Tanong
Paano nakakaapekto ang paniniwala sa doktrina ng paglikha at paniniwala sa teorya ng ebolusyon sa ating pananaw sa mundo?
Sagot
Ang susing pagkakaiba sa pagitan ng doktrina ng paglikha at teorya ng ebolusyon ay ang pagkakaroon natin ng katiyakan tungkol sa lahat ng bagay na iniisip natin na ating nalalaman. Isipin mo ito: kung ang ating limang pandama at ang ating utak ay produkto lamang ng hindi tiyak at walang layuning ebolusyon, paano tayo makatitiyak na binibigyan tayo ng mga ito ng mapagkakatiwalaang impormasyon? Ang bagay na nakikta ng aking utak at mata na kulay “pula” ay maaaring makita ng iyong utak at mata na kulay “asul.” Ngunit tinatawag mo itong kulay “pula” dahil iyon ang itinuro sa iyo. (Hindi talaga nagbabago ang kulay dahil sila ay kinakatawan ng tiyak at hindi nagbabagong electromagnetic spectrum). Wala tayong tiyak na kaparaanan upang malaman kung ano ang ating sinasabi patungkol sa parehong bagay.
O kaya naman ay ipagpalagay natin na nakakita ka ng isang bato na may nakaukit na mga salitang “Manila: 50 km.” Ngayon ipagpalagay natin na naniniwala ka na ang mga markang iyon ay resulta lamang ng hindi sinasasadyang pagukit ng hangin at ulan sa bato hanggang sa kusang lumabas ang naturang mensahe dahil sa erosyon na likha ng kalikasan. Magkakaroon ka ba ng pagtitiwala na talagang ang Maynila ay 50 kilometro ang layo mula sa batong iyon?
Ngunit ano kaya kung alam mo na ang bawat normal na pares ng mata at utak ay idinisenyo upang matukoy ang dalas ng electromagnetic spectrum na kulay pula? Tiyak na may pagtitiwala ka na ang aking nakikitang kulay pula ay ang kapareho ng kulay na iyong nakikita. At paano kung alam mo na may isang tao na maingat na sinukat ang distansyang 50 kilometro at pagkatapos ay isinulat sa isang bato ang impormasyon upang maging tanda sa mga manlalakbay? Tiyak na magkakaroon ka ng pagtitiwala na ibinibigay ng marka ang eksaktong impormasyon.
Ang isa pang epekto ng paniniwala sa doktrina na paglikha o teorya ng ebolusyon ay ang pananaw ng isang tao sa moralidad. Kung ang tao ay produkto lamang ng hindi sinasadya at walang layuning ebolusyon, ano ngayon ang kahulugan ng kabutihan at kasamaan? Paano ikukumpara ang mabuti sa masama at saan ikukumpara ang masama? Saan ikukumpara ang mabuti? Tunay na kung walang sukatan (halimbawa ang kalikasan ng Diyos), wala tayong basehan para masabi na ang isang bagay ay mabuti o masama; ito ay magiging isang opinyon lamang, na hindi magagamit sa pagtitimbang kung paano ko huhusgahan ang ginagawa ng iba. Lalabas na simpleng pumili lamang na magkaibang opinyon sa mundo si Mother Theresa at Stalin. Wala talagang tiyak na sagot kung sino ang dapat pakinggan at sangguniin patungkol sa tama at mali. At habang maaaring mamuhay ng ayon sa pamantayan ng moralidad ng tao ang mga hindi naniniwala sa Diyos at mga ebolusyonista – kung talagang totoo sila sa kanilang pinaniniwalaan – wala silang anumang dahilan at wala silang anumang basehan upang hatulan ang ginagawa ng iabng tao na sa pananaw nila ay gumagawa ng “masama.”
Ngunit kung may isang Diyos na lumikha sa atin ayon sa Kanyang wangis, lalabas na hindi lamang tayo nilikha na may likas na kaalaman tungkol sa mabuti o masama, kundi mayroon din tayong sagot sa tanong na, “Sino ang nagsabi kung ano ang mabuti at masama?” Ang mabuti ang sang-ayon sa kalikasan ng Diyos at ang masama ay anumang bagay na hindi ayon sa kanyang kalikasan. English
Paano nakakaapekto ang paniniwala sa doktrina ng paglikha at paniniwala sa teorya ng ebolusyon sa ating pananaw sa mundo?