Tanong
Ano ang ibig sabihin ng Bibliya ng sabihin nito na “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, ‘walang Dios’?
Sagot
Mababasang pareho sa Awit 14:1 at Awit 53:1, “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios.’” May ilang ginagamit ang talatang ito upang patunayan na ang mga ateista ay hangal, o kulang sa kaalaman. Gayunman, hindi ito ang kahulugan ng orihinal na salitang Hebreo na isinalin sa salitang tagalog na “mangmang.” Sa talatang ito, ang salitang Hebreong ginamit ay ‘nabal,’ na tumutukoy sa isang taong mangmang sa ‘moralidad’ o isang taong walang moralidad. Ang kahulugan ng teksto ay hindi “isang taong walang alam na hindi naniniwala sa Diyos.” Sa halip, ang kahulugan ng talata ay ‘imoral na tao na hindi naniniwala sa Diyos.’
Sa totoo lang, maraming ateista ang napakatalino. Hindi ang pagkakaroon ng karunungan o kawalan nito ang nagtutulak sa tao upang tanggihan ang paniniwala sa Diyos. Ang imoralidad ang nagtutulak sa tao upang tumanggi sa paniniwala sa Diyos. Hindi tinatanggihan ng mga tao ang ideya na may isang Manlilikha. Sa halip, ang tinatanggihan ng tao ay ang ideya na may isang Manlilikha na nangangailangan ng moralidad mula sa Kanyang nilikha. Upang linisin ang kanilang konsensya at maibsan ang paguusig ng kanilang budhi, tinatanggihan ng tao ang ideya ng Diyos na pinanggagalingan ng perpektong moralidad. Sa pagtanggi sa Diyos, namumuhay ang mga ateista sa paraang gusto nila – ng walang pakiramdam ng paguusig ng budhi dahil sa kanilang pagtanggi na magbigay sulit sa Diyos.
May ilang prominenteng ateista ang umamin dito. Isang kilalang ateista ang tinanong kung ano ang kanyang inaasahang gawin sa pamamagitan ng ateismo ang nagsabi na gusto niyang “uminom ng alak hangga’t gusto niya at sumiping sa maraming babae hangga’t kaya niya.” Ang paniniwala sa isang banal na persona ay laging may kaakibat na pagsusulit at responsibilidad sa personang iyon. Kaya, upang tumakas mula sa pagkondena ng konsensya na nilikha mismo ng Diyos, kailangang tanggihan ng isang tao ang pagkakaroon ng Diyos upang matanggihan ang paguusig ng kanyang konsensya sa kanyang imoralidad.
Hindi ito nangangahulugan na imoral ang lahat ng ateista. Maraming ateista ang nabubuhay ng malinis at moral. Ang ibig sabihin ng pahayag na “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios” ay hindi ang kawalan ng ebidensya ng pagkakaroon ng Diyos ang tunay na dahilan kung bakit tinatanggihan ng tao ang paniniwala sa Diyos. Tinatanggihan ng tao ang paniniwala sa Diyos dahil sa kanilang kagustuhan na mabuhay ng malaya mula sa mga hinihingi ng Diyos at upang tumakas sa paguusig ng budhi na resulta ng hindi pagsunod sa moralidad na hinihingi ng Diyos.
“Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan; Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan: Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim. Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang, at pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang. Dahil dito'y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili: Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa” (Roma 1:18-25).
English
Ano ang ibig sabihin ng Bibliya ng sabihin nito na “Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, ‘walang Dios’?