settings icon
share icon
Tanong

Biblikal ba ang konsepto ng kalayaan sa pagpili ng sariling relihiyon?

Sagot


Sa ilalim ng kautusan ni Moises, nasa ilalim ng pamumuno ng Diyos ang Israel. Ang tagumpay at kabiguan ng bansa ay nakasalalay sa antas ng kanilang pagsunod sa Diyos. Ang “kalayaan sa pagpili ng sariling relihiyon” ay hindi bahagi ng sistema sa Lumang Tipan, dahil ang Diyos ang direktang naghahari sa Israel. Natural na ang istilong ito ng pamamahala sa Israel ay hindi modelo para sa lahat ng bansa sa mundo. Ang mga bansa na nagpatupad ng sariling istilo ng teokrasya gaya ng bansang Espanya noong panggitnang siglo ay nakaranas ng bangungot ng totalitaryanismo. Hindi produkto ng tunay na teokrasya (pamahalaan sa ilalim ng pangunguna ng Diyos) ang inquisition o paglilitis sa mga taong ayaw sumunod sa relihiyon. Sa halip, ito ay resulta ng pagkauhaw ng mga makasalanan sa kapangyarihan.

Sa Bagong Tipan, binigyan tayo ng mas malinaw na larawan ng itinalagang pamumuno ng Diyos sa pamahalaan. Inilarawan sa Roma 13:3-4 ang responsibilidad ng pamahalaan na pagpaparusa sa masasama, pagbibigay ng gantimpala sa mabubuting gawa at pagpapatupad ng katarungan. Kaya nga, binigyan ng Diyos ang gobyerno ng mga partikular na gawain, ngunit hindi kasama ang pagpapatupad ng isang sistema ng pagsamba.

Walang pagsasalungatan sa prinsipyo ng Bibliya at prinsipyong sibil sa pagkakaroon ng sariling relihiyon. Sa katotohanan, tanging ang mga gobyernong nagugat sa maka-Kristiyanong pagpapahalaga ng mga Hudyong Kristiyano ang nagpapahintulot sa ganitong kalayaan. Hindi pinapayagan ng mga gobyernong Islam, Hinduismo at Budismo ang pagkakaroon ng tao ng kalayaang mamili ng sariling relihiyon. Ito ang dahilan kung bakit hindi pinapayagan sa mga bansang Pakistan, India, at Tibet sa pangkalahatan ang ibang relihiyon. Napatunayan din sa mga bansang hindi naniniwala sa Diyos gaya ng dating Rusya ang kanilang pagtutol sa malayang pagpapahayag ng pananampalataya.

Naaayon sa Bibliya ang konsepto ng kalayaang mamili ng sariling relihiyon dahil sa ilang kadahilanan. Una, ipinagkaloob mismo ng Diyos sa mga tao ang kalayaang mamili ng relihiyon at makikita sa Bibliya ang ilang halimbawa. Sa Mateo 19:16-23, isang mayamang pinuno ang lumapit kay Hesus. Pagkatapos ng kanilang maiksing paguusap, malungkot na umalis ang lalaki at piniling hindi sumunod kay Kristo. Ang isang kapansing-pansing puntos sa pangyayaring ito ay pinabayaan ni Hesus na umalis ang lalaki. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na maniwala sa Kanya. Iniutos sa tao ang pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman ipinagpilitan. Sa Mateo 23:37, ipinahayag ni Hesus ang Kanyang pagnanais na ipunin ang mga Israelita sa Jerusalem sa Kanyang sarili ngunit ayaw nila sa Kanya. Kung binigyan ng Diyos ng kalayaan ang mga tao na piliin o tanggihan Siya, nangangahulugan na binigyan Niya tayo ng kalayaan na pumili ng ating sariling relihiyon.

Ikalawa, iginagalang ng kalayaan sa pagpili ng sariling relihiyon ang wangis ng Diyos na nasa tao (Genesis 1:26). Bahagi ng wangis ng Diyos na nasa tao ang kalayaan ng tao na pumili para sa kanyang sarili. Pinahihintulutan ng Diyos ang ating pagpili kaya nga binigyan Niya tayo ng kalayaan na magdesisyon patungkol sa ating hinaharap (Genesis 13:8-12; Josue 24:15), kahit na gumagawa tayo ng mga maling desisyon. Muli, kung hinahayaan ng Diyos na pumili tayo ayon sa ating sariling pagpapasya, dapat din nating pahintulutan ang iba na magpasya sa kanilang sarili kung anong relihiyon ang kanilang nais piliin.

Pangatlo, kinikilala ng kalayaan sa pagpili ng sariling relihiyon na ang Banal na Espiritu ang bumabago sa puso ng tao hindi ang pamahalaan (Juan 6:33). Tanging si Hesus lamang ang nagliligtas. Ang pagsikil sa kalayaan na pumili ng sariling relihiyon ay ang pagpayag na ang pamahalaan ng tao, at ang mga nagkakamaling pinuno nito ang may kapangyarihang magsabi kung aling relihiyon ang tama. Ngunit hindi sa mundong ito ang kaharian ni Kristo (Juan 18:36), at walang sinumang nagiging Kristiyano dahil sa pamahalaan. Ginawa tayong Kristiyano sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo (Efeso 2:8-9). Walang kinalaman ang ginagawa o hindi ginagawa ng pamahalaan sa ating pagsilang na muli sa espiritu (Juan 1:12-13; 3:5-8).

Ikaapat, tinatanggap ng mga naniniwala sa kalayaang mamili ng sariling relihiyon na sa huling pagsusuri, hindi relihiyon ang mahalaga kundi relasyon sa Diyos. Hindi ng Diyos nais ang panlabas na anyo ng pagsamba kundi ang isang personal na relasyon sa Kanyang mga anak (Mateo 15:7-8). Walang anumang gobyerno ang makapagbibigay ng ganitong klaseng relasyon. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Biblikal ba ang konsepto ng kalayaan sa pagpili ng sariling relihiyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries