settings icon
share icon
Tanong

Ano ang infidel o hindi mananampalataya?

Sagot


Ang salitang infidel ay nangangahulugan na ‘walang pananampalataya’ o ‘laban sa pananampalataya.’ Ang infidel ay isang taong hindi naniniwala sa relihiyon. Mas tanyag ring naiuugnay ang terminong infidel sa isang website na umaatake sa pananampalatayang Kristiyano, ang infidels.org. Ang Internet Infidels, na kilala rin sa pangalang Secular Web, ay isa sa mga pangunahing website para sa mga ateista at naturalista sa internet. Layunin ng website na ito na ipagtanggol at itaguyod ang isang naturalista at makamundong pananaw sa internet. Ang isang tagapagtanggol ng Kristiyanismo na si JP Holding ay nagpahayag na, “Ang Secular Web ay binubuo ng ilang matatalinong tao, ngunit sa pangkalahatan ay isa itong kanlungan para sa mga taong may pag-aalinlangan ngunit nagkukuwaring nalalaman ang lahat upang humatol sa mga bagay na hindi sakop ng kanilang kasanayan.”

Ang layunin ng artikulong ito ay hindi upang magbigay ng isang komprehensibong pagsalangsang sa bawat isyu na ipinupukol ng Internet Infidels. Sa halip, ang layunin nito ay ipakita ang maraming pagkakamali ng Internet Infidels.

Ano ang isang infidel? - Tumatanggi sa pagkabuhay ni Hesus

Kabilang sa mga pahayag ng Internet Infidels ay ang paniniwala na si Hesus ay hindi kailanman nabuhay, isang teoryang matagal nang itinataguyod ng mga sekular na mananaliksik ng Bagong Tipan, ngunit hindi kailanman nagawang mang-akit ng suporta mula sa malaking grupo ng iskolar. Sa panulat ni Marshall J. Gauvin sa kanyang artikulong “Did Jesus Christ ever live?” (“Nabuhay nga ba si Kristo?),” ipinahayag niya ng may katiyakan na “ang mga himala ay hindi nangyayari. Ang mga kuwento ng mga himala ay hindi totoo. Samakatuwid, ang mga dokumento na naghahayag ng mga mahimalang pangyayari ay hindi ayon sa mga ipinalalagay na katotohanan at hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan, sapagkat ang mga taong nag-imbento ng mga elementong mapaghimala ay maaaring tinawag lamang na himala ang mga natural lamang na pangyayari.” Kung igigiit ng isang tao ang isang naturalista at makamundong pananaw sa paghihinala na imposible ang mga himala, madali na rin niyang masusubukang patunayan sa isang makadiyos na pananaw ang pagkakaroon ng Diyos.

Ang kahinaan at lubos na kawalan ng pang-unawa ni Gauvin sa mga isyung ito ay higit pang mailalarawan sa mga sumusunod niyang pahayag:

“Sa teorya na si Kristo ay ipinako sa krus, paano natin ipaliliwanag ang pangyayaring naganap noong unang walong siglo ng pagsulong ng Kristiyanismo, ang mga likhang sining ng mga Kristiyano na inilalarawan si Hesus bilang isang tupa, at hindi isang tao, na naghihirap sa krus para sa kaligtasan ng mundo? Wala sa alinman sa mga kuwadro o mga iskultura sa libingan ng mga Kristiyano ang naglarawan sa isang tao sa krus. Kahit saan isang tupa ang ginagamit bilang simbolo ng Kristiyanismo - isang tupang pasan ang isang krus, isang tupa sa paanan ng krus at isang tupa na nakapako krus. Ang ilang mga pigura ay nagpapakita ng tupa na may ulo ng isang tao, balikat at mga bisig na may hawak na isang krus sa kanyang mga kamay - ang tupa ng Diyos sa proseso ng paggamit ng anyo ng isang tao ang katuparan ng mitolohiyang pagkapako sa krus. Sa pagtatapos ng ikawalong siglo, ang unang Papa na si Hadrian, sa pagkumpirma ng kautusan ng ika-anim na kapulungang ng Constantinople, ay nag-utos na mula noon ang anyo ng isang tao ang dapat gamitin sa halip na isang tupa sa krus. Inabot ang Kristiyanismo ng walong daang (800) taon ang upang gumawa ng simbolo ng paghihirap ng Tagapagligtas nito. Sa loob ng walong daang taon, ang Kristo sa krus ay isang tupa. Ngunit kung si Kristo ay tunay na ipinako sa krus, bakit ang kanyang lugar sa krus ay matagal na inagaw ng isang tupa? Sa kaalaman natin sa kasaysayan at mga kadahilanan, at sa pagtingin sa isang tupa sa krus, bakit dapat nating paniwalaan ang pagpapako sa krus sa isang tinatawag na Tagapagligtas?”

Ang mga pangangatwirang tulad nito ay hindi nangangailangan ng anumang komentaryo para sa mga Kristiyano na mayroong kahit kaunting kaalaman sa Bibliya. Hindi rin natugunan ni Gauvin ang simbolo ng tupa ng Paskuwa ng Kristiyanismo; tiyak na ito ay may kahit maliit na halaga upang kanyang banggitin.

Ating pagtuunan ng pansin ang tatlong pangunahing puntos na inihain sa mga artikulo ng Internet Infidels. Ito ay ang kakulangan ng mga sangguniang sekular, ng paghahambing sa pagitan ng mga lehitimong ebanghelyo at mga gnostikong aklat, at ang di-umano'y pagkakatulad nito sa mga aklat ng mga pagano.

Una sa lahat, ating isaalang-alang ang paglalarawan ni Josephus kay Hesus. Ayon sa pahayag ni Gauvin:

“Sa mga huling bahagi ng unang siglo, ang bantog na mananalaysay na Hudyo na si Josephus ay sumulat ng kanyang tanyag na aklat na tinatawag na ‘The Antiquities of the Jews.’ Sa aklat na ito, hindi niya binanggit si Kristo at sa loob ng dalawang daang taon pagkatapos niyang mamatay, ang pangalan ni Kristo ay hindi rin lumitaw sa kasaysayan. Kung kaya madaling dagdagan o baguhin kung ano ang isinulat ng may-akda. Napagtanto ng simbahan na dapat kilalanin ni Josephus si Kristo, at ipinagawa nila ito sa yumaong mananalaysay. Sa ika-apat na siglo, ang isang kopya ng ‘The Antiquities of the Jews’ ay nailimbag kung saan makikita ang talatang ito: ‘Ngayon, may isang panahon kung kailan lumabas ang isang matalinong tao na tinatawag na Hesus, kung matatawag nga Siyang isang tao, dahil nagpamalas Siya ng mga himala at kahanga-hangang gawa. Siya ay isang guro ng mga lalaking tumanggap ng katotohanan nang may kasiyahan. Nakahikayat Siya ng maraming Hudyo at mga Hentil bilang Kanyang mga tagasunod. Siya ay ang Kristo; at hinatulan Siya ni Pilato, sa mungkahi ng mga pinuno, upang ipako sa krus. Ngunit hindi siya pinabayaan ng mga unang nagmahal sa kanya sapagkat nagpakita Siya sa kanila pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli sa ikatlong araw, ayon sa hula ng mga banal na propeta at nagpakita sa libu-libong iba pa ng mga kamangha-manghang mga bagay. Kaya ipinangalansa kanya ang isang grupo ng mga mananampalataya na hindi pa rin lumilipas hanggang sa mga araw na ito.”

Tunay nga na bihirang pagdudahan ang siping ito mula sa ‘Antiquities of the Jews’ na naglalaman ng ilang bagay na isiningit sa pamamagitan ng later scribes (isang minorya ng mga iskolar na naniniwalang ang kabuuan ng talatang ito ay totoo). Ngunit tila naniniwala ang Internet Infidels sa kabuuan ng mga ‘isiningit’ na teorya.

Ano ang ilan sa mga dahilan para tanggapin ang talatang ito na totoo, sa sandaling ang malinaw na pagpasok ng ibang pahayag ay naalis? Marahil ang pinakamahalagang dahilan ng mga iskolar upang tanggapin ang sitas na ito ay tila parehong pareho ito sa tipikal na wika at istilo ni Josephus. Bukod dito, kapag malinaw na naalis ang mga salitang idinagdag ng mga later scribes, ang mga natitirang mga pangunahing sipi ay maliwanag at maayos na dumadaloy.

Ang maraming pagbanggit kay Hesus sa aklat ni Josephus ay itinuturing ng karamihan sa mga iskolar na totoong galing kay Josephus at ilang mga parirala lamang ang malinaw na maka-Kristiyano. Gayun din, marami sa mga parirala sa unang bahagi ng aklat ang hindi makikita sa panitikang Kristiyano, at mapapansin din ang paggamit ng mga parirala at mga termino na malamang na hindi gagamitin ng mga Kristiyano. Mayroon din doong isang parirala na mapapansing pagkakamali ng sinumang Kristiyanong manunulat ang pangungusap na, ‘Nakahikayat Siya ng maraming Hudyo at mga Hentil bilang Kanyang mga tagasunod.’

Kapansin pansin na nakalimutan ni Gauvin na banggitin ang iba pang mga pagbanggit tungkol kay Hesus sa mga kasulatan ni Josephus ‘mga katotohanan’ na tinatanggap ng halos lahat ng mga iskolar:

“Ngunit ang nakababatang si Ananus, katulad ng aming nabanggit na tumanggap ng mataas na pagka-saserdote ay may isang matapang na disposisyon; sinundan niya ang partido ng mga Saduseo, na malubhang mapanghusga sa lahat ng mga Hudyo katulad ng aming ipinakita. Kung gayon, dahil si Ananus ay may naturang disposisyon, naisip niyang siya ay may magandang pagkakataon yamang si Festus ay yumao na, at si Albinus ay nasa paglalakbay pa rin; kaya binuo niya ang isang konseho ng mga hukom at dinala sa kanila ang kapatid na lalaki ni Hesus na tinatawag na Kristo, na ang pangalan ay Santiago, kasama ang ilang mga iba pa, at inakusahan sila bilang mga rebelde sa batas, at hinatulan sila upang mamatay sa pamamagitan ng pagbato.”

Ang karamihan ng mga iskolar ay isinasaalang-alang ang talatang ito bilang isang tunay na sipi para sa mga kadahilanang tulad ng mga sumusunod:

1. Walang tekstwal na katibayan laban sa talatang ito. Ito ay natagpuan sa bawat manuskrito ng ‘The Antiquities of the Jews.’ Ito rin ay mailalapat sa nabanggit na sipi.

2. May paggamit din ng mga terminolohiyang hindi maka-Kristiyano. Halimbawa, ang pagtawag kay Santiago bilang ‘kapatid na lalaki ni Hesus.’ Ang tawag na ito ay sumasalungat sa kaugaliang Kristiyano na tinatawag si Santiago bilang ‘kapatid ng Panginoon.’ Samakatuwid, ang talatang ito ay hindi tumutugma sa alinmang kasulatan sa Bagong Tipan o sa sinaunang tawag ng mga Kristiyano kay Santiago.

3. Ang diin ng sipi ay hindi kay Hesus, o kahit kay Santiago, kundi sa mataas na saserdoteng si Annas. Walang papuri sa aklat para kay Hesus o kay Santiago.

4. Hindi iniuugnay ng pahayag na ito o ng iba pang mas komprehensibong sipi si Hesus kay Juan Bautista, na inaasahang gagawin ng isang Kristiyanong mananalaysay.

Ikinatwiran ni Gauvin:

“Sa ‘mga salaysay’ ni Tacitus, ang Romanong mananalaysay, may isa pang maikling sipi na bumabanggit tungkol sa ‘Christus’ na tagapagtatag ng isang grupong tinatawag na mga Kristiyano ‘ ang lider ng mga taong ‘kinasusuklaman dahil sa kanilang mga krimen.’ Ang mga salitang ito ay mababasa sa salaysay ni Tacitus tungkol sa pagkasunog ng Roma. Ang ebidensiya ng salaysay na ito ay hindi kasing lakas ng mga ebidensiya sa mga salaysay ni Josephus. Hindi ito binanggit ng sinumang manunulat bago ang ika-limang siglo; at nang ito ay binanggit, mayroon lamang isang kopya ng ‘mga salaysay’ sa mundo; at ang kopya na iyon ay dapat na nagawa sa ikawalong siglo - anim na daang taon matapos ang kamatayan ni Tacitus.” Ang ‘mga salaysay’ ay inilimbag sa pagitan ng 115 at 117 A.D., halos isang siglo pagkatapos ng panahon ni Hesus - kung kaya ang salaysay ito, kahit na tunay ay hindi makapagpapatunay ng anumang bagay tungkol kay Hesus. Ang pagkabuhay ni Hesus ay hindi pinabulaanan ng mga Palestino noong unang siglo, at ang mga negatibong reperensiya kay Hesus ni Tacitus at ng iba pa ay malakas na katibayan na si Hesus ay tunay na nabuhay bilang isang prominenteng tao noong unang siglo. Bakit hindi tinanggihan ng mga negatibong komentarista ang kanyang pagkabuhay na mag-uli? Saan nila nakuha ang kanilang mga impormasyon? Dagdag pa rito, ang maingat na pagtatanong ay isa sa magandang katangian ni Tacitus. Ang isa sa kanyang reputasyon bilang mananalaysay ay ang hindi panghihiram ng mga impormasyon mula sa hindi mapagkakatiwalaang pinanggagalingan ng impormasyon. Ang pagkuha ni Tacitus ng impormasyon mula sa mga Kristiyano ay hindi pinatutunayan ng mga negatibong tono sa kanyang salaysay.

Maaari bang ulitin ni Tactus ang sinabi ng mga taong hindi niya nagustuhan? Pagkatapos ng lahat, sa pag-uulat sa kasaysayan at mga paniniwala ng mga Hudyo, na kanyang kinamuhian katulad ng kanyang pagkamuhi sa mga Kristiyano, tila halata mula sa kanyang nanghahamak na mga paglalarawan na si Tacitus ay hindi kumuha ng pananaw sa mga Hudyo.

Hindi rin binanggit ni Gauvin ng iba pang mga malinaw na mga sekular na pinagkunan ng impormasyon tungkol kay Hesus, kabilang ang Talmud at ang mga aklat nina Lucian, Pliny, Seutonius, Tacitus, at Thallus. Ngunit kahit ipagpalagay na walang sangguniang sekular tungkol kay Hesus noong una o ikalawang siglo, mayroon pa rin tayong napakalakas na ebidensya sa kanyang pagkabuhay na mag-uli. Bakit? Nagpasya ba ang mga tagasunod ni Hesus na lumikha ng isang kathang isip na Hesus at ibigay sa Kanya ang mga katangian bilang isang tao na nagaangkin ng kapangyarihan bilang Diyos at Tagapagligtas? Maraming suliranin sa argumentong ito. Una, tila tiyak na ginawa ito sa isang maling paraan. Kung ang kanilang layunin ay upang simulan ang isang bagong relihiyon, ito ay dapat na gawin alinsunod sa mga inaasahan ng mga taong nais nilang himukin. Ang maka-Hudyong konsepto ng isang Mesiyas ay isang mahusay na pinunong militar, na lulupig sa kanilang mga mananakop na Romano. Pangalawa, ang mga makabagong iskolar ay nagkakaisang sumang-ayon na ang mga alagad ay taos-pusong naniniwala sa kung ano ang kanilang ipinapahayag (sila ay nakahandang magdanas ng malupit na kamatayan alang alang dito, ng walang pagtatatwa sa kanilang mga pinaniniwalaan). Ikatlo, ang mga unang pagpapahayag ng mga Kristiyano matapos ang muling pagkabuhay ay naganap sa Jerusalem (kung saan isinagawa ang pampublikong ministeryo ni Hesus), limitado sa mga magagamit na materyal na ebidensya laban sa pagkatha ng mga istorya tungkol kay Hesus. Kung ang pagkabuhay ni Hesus ay isa lamang kathang isip, tiyak na ang mga alagad ay nangaral sa Roma o sa ibang lugar, malayo mula sa mga saksi na maaaring magpabulaan sa kanilang istorya.

Bukod dito, dapat isaalang-alang ang sitwasyon na kahaharapin ng mga alagad kasunod ng pagpapako kay Hesus sa krus. Ang kanilang pinuno ay patay na at ang mga Hudyo, ayon sa kanilang kaugalian ay hindi naniniwala sa isang namatay, lalo na sa muling nabuhay na Mesiyas. Sa katunayan, pinaniniwalaan ng mga Hudyo na walang sinuman ang maaaring bumangon mula sa mga patay patungo sa kaluwalhatian at imortalidad bago ang pangkalahatang muling pagkabuhay sa katapusan ng mundo. Ang interpretasyon ng mga guro o Rabbi patungkol sa mga propesiya tungkol sa muling pagkabuhay ng Mesiyas ay ibabangon Siya sa mga patay sa katapusan ng mundo kasama ang lahat ng iba pang mga pumanaw na banal. Kung kaya’t masasabi na ang mga disipulo ay may bagong katuruan tungkol sa muling pagkabuhay at ito ay laban sa kanilang kultura. Ito ang dahilan kung kaya, tulad ng pahayag ni Juan sa kanyang sulat (Juan 20: 9), na matapos nilang matuklasan ang libingang walang laman, ‘hindi pa rin nila maunawaan mula sa Banal na Kasulatan na si Hesus ay dapat na bumangon mula sa kamatayan.’ Kung ang mga disipulo ay nag-imbento ng isang perpektong istorya, siguradong ang kanilang ipahahayag ay isang espiritwal na pagkabuhay, hindi ang isang pagkabuhay ng pisikal na katawan na minsan ng naging isang bangkay. Sa halip, ipinahayag nila ang aktwal na muling pagkabuhay ng pisikal na katawan ni Hesus at kung hindi totoo, ito ay isang malaking panganib para sa kanila kung ang bangkay ay matatagpuan. Sa halip, naniwala sila sa isang literal na muling pagkabuhay dahil nasaksihan nila ito mismo sa kanilang sarili. Ang mga lider ng mga relihiyon ngayon ay nais lamang sugpuin ang Kristiyanismo.

Ang huling dahilan kung bakit malabong nagimbento lamang ang mga tagasunod ni Hesus tungkol sa Kanyang muling pagkabuhay ay may kinalaman sa Kanyang kamatayan sa pamamagitan ng pagkakapako sa krus. Ayon sa batas ng mga Hudyo, ang kamatayan ni Hesus sa pamamagitan ng pagkakabitin sa isang puno ay nagpapahiwatig na si Hesus ay isang taong literal na isinumpa ng Diyos (Deuteronomio 21:23). Ang pagpapako sa krus ay isang malaking kahihiyan para sa mga miyembro ng unang Iglesya, kung tama ang mga Pariseo at ang konseho ng mga Hudyo sa kanilang akusasyon kay Hesus. Hindi sana nilisan nga mga Kristiyano ang kanilang tahanan, pamilya at ari-arian dahil sa pananampalataya sa isang mamumusong, sa isang lalaking literal na isinumpa ng Diyos.

Ano ang isang infidel? - Mapanlinlang na mga pahayag

Ayon kay Gauvin:

“Maraming mga ebanghelyo na umikot noong unang siglo, at malaking bilang ng mga ito ay mga huwad. Kabilang sa mga ito ay ang ‘Ebanghelyo ni Pablo,’ ang ‘Ebanghelyo ni Bartolome,’ ang ‘Ebanghelyo ni Hudas,’ ang ‘Ebanghelyo ng mga taga-Ehipto,’ ang ‘Ebanghelyo ni Pedro,’ ang ‘Orakulo o kasabihan ni Kristo,’ at mga limbag ng iba pang mga produksyong relihiyoso, isang koleksyon ng maaari pa ring mabasa sa ‘Ang Apokripikong Bagong Tipan.’ Ang mga taong hindi matuwid ay sumulat ng ebanghelyo at ginamit ang pangalan ng mga kilalang karakter sa Kristiyanismo at binigyan sila ng anyo at kahalagahan. Ang mga likhang ito ay huwad at ginawa sa pangalan ng mga apostol, at maging sa pangalan ni Kristo. Ang pinakadakilang Kristiyanong guro ay nagturo na isang magandang katangian ang manlinlang at magsinungaling para sa kaluwalhatian ng pananampalataya. Si Dean Milman, isang mananalaysay na Kristiyano ay nagsabi: ‘Ang relihiyon ng panloloko ay tinanggap at inihayag.’ Ayon sa isinulat ni Dr. Giles: ‘Walang duda na maraming aklat ang inilimbag ng walang ibang layunin kundi ang manlinlang.’ Ayon naman kay Propesor Robertson Smith: ‘Nagkaroon ng napakalaking bilang ng mga huwad na panitikan na nilikha upang umangkop sa kaisipan ng mga mambabasa.’ Ang sinaunang iglesya ay binaha ng mga huwad na kasulatang panrelihiyon.” Ngunit mula sa maraming literature, ang ating ebanghelyo ay pinili sa pamamagitan ng mga saserdote at tinawag na kinasihan ng Diyos. Ang mga ebanghelyo bang ito ay peke rin? Walang katiyakan na sila ay hindi. Ngunit hayaan mo akong magtanong: Kung si Kristo ay isang makasaysayang karakter, bakit kinakailangang lumikha ng mga huwad na dokumento upang patunayan ang kanyang pagkabuhay? Mayroon bang nag-iisip nang paglikha ng mga huwad na mga dokumento upang patunayan ang pagkabuhay ng sinumang tao na talaga namang nabuhay?

Tinanggihan ang mga ‘Ebanghelyo’ ng mga agnostiko ng mga pangunahing karakter sa Iglesya noong unang siglo tulad nina Pedro, Tomas, at Maria Magdalena. Maaaring tingnan na ito ay magbibigay halaga sa usapin na ang sinaunang iglesya ay tapat sa pagtanggap ng kanilang mga dokumento mula sa mga tamang tao lamang. Bakit itatanggi ang ebanghelyo ng pangalawang klaseng mga taong tulad nina Marcos at Lucas? Lalo na’t ang sinaunang iglesya ay nagpatunay na kinuha ni Marcos ang karamihan sa kanyang mga impormasyon mula kay Pedro, kung kaya bakit hindi itinanggi ito ni Pedro kung ito ay tungkol sa kredibilidad? Walang nabanggit sa artikulo tungkol sa alinman sa mga ito. Gayundin, ang mga ebanghelyong gnostiko ay HINDI isinulat upang patunayan ang pagkabuhay ni Hesus. Ang Internet Infidels ay nagpapakita ng ganap na kawalan ng pang-unawa o pagpapahalaga sa paniniwala ng agnostisismo, o sa mga importanteng layunin sa likod ng mga dokumentong ipinapalaganap. Wala ring naging di-pagkakasundo sa mga sinaunang iglesya sa pag akda ng apat na ebanghelyong nakapasa sa kanon ng Kasulatan. Sa sinumang hindi pamilyar sa kasaysayan ng sinaunang iglesya, ang argumentong ito ay hindi kapani-paniwala.

Ano ang infidel? - Ang akusasyon sa ‘panggagaya’ ng Kristiyanismo sa mga relihiyong pagano

Isang pahayag na madalas makikita sa website na Internet Infidels ay ang paratang na ang Kristiyanismo ay isang panggagaya sa iba't ibang paganong relihiyon at mitolohiya, isang pahayag na matagal nang tinanggihan ng karamihan sa mga iskolar. Sa pagsagot sa paratang na ito, walang dahilan kung bakit ang isang taus-pusong sumasampalataya sa isang Diyos na Hudyo, na namulat sa kultura ng Palestino, ay manghihiram mula sa ‘misteryosong relihiyon’ ng mga pagano.

Gayun pa man, isinulat pa rin ni Santiago sa aklat na ‘Ang Kapanganakan ng isang birhen at misteryosong Kabataan ni Kristo:’

Sa paglipas ng panahon, makikita na ang Kaharian ng Diyos ay naantala. Para sa mga Hudyong Helenetiko o Hellenized at paganong Griyego na naakit sa Kristiyanismo, ang pagkaantalang ito ay naghayag ng higit pang mga katanungan kaysa mga sagot. Bukod pa rito, ang mga paganong Griyego, kung saan sila naroroon ay nang-akit sa Kristiyanismo at ang Kristiyanismo ay lumago. Natural na may pag-aalinlangan sa sinumang nagaangkin na Tagapagligtas at sa makalangit na gantimpalang maaari niyang ipangako. Ang mga Griyego ay maaaring pumili ng paniniwalaan mula sa mga dose-dosenang misteryosong kulto at napakaraming diyos na bawat isa ay nangangako ng kayamanan at lubos na kaligayahan sa kabilang buhay. Maliit lamang ang kayang ialok ni Hesus sa mga Griyegong ito. Ayon sa lahat ng isinulat tungkol sa Kanya bilang isang mortal na Mesiyas ng mga Hudyo, gagawa Siya ng isang bagong Jerusalem para sa kanyang mga hinirang. Ang Hesus sa aklat ni Marcos na kilala sa kanyang mga tagasunod mula sa gitna at katapusang bahagi ng unang-siglo (bago isulat ang ebanghelyo ng Mateo, Lucas, at Juan) ay hindi nagbahagi ng mga katangiang moral ng ganitong tagapagligtas na gaya ni Dionysus o Heracles. Ang impormasyon tungkol sa kapanganakan ni Hesus ng isang birhen ay kailangan kung si Hesus ay gagawing katanggap-tanggap para sa mga pagano sa mundo ng Helenetiko.

Ngunit wala sa dalawang pahayag ng kapanganakan tungkol kay Dionysus ang nagmungkahi ng isang birheng kapanganakan. Ayon sa isang alamat, si Dionysus ay anak ni Zeus at Persephone. Nagselos si Hera at sinubukang patayin ang sanggol sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga Titans upang patayin iyon. Dumating si Zeus upang iligtas ang sanggol, ngunit huli na. Kinain ng Titans ang lahat kay Dionysus maliban sa kanyang puso. Kinuha ni Zeus ang puso at itinanim ito sa sinapupunan ni Semele. Sa ikalawang alamat, nabuntis ni Zeus ang isang mortal na babae, si Semele. Dahil sa pagseselos ni Hera, hinimok niya si Semele na hilingin kay Zeus na ipakita niya ang kanyang kaluwalhatian sa kanya ngunit walang sinumang mortal ang maaring mabuhay kung makikita ang kaluwalhatian ng diyos. Agad na nasunog si Semele kung kaya kinuha ni Zeus ang sanggol na si Dionysus mula sa sinapupunan nito at itinanim ito sa kanyang sariling hita hanggang sa ito ay maipanganak. Tulad ng maaari nating makita, walang naganap na panganganak ng isang birhen sa kuwentong ito, sa halip ang alamat ay nagsasaysay kung paanong isinilang si Dionysius bilang diyos, at dalawang beses na ipinanganak siya sa sinapupunan.

Nilikha rin ni Richard Carrier ang isang usapin kung saan ang ‘Horus ng Gresya ay inilarawan na naghari sa loob ng isang libong taon, pagkatapos ay namatay at inilibing sa loob ng tatlong araw. Sa ikatlong araw, paglipas ng Typhon, o masasamang prinsipyo, ay muling nabuhay magpakailan pa man.’ Ngunit mali si Carrier. Ang tanging koneksyong maaaring iugnay sa muling pagkabuhay ni Horus ay kung ating isasaalang-alang ang pagsasama nina Horus at Osiris. Ngunit ang teoryang ito ay puno ng pagsasalungatan at tila napansin ito ng mga taga-Ehipto kaya’t kanilang binago ang kanilang paniniwala upang ayusin ang mga pagsasalungatan. Sa kwento ng mga Ehipsyo, tinalikuran ni Set si Osiris sa labanan at inilagay sa isang baul at nilunod sa ilog Nilo. Ngunit binuo ni Isis ang katawan ni Osiris at muli itong binuhay upang maglihi ng isang tagapagmana na maghihiganti para sa kamatayan ni Osiris (bagaman si Osiris ay hindi kailanman nabuhay na muli, at pinagbawalang bumalik sa mundo ng mga nabubuhay).

Ang Infidels website ay naglalaman ng iba pang mga maling impormasyon tungkol sa mga paganong diyos at ang madalas na paratang ay ‘nanghiram’ lamang ng materyal mula sa mga paganong relihiyon ang mga Kristiyano. Ang pahayag na ito ay nananatiling nangangailangan ng pagpapatunay dahil sa kanilang mahihinang ebidensya.

Ano ang infidel? - Konklusyon

Ang website ng Internet Infidels ay isa lamang pagbubuod ng mga lumang teorya ng pagsasabwatan at mga maling impormasyon, na halos lahat ay ganap nang tinalikuran ng mga nagkakaisang iskolar. Gayunman, ang infidels ay patuloy na nangaakit ng malaking bilang ng tagasubaybay sa internet.

Sa kasaysayan, may mahihinang ebidensya ngunit mayroon ding antas ng pag-aalinlangan sa mga ebidensya dahil sa mga pagkukulang ng mga mananalaysay. Dagdag pa rito, ang akusasyon na nanghiram ng materyal mula sa sinaunang paganong relihiyon ang sinaunang iglesya at si Hesus ay hindi kailanman nabuhay ay dapat pagdudahan dahil sa isyu ng pinanggagalingan ng mga ebidensya at paano ito dapat unawain ng iba. Sa huli, kung ang Internet Infidels ay tama sa kanilang pagpupunyagi na hindi nabuhay na mag-uli si Hesus, ginagawa nilang mas hindi kapani-paniwala ang Kristiyanismo kaysa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Tulad nang pinapatotohanan ng Mangaawit, “Ang mangmang ay nagsabi sa kanyang puso, 'Walang Diyos’” (Awit 14:1).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang infidel o hindi mananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries