settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang magaral ang Kristiyano ng Pilosopiya?

Sagot


Ang pagaaral ng pilosopiya ay tungkol sa paggamit ng makatwirang argumento at kritikal na pagiisip upang pagaralan kung paano nagiisip ang tao at upang maunawaan ang mundo sa kanilang kapaligiran — ang pisikal at ang hindi nakikitang mundo ng mga ideya. Ang mga tanong na gaya ng “ano ang totoo?” at “maaari bang malaman ang katotohanan?” at “ano ang kagandahan?” ay mga katanungan sa pilosopiya. Para sa mga Griyego, ang pilosopiya—philosophia—ay ang “pag-ibig sa karunungan.” Walang masama sa isang mananampalataya na umibig sa karunungan (Kawikaan 4:6; 7:4), at walang masama kung magaaral ang isang Kristiyano ng pilosopiya. Isang aklat ng pilosopiya ang aklat ng Mangangaral na tumatalakay sa iba’t ibang uri ng pilosopiya sa mundo bago ang konklusyon na ang pinakamaganda sa lahat ng pilosopiya ay ang pilosopiyang natatakot at sumusunod sa Diyos (Mangangaral 12:13).

Naniniwala ang isang Kristiyano na kayang sagutin ng Bibliya ang lahat ng katanungan ng tao tungkol sa buhay. Gayunman, isang nakabibighaning sangay ng pagaaral sa akademya ang pilosopiya at kung nakatuon dito ang isip ng isang Kristiyano, maaari itong makapagpalawak ng isip at maging kapaki-pakinabang sa kanyang pakikitungo sa mundo. Ang pangunawa sa iba’t ibang pilosopiya ng tao ay isang mahalagang kasangkapan sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Nakaya ni pablo na makipagdebate sa mga dalubhasa sa pilosopiya sa Mars Hill dahil sa kanyang kaalaman sa pilosopiya ng mga Griyego (Gawa 17:28). Binanggit din niya sa kanyang pangangaral ang pahayag ng isang pilosopong taga Creta (Tito 1:12).

Laging itinuturing ang pananampalataya na isang pananaw na “hindi ayon sa karunungan,” sa halip ito ay isang bagay na nauunawaan lamang ng puso at espiritu anupa’t hindi kailangan ang paggamit ng karunungan upang maging makatotohanan ito sa isang tao. Ang ideyang ito tungkol sa pananampalataya ay matagal ng isinusulong noon pa mang unang panahon. Hindi maintindihan ng kulturang Griyego, ang lugar kung saan isinilang ang pilosopiya - ang mensahe ng Kristiyanismo dahil para sa kanila, hindi ito ayon sa matalinong pagiisip. Ang pangangaral tungkol sa krus ay kamangmangan para sa mga Griyego ayon sa 1 Corinto 1:23. Binigyang diin dito ni Pablo ang limitasyon ng pilosopiya ng tao. Sa kanyang sarili, hindi kayang maunawaan ng tao ang mga katotohanan tungkol sa Diyos.

Nahayag sa tao ang karunungan ng Diyos ng ipagkaloob Niya sa tao ang isipan ni Kristo. Kung hindi dahil sa kapahayagan ng Diyos, sa kanyang likas na kalagayan, walang kakayahan ang tao na maunawaan ang mga bagay tungkol sa Espiritu ng Diyos (1 Corinto 2:14–16). Hindi nagmumula ang karunungan sa natural at matalinong pagiisip ng tao dahil ang isip ng tao maging ang kanyang pangangatwiran ay makasalanan at naapektuhan ng kasalanan. Isang magandang bagay ang karunungan, na inilarawan ng patula na kasama ng Diyos habang nililikha ang mundo (Kawikaan 8:12–31). Upang tunay na makapag-isip ayon sa karunungan, kailangan munang makilala ng tao ang ang pinangggagalingan ng karunungan, at iyon ay ang Diyos mismo. Hindi kahangalan ang pananampalataya sa Diyos — bagama’t inaakala itong gayon ng mga taong nagtitiwala lamang sa kanilang sariling pangunawa—sa halip, ito ang nagbibigay kaalaman sa katuwiran. “At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap” (Hebreo 11:3). Sa pamamagitan ng pananampalataya, nagkakaroon tayo ng tunay na karunungan (Kawikaan 3:5–6).

Sa isang banda, hindi makakasama sa Kristiyano ang pagaaral ng pilosopiya—ito’y isang simpleng pamamaraan upang maunawaan ang mga konsepto ng tao at pagaaral sa mundo sa isang kritikal na paraan. Sa kabilang banda, kung hindi tinatanggap ng isang tao ang pagkakaroon niya ng makasalanang kalikasan, maaari niyang iturng ang sarili bilang pinakamataas na pinagmumulan ng karunungan. Kung magtitiwala ang isang tao sa kanyang sariling karunungan upang tuklasin ang katotohanan, lalo lamang siyang maliligaw. Dahil dito, ang pagaaral ng pilosopiya ay puno ng patibong. Puno ang mga aklat ng mga pangangatwiran ng mga taong hindi ligtas at dapat na magkaroon ng kamalayan ang mga Kristiyano sa mga patibong na ito. Ngunit ang pilosopiya bilang isang larangan ng pagaaral ay isang simpleng kasangkapan - maaari itong gamitin upang makabuo ng malakas na argumento ayon sa ipinahayag ng Diyos sa kanyang salita o maaari din itong gamitin upang gibain at lituhin ang isipan ng mga hindi mananampalataya na siyang magtutulak sa kanila upang pagtiwalaan ang Manlilikha sa halip na ang kanilang sariling karunungan. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang magaral ang Kristiyano ng Pilosopiya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries