sa relihiyon at ayaw maniwala sa Diyos ngunti naging relihiyoso? Ang ganitong mga tao ay walang pagnanais o kagustuhan na maging totoo ang Kristiyanismo, ngunit pagkatapos ng malalim na pagsusuri sa mga ebidensya at pagkilala sa katotohanan ng mga ebidensya ay naging mga mananampalataya pagkatapos? Ang isa sa halimbawa ng ganitong mga tao ay si C.S. Lewis, isang Iskolar mula sa Inglatera. Si Lewis ay kilala sa pag-amin na walang naguurong sulong na naniwala sa Kristiynismo mula sa ateismo na hihigit pa sa kanya sa buong Inglatera dahil literal siyang sumisipa at sumisigaw habang hinihila papunta sa pananampalataya. Ang pahayag na ito ni C.S. Lewis ay tila malayong sabihin ng isang tao na naniwala sa Diyos dahil lamang sa isang pantasya.

Ang mga isyu at katanungang ito ay sumasalungat sa mga pahayag ng mga naniniwala kay Freud at sadyang hindi nila ito pinapansin. Ngunit ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kanilang mga pananaw. Paano sinasagot ng Bibliya ang kanilang mga paratang?

Ang pananamplataya ba sa Diyos ay para lamang sa mahihina? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

May tatlong pangunahing pangangatwiran ang Bibliya sa paratang na inimbento lamang ng tao ang ideya ng Diyos at ginawang “saklay” ang relihiyon para makatulong sa kanilang kahinaan. Una, sinasabi ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang tao para sa Kanyang sarili at idinisenyo ang sangkatauhan upang natural na magnasa na magkaroon ng kaugnayan sa kanyang Manlilikha. Isinulat ni Augustine, “Ginawa Mo kami para sa Iyong sarili, o Panginoon, at ang aming puso ay walang kapahingahan hanggat hindi natatagpuan ang kapahingahan sa Iyo.” Sinasabi ng Bibliya na ang sangkatauhan ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26). Dahil totoo ito, hindi ba kapanipaniwala na nakakaramdam tayo ng pagnanais para sa Diyos dahil nilikha tayo na may ganitong pagnanasa? Hindi ba maaaring umiral ang posibilidad ng isang relasyon sa pagitan ng nilikha at Manlilikha?

Ikalawa, sinasabi ng Bibliya na ang tao ay kumikilos ng salungat sa sinasabi nina Freud at ng kanyang mga tagasunod. Sinasabi ng bibliya na likas na lumalaban ang tao sa Diyos at normal na itinutulak ang sarili palayo sa Diyos sa halip na nasain ang mapalapit sa Kanya at ang pagtangging ito sa Diyos ang dahilan kung bakit mararanasan nila ang Kanyang poot. Ang katotohanan ay gagawin ng tao ang lahat ng kanyang makakaya upang pigilan ang katotohanan tungkol sa Diyos na siyang isinulat ni Pablo: “Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong sumisiil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. Ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, yamang inihayag ito sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya. Kaya't wala na silang maidadahilan. Kahit na kilala na nila ang Diyos, siya'y di nila pinarangalan bilang Diyos ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan at nadimlan ang kanilang mga hangal na pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na hangal” (Roma 1:18–22). Ang katotohanan na malinaw na malalaman ng tao na may Diyos sa pamamagitan ng Kanyang nilikha, gaya ng sinabi ni Pablo ay binuod ni C.S. Lewis ng kanyang isulat, “maaari nating hindi pansinin, ngunit hindi tayo makakaiwas sa presensya ng Diyos. Ang mundo ay punong puno ng Kanyang presensya.”

Inamin mismo ni Freud na ang relihiyon ang “kaaway,” at ito ang eksaktong paglalarawan ng Diyos sa sangkatauhan bago sila makaunawa – sila ay mga kaaway ng Diyos. Ito ay isang bagay na kinilala ni Pablo, “Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit ngayon, tinatanggap na niya tayong mga kaibigan alang-alang sa pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya't tiyak ang pagkaligtas natin sa pamamagitan ng pagiging buhay ni Cristo” (Roma 5:10).

Ikatlo, ang Bibliya mismo ang nagsasabi na mahirap ang buhay, pangkaraniwan ang kahirapan, at nararanasan ng lahat ang pagkatakot sa kamatayan. Ito ang mga katotohanan na madaling nakikita sa mga tao sa ating paligid sa buong mundo. Sinasabi din ng Bibliya na nakahanda ang Diyos na tulungan tayo sa mga sandali ng kahirapan at tinitiyak sa atin na tinalo na ni Hesus ang takot sa kamatayan. Sinabi mismo ni Hesus, “Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan” na nagpapatunay na totoong umiiral ang mga kahirapan sa buhay, ngunit Kanya ring sinabi, “Huwag kayong matakot” at sinabi sa mga lagad na dapat silang tumingin sa Kanya upang magtagumpay (Juan 16:33).

Sinasabi ng Bibliya na nagmamalasakit ang Diyos at tumutulong sa Kanyang bayan at inuutusan Niya ang kanyang mga tagasunod na magtulungan sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa (cf. Galacia 6:2). Tungkol sa pagmamalasakit ng Diyos sa Kanyang bayan, isinulat ni Pedro, “Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo” (1 Pedro 5:6-7). Ang isang popular na pahayag ni Hesus ay nagpapatunay din sa katotohanang ito: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo” (Mateo 11:28–30).

Bilang karagdagan sa pang araw-araw na tulong, ang takot sa kamatayan ay napagtagumpayan na rin ni Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, pinatunayan ni Hesus na walang kapangyarihan sa Kanya ang kamatayan, at sinasabi sa Salita ng Diyos na ang muling pagkabuhay ni Hesus ang katibayan ng pagkabuhay na muli ng mga patay at ng buhay na walang hanggan para sa mga nagtitiwala sa Kanya (1 Corinto 15:20). Ang paglaya sa pagkatakot sa kamatayan ay isang katotohanang ipinangaral ng manunulat ng Hebreo na nagsabi, “Yamang ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus, tulad nila---may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.” (Hebreo 2:14–15, idinagdag ang diin).

Kaya nga tunay na binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos, ang Kanyang pagmamalasakit, at pagtulong sa Kanyang mga nilikha. Ang mga katotohanang ito ay nagbibigay ng kaaliwan, ngunit ang kaaliwang ito ay nakasalalay sa katotohanan hindi sa isa lamang kahilingan o kapritso ng tao.

Ang pananampalataya ba sa Diyos ay isang “saklay” lamang para sa mahihina? – Konklusyon

Mali si Jesse Ventura ng kanyang sabihin na ang relihiyon ay tulad lamang sa isang saklay. Ang ganitong pahayag ay nagpapakita ng mapagmataas na kalikasan ng tao at naglalarawan sa uri ng tao na sinaway ni Hesus sa aklat ng Pahayag: “Sasabihin mo, 'Ako'y mayaman at sagana sa lahat ng bagay! Ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay abang-aba, kahabag-habag, maralita, hubad, at bulag” (Pahayag 3:17).

Ang pahayag nina Freud, Ventura, at ng iba pa na ang relihiyon ay inimbento lamang ng tao dahil sa kanyang kagustuhan na magkaroon ng pigura ng isang mapagmahal na ama ay paghatol laban sa kanilang sarili at nagpapakita ng kanilang pagnanais na tanggihan ang Diyos at ang Kanyang pagaangkin sa kanilang buhay, at sa eksaktong sinsabi ng Bibliya tungkol sa ginagawa ng tao sa Diyos. Ngunit sa mga taong ganito rin sinasabi ni Hesus na kilalanin nila ang kanilang tunay na naisin at iniaalok ang Kanyang sarili kapalit ng kanilang huwad na pag-asa sa magagawa ng tao na kanilang pinagtitiwalaan.

Ang mga pahayag ng Bibliya tungkol sa katotohanan at mga ebidensya ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ay nagbibigay ng kaaliwan at tunay na pag-asa – pag-asang hindi mabibigo – at nagtuturo sa atin na lumakad sa daan ng pagtitiwala sa Diyos at pagkilala sa ating tunay na “mahinang” kalagayan sa Kanyang harapan. Kung nagawa natin ito, magkakaroon tayo ng kalakasan gaya ng sinabi ni Pablo, “Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas” (2 Corinto 12:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pananampalataya ba sa Diyos ay tulad sa isang saklay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries