settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakapantay-pantay sa pagaasawa?

Sagot


Ang pagkakapantay-pantay sa pagaasawa ay isang parirala na ginagamit sa mga debate tungkol sa pagaasawa ng magkapareho ang kasarian sa ilang mga bansa. Ang salitang “pagkakapantay -pantay sa pagaasawa” ay isang pagtatangka na baguhin ang konsepto sa usapin ng pagaasawa at ituring na kawalan ng katalinuhan ang paglaban sa pagaasawa ng magkapareho ang kasarian. Ang paglaban sa pagkilala sa karapatan ng mga homosekswal na magpakasal ay ibang usapin. Ngunit mas mahirap na labanan ang “pagkakapantay-pantay” sa karapatan ng pagaasawa. Gayunman, hindi mababago ng paggamit ng bagong terminolohiya sa simulaing ito ng mga homosekswal ang mga sentrong usapin sa debate. Kung ang kahulugan ng pariralang “pagkakapantay-pantay sa pagaasawa” ay “pagaasawa ng magkapareho ang kasarian,” dapat na tutulan ito ng mga Kristiyano.

Bakit tinututulan ng mga Kristiyano ang pagkakapantay-pantay sa pagaasawa? Nakakalito ang mismong tanong. Hindi tumututol ang lahat ng Kristiyano sa pagkakapantay-pantay sa pagaasawa, sa pagaasawa ng mga bakla o sa anumang tawag sa mga ito. Maraming Kriistiyano ang sumusuporta sa pagkilala ng pamahalaan sa legalidad ng pagsasama ng mga bakla at tomboy. Pinaniniwalaan ng mga ganitong Kristiyano sa pangkalahatan na ang moralidad sa aspetong sekswal ay hindi dapat na isinasabatas sa isang malayang sosyedad. Malayang magasawa ang kahit sino sa sinumang kanyang magugustuhan. Ito ay isang malaking pagkakamali kung ang itinuturo ng Bibliya ang paguusapan.

Napakalinaw ng itinuturo ng Bibliya na ang pagiging bakla o tomboy ay isang kasalanan (Levitico 18:22; Roma 1:26-27; 1 Corinto 6:9). Ipinapakita ng Bibliya na ang pagaasawa ay itinatag ng Diyos at nilinaw ng Diyos na ang pagaasawa ay isang pang-habambuhay na tipan sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae (Genesis 2:24; 1 Corinto 7:2-16; Efeso 5:23-33). Ayon sa Bibliya, ang pagsasama ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay hindi maituturing na pagaasawa. Hindi mahalaga kung isinabatas man ng pamahalaan ang bagong pakahulugan ng pagaasawa. Hindi mahalaga kung pumapabor man ang sosyedad sa pagaasawa ng magkapareho ang kasarian. Ang pagsasama ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay lagi at mananatiling isang pagpilipit at paglaban sa kalooban ng Diyos sa Kanyang mga nilikha.

Sa modernong sosyedad na hindi Kristiyanon at palala ng palala ang sekularismo, ang debate tungkol sa pagkakapantay-pantay sa pagaasawa ay mapapanalunan ng mga kilusan ng mga homosekswal sa bandang huli. Dahil sa hindi pagsisisi ng estado at sa kawalan ng sigla ng pananampalatayang Kristiyano, opisyal na kikilalanin ng gobyerno ang pagsasama ng mga homosekswal bilang legal na pagaasawa, kasama ang lahat ng karapatan at pribilehiyo na nauukol lamang sana para sa pagaasawa sa pagitan ng isang lalaki at babae. Ngunit anuman ang gawin ng sosyedad, hindi nito mababago ang katotohanan na sinasang-ayunan at pinaniniwalaan ng mga tagasunod ni Kristo ayon sa Kanyang Salita. Idinedeklarang ganap ng Kanyang Salita na ang pagaasawa ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae. Bilang mga Kristiyano, tinatanggap natin ang katotohanan na namumuhay tayo sa bansang walang kinikilalang Diyos. Ngunit pinahahalagahan natin ang hindi nagbabagong Salita ng Diyos ng higit sa sinasabi ng ating sosyedad. “… Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao…” (Roma 3:4).

Hindi kailangang labanan ng mga Kristiyano ang mga bakla at tomboy na pinagkalooban ng gobyerno ng karapatan na magsama at makinabang sa mga benepisyo ng pagaasawa. Hindi tinalakay sa Bibliya ang pagbubuwis, karapatan sa pagmamana, pagbisita sa ospital at iba pa. Ngunit, pagdating sa kahulugan ng pagaasawa, dapat na maging matatag ang mga Kristiyano. Nilikha ng Diyos ang pagaasawa at walang sinumang tao ang may karapatan o awtoridad na baguhin ang kahulugan nito. Anuman ang pinapairal na batas ng sosyedad at ng gobyerno, hindi kailanman pinahihintulutan ng Bibliya ang pagkakapantay-pantay sa pagaasawa ng magkapareho ang kasarian. Ang pagaasawa, kasama ang mga pribilehiyo nito, ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae. Ito ang malinaw na itinuturo ng Bibliya. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakapantay-pantay sa pagaasawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries