settings icon
share icon
Tanong

Relatibo/nagbabago ba ang katotohanan?

Sagot


Kung sinasabi ng isang tao na relatibo ang katotohanan, ang normal na ibig sabihin ng taong iyon ay walang ganap na katotohanan. Maaaring totoo para sa iyo ang isang paniniwala ngunit hindi iyon totoo para sa akin. Kung paniniwalaan mo ang isang bagay, totoo iyon para sa iyo. Ngunit kung hindi ko iyon paniniwalaan, hindi iyon totoo para sa akin. Kung may taong magsabi na “okey lang kung may Diyos para sa iyo, ngunit walang Diyos para sa akin,” ipinapahayag niya ang popular na paniniwala na relatibo o nagbabago ang katotohanan.

Ang buong konsepto ng “relatibong katotohanan” ay tila kaakit-akit para sa lahat at tila nagpapakita ng isang bukas na pagiisip. Sa esensya, ang ibig sabihin ng pangungusap na “mayroong Diyos para sa iyo ngunit walang Diyos para sa akin” ay pagsasabi na mali ang konsepto ng ibang tao patungkol sa Diyos. Ito ay paghusga sa ibang tao. Ngunit wala talagang tao ang tunay na naniniwala na relatibo o nagbabago ang katotohanan. Walang taong matino ang pagiisip na magsasabi na “totoo para sa iyo ang gravity ngunit hindi para sa akin,” at pagkatapos ay tatalon sa isang mataas na gusali na naniniwalang hindi siya masasaktan.

Ang pangungusap na “relatibo ang katotohanan” sa katotohanan ay isang pangungusap na sumasalungat sa sarili. Sa pagsasabing “ralatibo ang katotohanan,” ipinagpapalagay ng nagsabi na ang kanyang sinabi ay isang katotohanan. Ngunit kung talagang relatibo ang lahat ng katotohanan, lalabas na ang pangungusap ay relatibo din at hindi dapat paniwalaan — hindi natin mapagkakatiwalaan na ang pangungusap na ito ay totoo sa lahat ng panahon.

Ang tiyak, may ilang pangungusap na kung hindi man talagang relatibo ay talagang mali. Halimbawa, ang pangungusap na “ang kotseng Ford Mustang ang pinakamagandang kotse sa buong mundo” ay isang relatibong pangungusap. Maaaring isipin ng isang mahilig sa kotse na totoo ang pangungusap na ito, ngunit walang ganap na pamantayan upang sukatin ang kagandahan ng kotseng Ford Mustang. Ito ay isa lamang simpleng pansariling paniniwala o opinyon. Gayunman, ang pangungusap na, “Akin ang pulang kotseng Ford Mustang na nakagarahe sa labas” ay hindi relatibo. Maaaring ito ay totoo o maaaring mali ayon sa obhektibong katotohanan. Kung ang Ford Mustang sa labas ay kulay asul (hindi kulay pula), mali ang pangungusap. Kung ang kulay pulang Ford Mustang ay pagaari ng iba, mali ang pangungusap dahil hindi ito tugma sa realidad.

Sa pangkalahatan, relatibo ang mga opinyon. Maraming tao na itinuturing ang lahat ng katotohanan tungkol sa Diyos o sa relihiyon bilang isang opinyon. “Pinipili mo si Hesus — okey lang yan kung nakakabuti sa iyo.” Sinasabi ng mga Kristiyano at itinuturo ng Bibliya na hindi relatibo ang katotohanan sa kahit anong paksa. May nagiisang obhektibong katotohanan sa espiritwal, gaya din naman na may nagiisang obhektibong katotohanan sa pisikal. Hindi nagbabago ang Diyos (Malakias 3:6); Inihalintulad ni Hesus ang Kanyang mga turo sa isang batong solido at hindi natitinag (Mateo 7:24). Si Hesus ang tanging daan sa kaligtasan, at ito ay ganap na totoo sa lahat ng tao sa lahat ng panahon (Juan 14:6). Gaya ng kung paanong kailangang huminga ang tao upang mabuhay, nararapat din na isilang na muli ang lahat ng tao sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo upang maranasan ang isang espiritwal na buhay (Juan 3:3). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Relatibo/nagbabago ba ang katotohanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries