Tanong
Dapat bang magbahagi ng Ebanghelyo ang mga Kristiyano sa mga ateista?
Sagot
Bilang mga Kristiyano na nakaaalam ng pag-ibig ng Diyos at may katiyakan ng buhay na walang hanggan sa langit, napakahirap maintindihan kung bakit ang sinuman ay nagnanais na maging ateista. Ngunit kung ating aalalahanin ang makasalanang kalikasan ng tao at ang impluwensya nito sa isip at puso ng tao, maiintindihan natin kung saan sila nanggagaling. Kung Bibliya ang magsasabi, wala talagang ateista. Sinasabi sa atin sa Awit 19:1-2, “ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila.” Nakikita natin ang Kanyang kapangyarihan sa lahat ng bagay na Kanyang ginawa. Inulit sa Roma 1:19-20 ang ideyang ito at sinabi na ang lahat ng maaaring malaman tungkol sa Diyos ay malinaw na makikita sa mga nilikha at sinumang tinatanggihan ito ay “naghaka-haka ng mga bagay na walang kabuluhan at nadimlan ang hangal na pag-iisip” (v. 18). Idineklara sa Awit 14:1 at 53:1 na ang mga tumatanggi sa pagkakaroon ng Diyos ay mga hangal. Kaya kung hindi sinungaling ang mga ateista, sila ay mga hangal o pareho. Ngayon, ano ang dahian kung bakit tinatanggihan ng tao ang Diyos?
Ang pangunahing layunin ng mga taong nasa impluwensya ng kasalanan ay ang gawing diyos ang kanilang sarili upang magkaroon ng ganap na kontrol sa kanilang buhay ayon sa kanilang akala. Dumating ang relihiyon kasama ang mga obligasyon, hatol at mga pagbabawal habang ipinapalagay ng mga ateista na sila ang nagtatakda ng kahulugan ng kanilang buhay at moralidad. Ayaw nilang magpasakop sa Diyos dahil ang kanilang puso ay “nakikipagalitan sa Diyos,” at wala silang pagnanais na magpasakop sa Kanyang Kautusan. Sa totoo, wala silang kakayahang gawin iyon dahil bulag sila sa katotohanan (Roma 8:6-7). Ito ang dahilan kung bakit inuubos ng mga ateista ang kanilang panahon sa pagrereklamo at sa pangangatwiran hindi laban sa mga talata ng Bibliya kundi tungkol sa mga “bawal” at “hindi bawal.” Kinamumuhian nila ang mga kautusan ng Diyos. Kinamumuhian nila ang ideya na ang anumang bagay o sinuman ay magkakaroon ng kontrol sa kanilang buhay. Ang hindi nila alam ay kinokontrol sila ni Satanas mismo, na bumulag sa kanila at nagbubulid sa kanilang kaluluwa sa impiyerno.
Tungkol sa pag-eebanghelyo sa mga Atesista, hindi natin dapat na ipagkait ang Ebanghelyo sa isang tao dahil inaangkin lamang niya na siya ay isang ateista. Hindi natin dapat kalimutan na ang isang ateista ay walang pagkakaiba sa isang Muslim, Hindu o Buddhist. Ninanais ng Diyos na ipangaral natin ang Ebanghelyo (Mateo 28:19) at ipagtanggol ang katotohanan ng Kanyang Salita (Roma 1:16) sa lahat ng tao. Sa kabilang banda, hindi tayo inoobliga ng Bibliya na sayangin ang ating panahon sa pagkumbinsi sa ayaw maniwala. Sa katotohanan, binalaan tayo na huwag magsayang ng oras sa mga taong malinaw na hindi interesado sa isang tapat na diskusyon (Mateo 7:6). Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na humayo at ipangaral ang Salita, ngunit hindi niya inaasahan na tumigil sa isang lugar hanggang maging Kristiyano ang lahat ng tao doon (Mateo 10:14).
Maaaring ang pinakamagandang paraan ay bigyan ang bawat tao ng kalayaan na magduda, lalo na sa una. Ang bawat tanong na buong katapatan at katotohanang sinasagot ay nagbibigay sa tao ng pagkakataon na mapakinggan ang Ebanghelyo. Ngunit kung ang isang tao ay nakikipagdebate lamang, nagagalit o hindi nakikinig, panahon na marahil na pumunta sa ibang tao. May mga tao na pinatigas na ang kanilang puso sa Ebanghelyo (Kawikaan 29:1). Maaaring hindi sila nagiisip o kung nagiisip man sila, may mga dahilan sa Kasulatan upang maniwala na may mga taong kusang hindi na pinapansin ang Banal na Espiritu (Genesis 6:3). Kung ginawa na natin ang ating buong makakaya na makipagusap sa isang tao at hindi pa rin natin siya maabot, kung gayon ay inuutusan tayo na pagpagin ang alikabok sa ating mga panyapak (Lukas 9:5) at maggugol tayo ng panahon sa mga taong bukas ang puso sa salita ng Diyos. Mahalaga ang karunungang mula sa Diyos. Ipinangako sa atin ng Diyos ang karunungan kung hihingi tayo sa Kanya (Santiago 1:5), at dapat natin itong ipanalangin at magtiwala tayo sa gagawin ng Diyos upang malaman kung paaano at kailan natin tatapusin ang pakikipagusap sa isang nagagalit na ateista.
English
Dapat bang magbahagi ng Ebanghelyo ang mga Kristiyano sa mga ateista?