Tanong
Paano dapat ituring ng isang Kristiyano ang sosyalismo?
Sagot
Maraming nagaral ng pilosopiya sa pagdaan ng mga siglo ang naniniwala na ang kasaysayan ay hinubog ng mga ideya at ng paghahanap ng aktwal na realidad gamit ang pangangatwiran ng tao. Ngunit may isang nagaral ng pilosopiya ang nagsabi na ang pwersa sa likod ng kasaysayan ng tao ay ang ekonomiya. Ipinanganak si Karl Marx ng kanyang mga magulang na Hudyo at Aleman noong 1818 at nagtapos ng doktor sa pilosopiya sa edad na dalawampu’t tatlo (23). Pagkatapos ng kanyang pagaaral, sinimulan niya ang isang misyon upang patunayan na ang pagkakakilanlan ng tao ay nakasalalay sa kanyang ginagawa at sa sistema ng ekonomiya na komokontrol sa tao. Dahil sa paniniwala na sa pamamagitan ng paggawa ng tao nabubuhay ang sangkatauhan, pinaniwalaan ni Marx na ang mga komunidad ay maaaring nalikha sa pamamagitan ng paghahati-hati ng gawain.
Pinagaralan ni Marx ang kasaysayan at nakita niya na nakabase sa agrikultura ang mga pamayanan sa loob ng daan-daang taon. Ngunit binago ng rebolusyon sa industriya ang lahat at sa isipan ni Marx, dahil ang mga malayang gumagawa para sa kanilang sarili ay sapilitang pinagawa ng ekonomiya sa mga pabrika, ayon sa kanya, ito ang nagalis ng kanilang dignidad at pagkakakilanlan dahil ang kanilang dating trabaho ang pinagmumulan ng kanilang dignidad at pagkatao at ngayon sila ay naging mga alipin na kinokontrol ng kapangyarihan ng mga uring nagpapagawa. Ang pananaw na ito ay nangangahulugan na ang ekonomiya ng kapitalismo ang natural na kaaway ng tao ayon kay Marx.
Sinabi ni Marx na binibigyan ng sobrang pansin ng kapitalismo ang pribadong pagaari, kung kaya, iilan lamang ang nakikinabang sa pribilehiyong ito. May dalawang magkaibang ‘komunidad’ ang nasa isip ni Marx: ang mga negosyante, o ang mga ‘bourgeoisie’ at ang mga uring manggagawa o ang ‘proletariat.’ Ayon kay Marx, ginagamit lamang ng mga negosyante ang mga uring manggagawa. Ito ang pananaw na “ang pakinabang ng isa ay kalugihan ng iba.” Pinaniniwalaan din ni Marx na iniimpluwensyahan ng mga negosyante ang mga gumagawa ng batas upang matiyak na ipaglalaban ng mga ito ang kanilang interes laban sa mga manggagawa. At panghuli, naniniwala si Marx na ang relihiyon ay ang ‘pampakalma sa masa’ na ginagamit ng mayayaman upang manipulahin ang mga uring manggagawa at ipinangangako sa mga mahihirap ang gantimpala sa langit kung magpapatuloy sila sa pagtitis sa kanilang ‘pinagpalang kalagayan’ na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos (ang pagpapaalipin sa mga negosyante).
Para kay Marx, ang langit sa lupa ay ang pagmamay-ari ng lahat ng tao sa lahat ng bagay at paggawa para sa pangkalahatang kabutihan ng lahat. Nilalayon ni Marx na wakasan ang pagkakaroon ng mga pribadong pagmamay-ari sa pamamagitan ng pagmamay-ari ng estado ng lahat ng lupain at produksyong pang-ekonomiya. Kung mawala na ang sistema ng pribadong pagmamay-ari, sa palagay ni Marx, ay aangat ang tiwala ng tao sa kanyang sarili at ang magigiba ang pader ng kapitalismo na naghihiwalay sa pagitan ng mga kapitalista at uring manggagawa. Pahahalagahan ng tao ang bawat isa at gagawang magkakasama para sa iisang layunin.
May apat na mali sa kaisipan ni Marx. Una, ang kanyang pananaw na ang pakinabang ng isang tao ay nagmumula sa kalugihan ng isa pang tao ay isa lamang kathang isip. Sa halip, ang istruktura ng kapitalismo ang nagbibigay daan para sa lahat upang iangat ang kanilang antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng malusog na kumpetisyon at malayang pakikipagpalitan ng produkto at serbisyo. Ang pag-angat ng uri ng pamumuhay ay maaaring maisakatuparan para sa lahat sa pamamagitan ng malusog na kumpetisyon at malayang pakikilahok sa merkado.
Ikalawa, mali ang paniniwala ni Marx na ang halaga ng isang produkto ay nakabase sa dami ng trabahong ginamit para magawa iyon. Ang kalidad ng serbisyo o produkto ay hindi simpleng nakasalalay sa dami ng trabaho na ginamit upang maibigay ang serbisyo o magawa ang isang produkto. Halimbawa, ang isang may kasanayan sa pagkakarpintero ay maaaring mabilis na makagawa ng isang muwebles na higit na maganda kaysa sa ginawa ng isang manggagawang walang kasanayan. Kaya nga ang halaga ng kanyang ginawa ay mas pahahalagahan sa isang ekonomiya na pinatatakbo ng kapitalismo.
Ikatlo, sa teorya ni Marx, kinakailangan ang isang gobyerno na malaya sa kurapsyon at kayang pigilan ang elitismo. Ngunit ayon sa kasaysayan, ang parehong kapangyarihan na ninanais ng sosyalismo ang nagpasama sa sangkatauhan at komokontrol sa lahat ng may kapangyarihan. Maaaring supilin ng isang bansa ang ideya tungkol sa Diyos, ngunit tiyak na may papalit sa ideyang ito. Pagkatapos, isang indibidwal o isang grupo ang maguumpisang maghari at tiyak na pangangalagaan niya ang kanyang sariling interes anuman ang mangyari.
Ikaapat at pinakamahalaga sa lahat, nagkamali si Marx sa kanyang pananaw na nakasalalay ang halaga ng isang tao sa kanyang ginagawa. Bagamat, pwersahang ipinapasok ng mundo ang ganitong kaisipan sa halos lahat ng tao, sinasabi ng Bibliya na may pantay pantay na halaga ang lahat ng tao sa paningin nga Diyos dahil ang lahat ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Sa katotohanang ito matatagpuan ang tunay na halaga ng tao.
Tama ba si Marx sa kanyang pilosopiya? Ang ekonomiya ba talaga ang nagpapatakbo sa kasaysayan ng tao? Hindi, ang nagpapatakbo sa kasaysayan ng tao ay ang Manlilikha ng sansinukob na Siyang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng bagay, maging sa pag-angat at pagbagsak ng bawat bansa. Sa karagdagan, ang Diyos din ang naglalagay ng mga pinuno na siyang nagpapatakbo ng bawat bansa, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang ibig niya, kahit na ang pinakaabang tao” (Daniel 4:17). Gayundin naman, ang Diyos ang nagbibigay ng kasanayan sa bawat tao at ng kayamanan na bunga ng kasanayang iyon, hindi ang gobyerno: “Kaya nga, wala akong nakikitang pinakamabuting gawin ng tao sa daigdig kundi kumain, uminom at magpasasa sa lahat ng pinagpagalan niya sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; doon siya nakatalaga. Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: damahin ang kasiyahan sa lahat niyang ginagawa pagkat doon siya nakatalaga” (Mangangaral 5:18–19).
English
Paano dapat ituring ng isang Kristiyano ang sosyalismo?