settings icon
share icon
Tanong

Totoo ba na may dahilan sa likod ng lahat ng nangyayari?

Sagot


May dahilan ba ang lahat ng nangyayari? Ang maiksing sagot ay “oo”; dahil walang hanggan ang kapamahalaan ng Diyos at walang aksidente sa Kanya, at walang pangyayari na hindi Niya pinahintulutan at hindi Niya kayang kontrolin. Maaaring nakatago sa atin ang layunin ng Diyos, ngunit makatitiyak tayo na mayroon Siyang layunin sa likod ng lahat ng nangyayari sa ating mga buhay.

May dahilan ang pagkabulag ng lalaki sa ika-siyam na kabanata ng Ebanghelyo ni Juan, bagama’t mali ang pagkaunawa ng mga alagad sa dahilan ng kanyang karamdaman (Juan 9:1–3). May dahilan sa likod ng pagmamaltrato kay Jose ng kanyang mga kapatid at iba ang kanilang layunin sa layunin ng Diyos sa pagpapahintulot na gawin nila sa kanya ang masasamang bagay (Genesis 50:20). May layunin sa likod ng kamatayan ni Hesus —may pansariling dahilan ang mga pinuno sa Jerusalem ayon sa kanilang masamang naisin, ngunit iba ang layunin ng Diyos ayon sa Kanyang katuwiran. Sakop ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos maging ang pinakamababa sa lahat ng mga nilikha: “Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama” (Mateo 10:29).

May ilang pamamaraan upang malaman natin na may dahilan ang lahat ng mga nangyayari: ang batas ng sanhi at epekto, ang doktrina ng orihinal na kasalanan, at ang probidensya ng Diyos. Ipinakikita ng lahat ng ito na may dahilan sa likod ng mga nangyayari, at walang aksidente lamang o ayon sa kaisipan ng swerte at malas.

Una, may tinatawag na batas ng sanhi at epekto na tinatawag ding batas ng pagtatanim at pagaani. Sinabi ni Pablo, “Huwag ninyong akalaing madadaya ninyo ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang sumusunod sa nasa ng kanyang laman ay mag-aani ng kapahamakan. Ngunit ang sumusunod naman sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan” (Galacia 6:7–8). Nangangahulugan ito na ang ating mga ginagawa o bawat salita na ating sinasabi, maging mabuti o masama ay may tiyak na resulta (Colosas 3:23–25). Maaring itanong ng isang tao, “Bakit narito ako sa bilangguan?” May dahilan ba kung bakit ako nakulong?” at marahil ang sagot ay, “dahil ninakawan mo ang iyong kapitbahay at nahuli ka.” Ito ang batas ng sanhi at epekto.

Ang lahat ng ating ginagawa sa mundong ito ay isang pamumuhunan sa laman o pamumuhunan sa espiritu. Aanihin natin ang ating itinanim, at magaani tayo ayon sa dami ng ating itinanim at kung bakit at paano tayo nagtanim. “Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami” (2 Corinto 9:6). Ang isang mananampalatayang lumalakad sa Espiritu ay magaani ng mga bagay na espiritwal. Kung sagana ang kanyang itinanim, sagana din ang kanyang aanihin, kung hindi man sa lupang ito ay tiyak na sa buhay na darating. Sa kabaliktaran, ang mga nagtanim ayon sa laman ay magaani ng isang buhay na walang pagpapala ng Diyos, sa buhay na ito at maging sa buhay na darating (Jeremias 18:10; 2 Pedro 2:10–12).

Ang dahilan kung bakit may ilang bagay na nangyayari ay laging masususog sa orihinal na kasalanan sa Hardin ng Eden. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na nasa ilalim ng sumpa ng Diyos ang sangkatauhan (Genesis 3:17), na siyang dahilan ng mga kapansanan, sakit, natural na kalamidad, at kamatayan. Ang lahat ng ito, bagama’t ganap na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos ay karaniwang ginagamit ni Satanas upang pahirapan ang mga tao (tingnan ang Job 1–2; Lukas 9:37–42; 13:16). Maaaring may magtanong, “Bakit ako nagkaroon ng ganitong sakit? May dahilan ba sa likod nito?” at maaaring ang sagot ay isa o higit pa sa mga sumusunod: 1) “Dahil nakatira tayo sa isang mundo na nasa ilalim ng sumpa ng Diyos, tiyak na magkakasakit ang lahat ng tao”, 2) “Dahil sinusubok ka ng Diyos at pinalalakas ang iyong pananampalataya; o 3) “Dahil, sa pag-ibig ng Diyos, dinidisiplina ka Niya sang-ayon sa Hebreo 12:7–13 at 1 Corinto 11:29–30.”

Mayroon din tayong tinatawag na probidensya ng Diyos. Ang doktrina ng probidensya ng Diyos ay tumutukoy sa katuruan na tahimik at hindi nakikitang kumikilos ang Diyos sa natural na mundo upang pamahalaan ang lahat ng mga nangyayari. Sa Kanyang probidensya, ginaganap ng Diyos ang Kanyang mga layunin sa pamamagitan ng mga natural na proseso sa mundo o tinatawag na “kalikasan”ng tao. Ang bawat epekto ay sinususog ng tao sa isang natural na sanhi ng walang anumang pahiwatig sa mahimala. Ang tanging paliwanag ng taong isang walang pananampalataya sa Diyos sa dahilan sa likod ng mga pangyayari ay iparatang ang lahat sa tadhana.

Ipinoproklama ng mga mananampalataya na ang Diyos ang nagsasaayos ng tinutukoy na “tadhana” ng mga hindi mananampalataya. Iniiwasan ng hindi mananampalataya ang ideyang ito dahil naniniwala sila na kayang ipaliwanag ng buo ng natural na sanhi ang mga nangyayari ng walang pagbanggit o pagtukoy sa Diyos. Ngunit nakatitiyak ang mga tagasunod ni Kristo sa maliwanag na katotohanang ito: “Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28).

Ipinakikita ng aklat ni Esther ang probidensya ng Diyos sa kasaysayan. Ang pagkaalis ni Reyna Vasti sa posisyon, ang pagkapili kay Ester bilang reyna, ang plano ng mga kalaban ng mga Israelita, ang pagmamataas ni Haman, ang katapangan ni Mardoqueo, ang sakit ng hari, ang pagkahilig ni Ceres sa pagdanak ng dugo, at ang pagbabasa sa Kasulatan - ang lahat ng mga pangyayaring inilarawan sa aklat ay naganap upang iligtas ang bayan ng Diyos. Bagama’t hindi nabanggit ang Diyos ni minsan sa aklat, makikitang malinaw sa mga pangyayari na tahimik Siyang kumikilos at gumagawa ayon sa Kanyang probidensya.

Kumikilos ang Diyos sa lahat ng oras sa buhay ng Kanyang mga anak at tiyak na magaganap ang Kanyang mabuting layunin para sa kanila sa huli (tingnan ang Filipos 1:6). Ang mga pangyayari sa ating buhay na humuhubog sa ating pagkatao ay hindi simpleng produkto lamang ng mga natural na sanhi at ng swerte o malas. Ang lahat ng mga nangyayari ay itinakda ng Diyos at para sa ating ikabubuti. Lagi tayong nabibigo na makita at madama ang nakatagong pagiingat at paggabay ng Diyos habang nagaganap iyon sa ating pangaraw-araw na buhay. Ngunit kung lilingon tayo sa mga nakaraang pangyayari, makikita nating malinaw ang “Kamay” ng Diyos, kahit sa gitna ng mga trahedya. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Totoo ba na may dahilan sa likod ng lahat ng nangyayari?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries