Tanong
Bakit napakaraming kabataan ang tumatalikod sa pananampalataya?
Sagot
Nalaman sa isang pagsusuri ng grupong Barna, isang nangungunang organisasyon ng pagsisiyasat na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang relasyon ng pananampalataya at kultura, na mas maliit pa sa isang porsyento (1) ng mga Kristiyano sa pagitan ng edad na 18 at 23 ang may maka-Bibliyang pananaw sa mundo.
Ipinaliwanag ng grupong Barna kung ano ang maka-Bibliyang pananaw ng mga nananampalataya. Ang maka-Bibliyang pananaw sa mundo ay ang paniniwala na:
• umiiral ang iisang katotohanan sa moralidad,
• ang Bibliya ay hindi nagkakamali sa kabuuan,
• si Satanas ay totong persona, hindi lamang isang simbolo,
• ang isang tao ay hindi maaaring makapasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa,
• si Hesus ay nabuhay sa mundo ng may perpektong kabanalan , at
• ang Diyos, ang Manlilikha ng mga langit at lupa at naghahari ngayon sa buong sansinukob.
Nalaman sa isa pang pagaaral ng Fuller Seminary na ang pinakamahagang bagay sa pagalis ng mga kabataan sa Iglesya o pananatiling matibay sa kanilang pananampalataya ay kung mayroon silang ligtas na lugar upang maipahayag ang kanilang pagdududa at mga katanungan tungkol sa Banal na Kasulatan at sa kanilang pananampalataya bago sila humiwalay sa kanilang mga magulang. Ang kritikal ay ang pagkakaroon ng mga kabataan ng mga matanda na gagabay sa kanila at magbibigay ng direksyon tungkol sa kanilang mga inaasahan sa kanilang pananampalataya. Ang kanlungan para sa kanila ay matatagpuan sa dalawang lugar: sa kanilang mga magulang at sa mga programa ng kanilang Iglesya para sa ministeryo sa mga kabataan.
Gayunman, nakita rin sa pagaaral ng Fuller na karamihan ng mga programa ng Iglesya para sa mga kabataan ay nakatuon ang enerhiya sa pagbibigay ng aliw at pagkain sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapatatag ng pananampalataya ng mga kabataan. Dahil dito, ang mga kabataan ay hindi handa sa pagharap sa mga hamon ng mundo paglabas nila sa kani-kanilang mga tahanan.
Bilang karagdagan, nakita sa dalawa pang pagaaral na isinagawa ng grupong Barna at USA Today na halos pitumpu’t limang porsyento (75%) ng mga kabataan ang umaalis sa Iglesya pagkatapos sa Mataas na Paraalan. Ang isa sa mga pangunahing dahilan ay ang pagdududa sa katotohanan ng pananampalatataya. Ito ang resulta ng hindi pagtuturo ng doktrina ng Bibliya sa mga kabataan sa tahanan o sa Iglesya. Ipinakikita ng istatika na ang mga kabataan sa ngayon ay gumugugol ng tatlumpung (30) oras kada linggo sa pampublikong paaralan kung saan itinuturo ang mga ideya na salungat sa mga katotohanan sa Bibliya. Halimbawa ang teorya ng ebolusyon, ang pagtanggap ng kultura sa mga homosekswal at iba pa. Pagkatapos uuwi sila ng bahay at gugugulin ang karagdagang tatlumpung (30) oras sa harap ng TV habang napapanood ang mga mahahalay na patalastas at bastos na palabas o kaya naman ay makikipag chat sila sa kanilang mga kaibigan sa Facebook sa loob ng mahabang oras o kaya nama’y maglalaro ng mga online games. Samantala, ang panahon na ginugugol nila sa silid aralan ng Sunday School sa Iglesya ay apatnapu’t limang (45) minuto lamang. Hindi kataka-taka na ang mga kabataan ay umaalis sa kanilang mga tahanan ng walang maka-Bibliyang pananaw sa mundo. Hindi lamang na hindi sila natututo ng mga bagay tungkol sa pananampalataya, kundi hindi rin sila natuturuan na siyasatin ng may katalinuhan ang mga pananaw ng mga taong nagdududa sa Diyos na walang pagsalang hinahamon ang kanilang pananampalataya. Karamihan ng mga estudyante ay hindi handa sa pagpasok sa kolehiyo kung saan mas nakararaming professor ang lumalaban sa pananampalatayang Kristiyano at sinasamantala ang lahat ng pagkakataon upang hiyain sila at ang kanilang pananampalataya.
Hindi maikakaila na ang pangunahing dahilan sa pananatiling matapat o sa pagtalikod ng mga kabataan sa kanilang pananampalataya ay ang impluwensya ng kanilang mga magulang. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan” (Kawikaan 22:6). Nakita sa isang partikular na pagaaral na kung ang tatay at nanay ay parehong tapat at aktibo sa Iglesya, siyamnapu’t tatlong porsyento (93 %) ng mga kabataan ang nananatiling tapat sa kanilang pananampalataya. Kung isa lamang sa mga magulang ang tapat, pitumpu’t tatlong porsyento (73 %) ng mga kabataan ang nanatiling tapat. Kung wala kahit isa sa mga magulang ang aktibo at tapat sa Iglesya, limampu’t tatlong prsyento (53 %) lamang ang nananatiling tapat sa pananampalataya. Sa mga pagkakataon na ang parehong magulang ay hindi aktibo sa Iglesya at dumadalo lamang paminsan minsan, bumababa sa anim na porsyento (6%) ang bilang ng mga kabataang nanatiling tapat sa pananampalataya.
Nagdedebate ang mga kabataan sa ngayon kung paano ikukumpara ang Kristiyanismo sa mga karibal nitong pananampalataya sa buong mundo. Ang mga makamundong pahayag gaya ng, “mayroon ka ng katotohanan at mayroon din ako,” o “si Hesus ay isa lamang sa mga dakilang lider espiritwal,” ay tinatanggap sa ating kultura. Dapat na handa ang ating mga kabataan sa pagtatanggol sa kanilang pananampalataya laban sa kanilang mga hindi mananampalatayang kaibigan sa paglabas nila sa ating mga tahanan. Dapat na handa sila na magbigay ng pahayag tungkol sa pag-asa na mayroon sila (1 Pedro 3:15). Dapat na alam nila ang sagot sa mga katanungang gaya nito: Tunay ba na mayroong Diyos? Bakit Niya pinahihintulutang magpatuloy ang mga sakit at pagdurusa sa mundo? Totoo ba talaga ang Bibliya? Mayroon bang iisang katotohanan?
Dapat na alam ng ating mga kabataan kung ano ang kanilang pinaniniwalaan sa mga katotohanan ng Kristiyanismo at bakit sila naniniwala sa mga ito sa halip na paniwalaan ang ibang sistema ng pananampalataya. Hindi lamang ito para sa kanila, kundi para din sa mga magsisiyasat sa kanilang pananampalatataya. Ang Kristiyanismo ay tunay at totoo. At ang mga katotohanan nito ay dapat na nakaukit sa isipan ng ating mga kabataan. Kailangang maihanda kanilang isipan sa mga nakakahamong katanungan at espirtwal na konprontasyon na kanilang tiyak na kakaharapin sa paglabas nila ng tahanan. Ang isang solidong programa sa pangtatanggol sa pananampalataya (apologetics) ay napakahalaga sa paghahanda sa mga kabataan upang kanilang malaman at maipagtanggol ang katotohanan ng Kasulatan at ang kadalisayan ng kanilang pananampalatayang Kristiyano.
Kinakailangan ng Iglesya na pagisipang mabuti ang mga programa nito para sa mga kabataan. Sa halip na aliwin sila sa pamamagitan ng mga skits, banda ng musika at mga panoorin, kailangan natin silang turuan ng lohika, katotohanan at ng maka-Kristiyanong pananaw sa mundo. Sinabi ni Frank Turrel, isang kilalang manunulat na Kristiyano at tagapagturo tungkol sa problema ng mga kabataan na tumatalikod sa pananampalataya: “Nabigo tayong kilalanin na kung paano natin sila nadala sa pananampalataya, iyon din ang makapagpapanatili sa kanilang pananampalataya.”
Kailangang gawin ng mga Kristiyanong magulang at ng mga Iglesya ang ating buong kaya sa paghubog sa puso at isip ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos (1 Pedro 3:15; 2 Corinto 10:5).
English
Bakit napakaraming kabataan ang tumatalikod sa pananampalataya?