Tanong
Ano ang ilan sa mga hindi matatanggihang halimbawa ng pagkilos ng Diyos?
Sagot
Sa simpleng pakahulugan, ang pagkilos ng Diyos o interbensyon ng Diyos ay ang “pakikialam” ng Diyos sa mga nagaganap sa mundo. Ito ay ang pagpapahintulot ng Diyos na maganap ang isang pangyayari o ang hindi Niya pagpapahintulot na maganap ang isang pangyayari. Maaaring may ibang paliwanag ang mga ateista (hindi naniniwala sa Diyos), agnostista (nagdududa sa pagkakaroon ng Diyos), deista (naniniwala na hindi nakikialam ang Diyos sa nagaganap sa mundo) kahit sa mga pinakamaliwanag na mahimalang pangyayari. May mga mananampalataya na nakikita ang pagkilos ng Diyos sa lahat ng lugar at itinuturing kahit na gaano kaliit ang isang pangyayari bilang malinaw na tanda mula sa Diyos na nagsisilbing gabay sa pagdedesisyon sa buhay. Kaya nga, “nakikialam” ba ang Diyos o Siya ba ang nagtatakda ng mga nagaganap sa mundo? Kung totoo ito, mayroon bang mga hindi matatanggihang halimbawa sa Kanyang pagkilos? Ang “kamay” ba ng Diyos ay nasa lahat ng Kanyang mga nilikha?
Masasabi ng isang mananampalataya ang napakaraming halimbawa ng pagkilos ng Diyos. Lahat ng bagay mula sa pagkatalo ng Hukbo ng Espanya hanggang sa pagkakaroon ng modernong bansa ng Israel ay maaaring tukuyin bilang halimbawa ng pagkilos ng Diyos sa kasaysayan. Siyempre, may mga himala din sa Bibliya na itinala ng mga mismong nakasaksi, at ang paglikha na “sinasaksihan mismo ng mga nilikha” gaya ng sinabi ni Haydn.
Ngunit, para sa mga ateista, agnostista at mga deista, may iba silang paliwanag para sa lahat ng bagay. Kailan lang ay may isang programa sa telebisyon sa Amerika na tinangkang pabulaanan ang mga himala sa Bibliya. May isang kabanata na inilaan para sa paliwanag tungkol sa pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula (tingnan ang kabanata 14 ng Exodo). May ilang teorya ang mga siyentipiko sa pangyayaring ito katulad ng pagkabuo ng isang pansamantalang tulay na lupa na resulta ng pagputok ng bulkan sa ilalim ng dagat dahilan para mabuo ang isang tsunami na nagpababaw sa bahagi ng dagat kung saan naroon sina Moises at ang mga Israelita kaya sila nakatawid sa dagat na pula. Habang maaaring posible nga ang paliwanag na ito, ngunit kailangan ding ipaliwanag ang pagkamatay ng buong hukbo ng mga Ehipsyo na humabol sa mga Israelita. Maaring ipaliwanag ang bawat pangyayari ng magkakahiwalay, ngunit ginagamit lamang ang ganitong argumento upang pabulaanan ang mga hindi pangkaraniwang pangyayaring ito. Muli, para sa tao na tumatanggi sa pagkakaroon ng Diyos, maaaring ipaliwanag ang mga himala sa pamamagitan ng tsansa, histerya o delusyon. Kung maghahanap ka ng dahilan upang hindi maniwala, tiyak na makakakita ka.
Sa kabilang panig naman ng diskusyon ay ang mga mananampalataya na itinuturing ang halos lahat ng bagay bilang halimbawa ng pagkilos ng Diyos. Para sa kanila, ang isang malaking diskuwento sa groserya ay malinaw na isang himala ng Diyos. Ang isang biglaang pagihp ng malakas na hangin o isang hindi sinasadyang pagkikita ng dalawang magkaibigan ay isang malinaw na tanda mula sa Diyos. Habang mas naaayon sa Bibliya ang ganitong pananaw kaysa sa pananaw ng mga Deista, mayroon ding problema sa ganitong pananaw. Ang pagpapalagay na direktang pagkilos ng Diyos ang lahat ng bagay, ay maaaring ayon na lamang sa pakiramdam. May ugali tayo bilang tao na unawain ang mga bagay-bagay ayon sa ating sariling kagustuhan. Nakakatuksong pagaralan ang mga hugis ng ulap upang makahanap ng tanda sa anumang bagay na nais nating kalooban ng Diyos para sa atin sa halip na tunay na hanapin ang kalooban ng Diyos sa isang pamamaraan na naaayon sa Bibliya (Roma 12:1-2).
Kung Bibliya ang sasangguniin, kumikilos ang Diyos sa lahat ng nangyayari sa mundo (tingnan ang Genesis hanggang Pahayag). Walang hanggan ang kapangyarihan at kapamahalaan ng Diyos (Awit 93:1; 95:3; Jeremias 23:20; Roma 9). Walang anumang nangyayari sa mundo na hindi ang Diyos ang nagtakda, ang dahilan at ang nagpahintulot. Lagi tayong napapalibutan ng pagkilos ng Diyos, kahit na mangmang tayo o bulag sa Kanyang ginagawa sa ating buhay. Hindi natin malalaman sa lahat ng panahon ang lahat ng kaparaanan kung paanong kumikilos ang Diyos. Maaaring ang pagkilos ng Diyos ay sa anyo ng isang himala, gaya ng kagalingan o isang mahimalang tanda. Maaari ding maganap ang pagkilos ng Diyos sa anyo ng tila hindi sinasadyang pangyayari na naging daan upang pumunta tayo sa isang lugar na nais ng Diyos na ating puntahan.
Ngunit hindi sa atin itinuturo ng Bibliya na maghanap ng nakatagong kahulugan sa mga araw-araw na pangyayari sa ating buhay. Habang dapat tayong maging sensitibo sa pagkilos ng Diyos, hindi natin dapat gugulin ang bawat minuto ng ating buhay sa pagpapakahulugan sa mga nakatagong mensahe ng Diyos sa ating mga karanasan. Hinahanap ng mga tunay na mananampalataya ang kalooban ng Diyos sa Bibliya (2 Timoteo 3:16-17) at pinangungunahan sila ng Banal na Espiritu sa kanilang paghahanap (Efeso 5:18). Dapat tayong sumunod sa nagiisa at lehitimong pinanggagalingan ng katotohanan kung saan natin matatagpuan ang kalooban ng Diyos, ang Bibliya (Hebreo 4:12). English
Ano ang ilan sa mga hindi matatanggihang halimbawa ng pagkilos ng Diyos?