settings icon
share icon
Tanong

Mayroon ba talagang tinatawag na kinakailangang kasamaan (necessary evil)?

Sagot


Minsang isinulat ni Dietrich Bonhoeffer, “Ang mas masama kaysa sa paggawa ng masama ay ang maging masama.” Ginamit niya ang pahayag na ito upang idepensa ang kanyang planong lihim na pagpatay kay Adolf Hitler noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isang masamang bagay ang asasinasyon, ngunit may ilan, kabilang si Bonhoeffer, na may tinatawag na “kinakailangang kasamaan,” sa likod ng mas malalang kasamaan ng Holocaust (pagpatay sa lahat ng Hudyo). Sinusuportahan ba ng Kasulatan ang konseptong ito ng “kinakailangang kasamaan.”

Dapat nating ibigay muna ang kahulugan ng salitang kasamaan. May dalawang magkaibang gamit ang salitang kasamaan na matatagpuan sa Kasulatan: ang mga natural na kalamidad at imoral/masasamang gawa o paguugali. Sa Isaias 45:7, tinutukoy ang tungkol sa paglikha ng Diyos ng kasamaan: “Aking inilalagay ang liwanag, at nililikha ko ang kadiliman; ako'y gumagawa ng kapayapaan, at lumilikha ako ng kasamaan; ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat na bagay na ito” (KJV). Ang salitang kasamaan sa tekstong ito ay ngangahulugan ng “sakuna” o “kalamidad.” Inilalagay ng paralelismo sa tula ang kasamaan bilang direktang kabaliktaran ng kapayapaan. Itinuturo sa talatang ito na ang Diyos ang nagbibigay ng panahon ng kapayapaan at panahon ng kaguluhan.

Ang isa pang uri ng kasamaan ay nagpapahiwatig ng masamang gawa o pagiisip o imoral na gawain katulad ng binanggit sa Mateo 12:35, kung saan ikinumpara ang isang mabuting tao sa isang masamang tao. Tingnan din ang Hukom 3:12, Kawikaan 8:13, at 3 Juan 1:11.

Dapat na suriin ang dalawang kahulugan ng kasamaan sa relasyon nila sa isyu ng kinakailangang kasamaan (necessary evil). Inutusan ng Diyos ang isang propetang nagngangalang Jonas upang ipahayag ang hatol ng Diyos sa siyudad ng Ninive (Jonas 1:2). Sa halip na sumunod, sinubukang tumakas ni Jonas sa pamamagitan ng pagsakay sa isang barko palayo sa Ninive. Nagpadala ang Diyos ng isang napakalakas na bagyo kung saan naglalayag ang barkong sinasakyan ni Jonas anupa’t nangatakot ang mga tripulante ng barko. Dahil dito, pumayag si Jonas na itapon siya sa dagat at nagpadala ang Diyos ng isang malaking isda upang lunukin si Jonas at ingatan mula sa pagkalunod sa loob ng tatlong araw. Para kay Jonas, ang bagyo at ang panahong ginugol niya sa loob ng tiyan ng isda ay “masama” (o matatawag na kalamidad) ngunit kinakailangan ang kasamaang ito upang sumunod si Jonas sa Diyos. Hindi lamang nagbalik-loob si Jonas, kundi naligtas din ang buong siyudad ng Ninive sa pagkagunaw (Jonas 3:10).

May mga tao sa kasaysayan ng Bibliya na ginawa ang inaakala nilang “kinakailangang masama” upang makamit ang inaakala nilang mabuti. Ang isang halimbawa ay si Haring Saul na sa halip na maghintay kay propeta Samuel, siya na mismo ang naghandog sa Diyos ng handog na susunugin. Alam ni Saul na masama para sa Diyos dahil hindi siya binigyan ng kaparatan na gawin ito ngunit idinahilan niya na mas mabuti ang maghandog (para sa kapurihan ng Diyos) sa halip na hindi maghandog. Ngunit hindi ito ang panuntunan ng Diyos. Ang resulta ng pagsuway ni Saul ay ang pagalis sa kanya ng Diyos sa trono ng Israel (1 Samuel 13:8–14).

Bihira ang magsasabi na hindi isang imoral na gawain ang pagsisinungaling. Ngunit sa dalawang kaganapan sa Lumang Tipan, nagkaroon ng positibong resulta ang pagsisinungaling. Matapos magsinungaling sa Faraon, pinagpala ng Diyos ang mga komadrona ng Ehipto na tumangging patayin ang mga sanggol na lalaki ng mga Israelita (Exodo 1:15–21), at dahil sa kanilang hindi pagsunod sa utos ng Faraon, naligtas ang buhay ng maraming sanggol na lalaki kasama si Moises. Nagsinungaling din ang patutot na si Rahab sa hari ng Jerico upang iligtas ang buhay ng mga espiyang Hebreo na nagtatago sa bubong ng kanyang bahay (Josue 2:5). Sa huli, iniligtas ng Diyos ang buhay ni Rahab at ng kanyang buong pamilya ng wasakin ng mga Israelita ang Jerico. Ang mga kasinungalingan bang nabanggit ay mga “kinakailangang kasamaan?” Mahalagang pansinin na hindi partikular na kinondena sa Bibliya ang mga nasabing kasinungalingan. Pinili ng mga komadrona na sundin ang Diyos sa halip na ang Faraon. Hindi sila pinagpala ng Diyos dahil sa kanilang pagsisinungaling kundi dahil sa kanilang pagsunod. Iniligtas ng mga Israelita si Rahab hindi dahil sa kanyang pagsisinungaling kundi dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos ng mga Hebreo (Josue 6:17; Hebreo 11:31). Totoo na ang kanyang pagsisinungaling ay bahagi ng kanyang plano upang itago ang mga espiya. Kung hindi siya nagsinungaling, tiyak na mamamatay ang mga espiya - malbang may ibang paraan na ginamit ang Diyos upang iligtas sila. Ganito rin ang argumento sa sitwasyon ng mga komadrona. Sa parehong pagkakataon, tinitingnan ang pagsisinungaling na mas maliit na kasamaan kaysa sa mas malaking kasamaan na maaaring maganap kung hindi sila nagsinungaling.

Kinakailangan ba ang kasamaan na ginawa ng mga komadrona? Kinakailangan ba ang kasamaan na ginawa ni Rahab? Ang salitang “kinakailangan” ay pagbibigay diin sa masamang aksyon, bagama’t positibo ang resulta sa huli. Kahit na may nakinabang sa kanilang pagsisinungaling, kasalanan pa rin ang ginawa ni Rahab at ng mga komadrona. At ang mga kasalanang iyon ang binayaran ni Hesus sa krus (Isaias 53:6).

Bihira ang pagkakataon na kumakaharap ang sinuman sa isang sitwasyon kung kailan isa sa dalawang kasamaan ang tanging pagpipilian. Maaaring iyon ay mga bagay na hindi katanggap-tanggap sa atin ngunit puwersahang ipinapagawa sa atin ng iba o kaya naman ay laban sa ating sariling kalooban ngunit kailangang gawin upang protektahan ang buhay ng isang tao o isang grupo. Ngunit dahil sa katotohanan na ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa Kanyang mga anak (1 Pedro 1:15), hindi kinakailangan para sa atin na gumawa ng anumang kasamaan. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon ba talagang tinatawag na kinakailangang kasamaan (necessary evil)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries