Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katarungang panlipunan (social justice)?
Sagot
Bago natin talakayin ang maka-Kristiyanong pananaw sa katarungang panlipunan, alamin muna natin ang kahulugan ng katarungang panlipunan (social justice). Ang katarungang panlipunan ay isang konsepto na may kulay pulitika at hindi ito maaring ihiwalay sa konteksto ng makabagong panahon. Ang katarungang panlipunan ay laging ginagamit ng mga makakaliwang grupo. Binigyang kahulugan ang katarungang panlipunan sa isang sipi mula sa Wikipedia sa ganitong paraan:
“Ang katarungang panlipunan o social justice ay isang konsepto na ginagamit upang ilarawan ang isang kilusan tungo sa isang mundo na pinaghaharian ng katarungan. Sa kontekstong ito, ang katarungang pantao at pagkakapantay-pantay ay kinapapalooban ng mataas na antas ng egalitarianismo sa ekonomiya, pamamahagi ng kita, at maging ng pamamahagi ng ari-arian. Layunin ng polisiyang ito na makamit ang tinutukoy ng mga ekonomista na pagkakapantay-pantay ng oportunidad ng higit sa mga umiiral sa maraming sosyedad at upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay ng resulta dahil ang hindi pagkapantay-pantay ay resulta ng isang hindi makatarungang sistema.”
Ang susing salita sa mga kahulugang ito ay ang salitang ‘egalitarianismo.’ Ang salitang ito, kasama ang mga pariralang pamamahagi ng kita, pamamahagi ng ari-arian, at pagkakapantay-pantay ng resulta ay tumutukoy sa maraming bagay tungkol sa katarungang panlipunan (social justice). Ang egalitarianismo ay isang katuruang pulitikal na nagsusulong ng ideya na ang lahat ng tao ay dapat na magkaroon ng pantay-pantay na karapatang pantao sa pulitika, ekonomiya at lipunan. Ang ideyang ito ay base sa pundasyon ng karapatang pantao na idinadambana sa Deklarasyon ng Kalayaan (Declaration of Independence).
Gayunman, bilang isang doktrina sa ekonomiya, ang egalitarianismo ang nasa likod ng sosyalismo at komunismo. Ang egalitarianismo sa ekonomiya ay naglalayon na alisin ang mga balakid ng hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagbabaha-bahagi ng kayamanan. Nakikita natin na ipinapatupad ito sa mga programa ng gobyerno para sa kapakanan ng mamamayan kung saan mas malaking buwis ang ipinapataw sa mga mayayaman upang itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mahihirap. Sa ibang salita, kumukuha ang gobyerno mula sa mayayaman at ibinibigay sa mga mahihirap.
Dalawa ang problema sa doktrinang ito: Una, may maling akala sa egalitarianismo na ang mayayaman ay yumaman dahil sa pagsasamantala sa mahihirap. Marami sa mga literatura sa nakaraang isandaan at limampung (150) taon ang isinusulong ang ganitong kaisipan. Maaaring ito ang kalagayan noong panahon ni Karl Marx na unang sumulat ng ‘Communist Manifesto,’ at maging sa kasalukuyan ito rin ang sitwasyon sa maraming pagkakataon, ngunit tiyak na hindi sa lahat ng pagkakataon. Ikalawa, ang mga programang panlipunan ng mga sosyalista ay mas nagdadala ng problema kaysa lumulutas ng mga ito; sa ibang salita hindi ito nakakatulong. Ang epekto ng pagtulong ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan (DSWD), na gumagamit ng buwis upang suportahan ang pamumuhay ng mga walang trabaho o maliit ang kita ay karaniwang nakakasama sa halip na nakatutulong upang paunlarin ang kanilang sitwasyon. Ang lahat ng bansa kung saan ginagamit na pamantayan ang sosyalismo at kumunismo ay nabigong alisin ang distinksyon ng kalagayan ng tao sa sosyedad. Sa halip, ang tangi nitong nagagawa ay alisin ang tawag o terminolohiyang negosyante at uring manggagawa ngunit ang totoo, mayroon pa ring nakatataas at nakabababa sa lipunan.
Ano ngayon ang pananaw ng Kristiyano sa katarungang panlipunan (social justice)? Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay Diyos ng katarungan. Sa katotohanan, “makatarungan ang lahat Niyang gawa” (Deuteronomio 32:4). Gayundin naman, sinusuportahan ng Bibliya ang konsepto ng katarungang panlipunan at ipinakikita nito ang pagmamalasakit sa kalagayan ng mahihirap at may dinaramdam (Deuteronomio 10:18; 24:17; 27:19). Laging tinutukoy sa Bibliya ang mga ulila, mga balo at mga dayuhan – ang mga taong hindi kayang ipagtanggol ang sarili na walang mahihingan ng tulong. Inutusan ng Diyos ang bansang Israel na magmalaskit sa mga walang kaya, at ang kabiguan nilang gawin ito ang isa sa mga kadahilanan sa paghatol sa kanila ng Diyos at ng pagpapalayas sa kanila sa kanilang lupain.
Sa sermon ni Hesus sa bundok ng mga Olibo, binanggit Niya ang tungkol sa mga ‘aba’ (Mateo 25:40), at sa sulat ni Santiago, binigyang diin niya ang katangian ng ‘totoong relihiyon’ (Santiago 1:27). Kaya kung ang salitang ‘katarungang panlipunan’ ay tumutukoy sa obligasyong moral para sa mga nangangailangan, tama na gawin natin ito. Alam ng Diyos na dahil sa pagbagsak ng tao sa kasalanan ay magkakaroon ng mga balo, ulila at mga dayuhan na walang matutuluyan at gumawa Siya ng probisyon sa Luma at Bagong Tipan upang pangalagaan ang karapatan ng mga taong katulad nila. Ang modelo ng ganitong pananaw ay ang mismong Panginoong Hesus, na sumasalamin sa katarungan ng Diyos sa pamamagitan ng pagdadala ng mensahe ng Ebanghelyo kahit na sa mga taong itinatakwil ng lipunan.
Gayunman, ang pananaw ng Kristiyano sa katarungang panilipunan ay kaiba sa makabagong pananaw tungkol sa katarungang panlipunan. Una, ang mga katuruan ng Bibliya tungkol sa pagmamalasakit sa mga mga mahihirap ay para sa indibidwal na mananampalataya. Sa ibang salita, ang bawat Kristiyano ay inuutusan na tulungan ang mga walang kaya at mga hamak sa lipunan. Ang basehan ng utos na ito ay ang ikalawa sa pinakadakilang utos na ibigin ang kapwa gaya ng iyong sarili (Mateo 22:39). Ngayon, pinalitan ang pang-indibidwal na ideya ng katarungang panlipunan ng ideya na pang pamahalaan kung saan sa pamamagitan ng buwis at ibang kaparaanan ay ipinamamahagi ang kayamanan para sa lahat. Ang polisiyang ito ay hindi pagtulong sa diwa ng pag-ibig kundi sa diwa ng sapilitan dahil nakikita ng tao na kinukuha sa kanila ang dapat na para sa kanila.
Ang isa pang pagkakaiba sa maka-Kristiyanong pananaw sa katarungang panlipunan sa sekular na pananaw ay hindi ipinalalagay ng mga Kristiyano na ang kayamaman ng iba ay laging nanggagaling sa kasamaan at pandaraya. Sa pananaw ng Kristiyano, hindi masama ang kayamanan ngunit may responsibilidad ang tao at inaasahan sa kanila na maging mabubuting katiwala ng kanilang kayamanan (dahil ang lahat ng kayamanan ay nanggaling sa Diyos). Sa panahon ngayon, ang katarungang panlipunan ay tinitingnan mula sa palagay na sinasamantala ng mayayaman ang mga mahihirap. Ang pangatlong pagkakaiba ay ang konsepto ng Kristiyano ng pagiging tagapangasiwa. Maaaring magbigay ang Kristiyano sa anumang institusyon ng pagkakawanggawa na kanyang maibigan. Halimbawa, kung ang isang Kristiyano ay may puso sa mga batang hindi pa isinisilang, maaari siyang magbigay ng oras, talento at tulong pinansyal sa anumang ahensya na kanyang maibigan. Sa makabagong pananaw sa katarungang panlipunan, ang mga nasa kapangyarihan sa gobyerno ang nagdedesisyon kung sino ang tatanggap ng tulong. Walang kontrol ang mamamayan sa gagawin ng gobyerno sa kanilang buwis at madalas sa hindi, ginugugol ang kanilang buwis sa mga ahensya na hindi naman nila gustong paglagyan ng kanilang pera.
Malinaw na may tensyon sa pagitan ng pananaw sa katarungang panlipunan na nakasentro sa Diyos at sa pananaw sa katarungang panilipunan na nakasentro sa tao. Sa pananaw na nakasentro sa tao, ang gobyerno ang tagapagligtas at nagdadala ng langit sa lupa sa pamamagitan ng mga makatarungang polisiya at batas. Sa kabilang dako, nakikita ng pananaw na nakasentro sa Diyos si Hesus bilang Tagapagligtas at dadalhin Niya ang langit sa mundo sa Kanyang muling pagparito. Sa Kanyang muling pagparito, ibabalik Niya sa dati ang lahat at ipatutupad ang perpektong katarungan. Hanggat hindi ito nagaganap, ipinakikita ng mga Kristiyano ang pag-ibig at hustisya ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan at kahabagan sa mga nangangailangan.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katarungang panlipunan (social justice)?