Tanong
Mayroon bang misogyny sa Bibliya? Ano ang isang misoginist o isang taong mababa ang pagtingin sa mga babae?
Sagot
Ang isang misogynist ay isang taong namumuhi o mababa ang pagtingin sa mga babae. Ang salitang misogyny ay pangkalahatang tumutukoy sa saloobin at paguugali na hinihiya, iniinsulto, o inaabuso ang mga babae dahilan sa kanilang kasarian. Ang halimbawa ng misogyny ay ang pagtrato sa mga babae na mahina sa intelektwal at moral kaysa sa mga lalaki na nagiging dahilan ng pangaabuso sa mga babae, o pagtukoy sa mga babae gamit ang mga mapangabuso at masasakit na pananalita. Minsan, sinasabi ng mga kritiko ng Kristiyanismo na sinusuportahan ng Bibliya ang misogyny ngunit sinasalungat ng parehong Kasulatan at kasaysayan ang paratang na ito.
Sa kasamaang palad, ginagamit ng mga taong gustong palabasin na itinuturo sa Bibliya ang misogyny ang isang maling paraan ng pagpapaliwanag sa Bibliya gaya ng ginagawa ng mga nagnanais na bigyang katwiran ang misogyny gamit ang Bibliya. Ito ay ang paggamit ng mga talata sa Bibliya na hiwalay sa konteksto nito at ipinipilit ang sinaunang kultura na ilapat sa makabagong kultura at ipinagwawalang bahala ang pangkalahatang mensahe na nais ipahayag ng mga talata sa Bibliya. Ang higit na masama, hindi nila pinapansin ang positibong epekto ng katuruan ng Biblikal na Kristiyanismo sa mga kababaihan sa buong mundo sa kasalukuyan.
Ang isang simpleng konsiderasyon sa konteksto ay magpapabulaan sa lahat ng akusasyon na may misogyny sa Bibliya. Ang isang perpektong halimbawa ay ang Efeso 5;22-24 kung saan sinasabi na dapat na magpasakop ang mga babae sa kani-kanilang mga asawa na “gaya ng sa Panginoon.” Ginagamit ng mga kritiko at ng mga misogynists ng hindi ayon sa konteskto ang talatang ito upang suportahan ang kanilang akusasyon na itinuturo ng Bibliya ang misogyny. Gayunman, iniutos ng mismong mga sumunod na salita sa talata na dapat na ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa, “kung paanong inibig ni Kristo ang iglesya (Efeso 5:25) at ibigin sila na gaya ng kanilang sariling katawan” na ipinagkakaloob ang kanilang pangangailangan at inaalagaan sila gaya ng ginagawa ni Kristo sa Kanyang iglesya (Efeso 5:28–30). Kung aalalahanin na naging alipin si Hesus ng kanyang mga alagad (Juan 13:5) at inutusan tayo na gawin din ang gayon (Juan 13:13–16)— hanggang sa punto na ibinigay Niya ang Kanyang buhay alang-alang sa ating kaligtasan, (Juan 15:12–14)— imposible na mabigyang katwiran ng isang misogynist ang kanyang interpretasyon sa Efeso 5.
Direktang sinasalungat ng Bibliya ang konsepto ng misogyny. Ayon sa Kasulatan, pantay-pantay ang lahat ng tao sa mata ng Diyos anuman ang kanilang kasarian, lahi, at kakayahan (Galacia 3:28). Sa karagdagan, tinrato ng maayos at iginalang ng Panginoong Hesu Kristo at ng unang iglesya ang mga kababaihan. Iniligtas ni Hesus sa kamatayan ang isang babaeng napatunayang nagkasala ng pangangalunya mula sa kamay ng mga nagakusa sa kanya (Juan 8:9–11), tinawag si Hesus na “guro” nina Maria at Marta (Juan 11:28), at nagturo si Hesus sa isang babae sa tabi ng balon ni Jacob sa harap ng Kanyang mga alagad (Juan 4:9–10), sa kabila na ipinagbabawal ito sa kultura ng mga Hudyo. Hindi lamang nakaakit ang unang iglesya ng mga babaeng miyembro (Gawa 8:12; 17:12), kundi marami din sa kanila ang naging instrumento sa pagpapahayag ng Ebanghelyo (Filipos 4:3).
Sa maraming kaparaanan, sinalungat ng Bibliya ang mababang pagtrato sa mga babae noong unang panahon at masasalamin ang epekto ng radikal na pananaw na ito sa mundo sa kasaysayan. Dapat na ikunsidera ng mga tumutuligsa sa Bibliya patungkol sa saloobin nito sa mga babae ang mga paganong kultura sa panahon ng Lumang Tipan, Bagong Tipan, at sa kasaysayan ng unang iglesya. Kahit sa ating kasalukuyang panahon, kailangan lamang paghambingin ang kalagayan ng mga babae sa mga bansang Kristiyano at sa mga bansang hindi Kristiyano. Gayundin naman, dapat na isaalang-alang ang nakapanghihilakbot na pagtrato sa mga kakabaihan ng industriya ng mga hindi mananampalataya gaya ng pornograpiya, at pagbebenta ng laman, na parehong direktang tinututulan ng mga utos ng Diyos sa Bibliya.
Kagaya ng iba pang siyu sa lipunan, nagtatag ang Kristiyanismo ng pundasyon ng moralidad na nagreresulta sa mga ideya gaya ng kahalagahan, pagkakapantay-pantay, at kalayaan ng mga kababaihan. Ang etika na nag-ugat sa pananaw ng Kristiyanismo at nagresulta sa pagkakapantay-pantay sa sosyedad at pagbibigay ng oportunidad sa mga kababaihan na hindi maiaalok ng mga hindi Kristiyanong kultura o maaaring makita sa mga bansang hindi Kristiyano ngunit naimpluwensyahan ng Kristiyanismo kaya’t wala silang magawa kundi yakapin ang parehong pananaw.
Mahalaga ring pansinin ang pagkakaiba sa pagitan ng misogyny na inilalarawan ng iba at sa misogyny na isinusulong naman ng iba. Maaaring idetalye ng mga aklat kasaysayan ang nakaririmarim na holocaust at black plague, ngunit hindi natin ipinagpapalagay na sumasang-ayon kay Hitler ang mga manunulat ng mga librong ito. Totoong makikita din sa Bibliya ang ilang mga halimbawa ng misogyny, ngunit ang mga gawaing iyon ay kinondena at hindi sinang-ayunan ng Bibliya. Ang isang halimbawa ang ay ang panggagahasa at pagpatay sa mga babaeng mangangalunya sa Hukom 19:25–29, isang pangyayari na nakatawag pansin sa maraming Israelita at nagpasiklab sa isang digmaang sibil. Masigasig na ginagamit ng mga kritiko ng Bibliya ang mga kaparehong insidente sa Bibliya ng hindi binabanggit na ang ganoong gawain ay inilarawan lamang bilang bahagi ng kuwento ngunit hindi sinang-ayunan o hinimok man ng nagkuwento.
Gayundin naman, ang mga katanungan tungkol sa misogyny sa Bibliya ay kailangang ihiwalay sa motibo ng iba na gamitin ang Bibliya upang suportahan ang kanilang masamang gawain at layunin. May mga panahon na ginagamit din ng mga kalalakihan ang siyensya, kasaysayan at maging mga batas ng bansa upang bigyang katuwiran ang misogyny kahit na hindi katanggap-tanggap ang kanilang interpretasyon. Hindi kailanman ipinakita ng mga Israelita, ni Hesus at ng unang iglesya ang misogyny at walang itong lugar sa pamantayan ng Bibliya. Hindi maiisisi sa Bibliya ang misogyny o magagamit man ito upang bigyang katwiran ang mababang pagtingin at pagkamuhi sa mga babae. Kung sakali man, kailangang punitin ang Bibliya, baguhin ang konteksto at pilipitin ang mensahe nito upang ipakita ang kabaliktaran: para masabi na sinusuportahan ng Bibliya ang misogyny, kailangang ihiwalay ng nagaakusa ang ilang teksto nito mula sa iba pang mga teksto at sa buong Kristiyanismo mismo. English
Mayroon bang misogyny sa Bibliya? Ano ang isang misoginist o isang taong mababa ang pagtingin sa mga babae?