settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang kapani-paniwalang ebidensya na mayroong Diyos?

Sagot


Ang sagot sa katanungang ito ay nakasalalay sa kung ano ang ibig sabihin ng ‘kapani-paniwalang ebidensya.’ Maaari ba nating mahipo ang Diyos o makita Siya sa parehong paraan kung paano natin nahihipo at nakikita ang tao? Hindi. Ngunit may hindi mabilang na kaparaanan upang malaman ng tao ng may katiyakan na totoong may Diyos, at Siya ay tunay at kung ano ang sinasabi Niya kung Sino siya. Titingnan natin ang tatlong karaparaanan sa pagpapatunay ng pagkakaroon ng Diyos gamit ang siyensya at Bibliya.

1. Ang batas ng sanhi at epekto (the Law of Cause and Effect): Ang batas na ito ng Siyensya ay nagsasaad na ang bawat sanhi ay may epekto at ang bawat epekto ay may sanhi. Ang batas na ito ang basehan mismo ng siyensya. Ito ay may direktang kinalaman sa pinagmulan ng langit at lupa. Sa katotohanan, sumasang-ayon ang mga siyentipiko na ang kalawakan ay may pinagmulan sa isang yugto ng kasaysayan.

Ang teorya ng pagkakaugnay-ugnay ng lahat ng bagay (theory of relativity), na tinatanggap ng halos lahat na siyentipiko ay may malaking implikasyon sa batas na ito ng sanhi at epekto. Ang isa sa implikasyon ay ang pagkakaroon ng pasimula ng kalawakan na ang kahulugan ay, ‘panahon,’ ‘espasyo,’ ‘bagay’ at ‘pisikal na enerhiya.’ Sa pamamagitan ng teoryang ito ni Einstein, tinutunton ng mga siyentipiko ang pinagmulan ng kalawakan, pabalik sa tinatawag na nagiisang pangyayari o “singularity event” na siyang dahilan kung bakit ito lumitaw. Nangangahulugan ito na ang kalawakan ay may pasimula at bago magkaroon ng kalawakan, tiyak na may naging sanhi sa paglitaw nito.

Samakatwid, kung nangangailangan ang kalawakan ng sanhi upang ito ay lumitaw, ang sanhing ito ay tiyak na wala sa kalawakan – na panahon, espasyo, bagay at pisikal na enerhiya. Ang sanhing ito ay kailangang katulad sa tinatawag ng mga Kristiyano na isang ‘Diyos.’ Kahit na si Richard Dawkins, na marahil ay ang pinakaprominenteng tagapagpalaganap ng ateismo sa ating panahon ay kinilala sa isa niyang artikulo sa TIME magazine na “maaaring may isang bagay na hindi kapanipaniwala, napakalaki at hindi kayang ilarawan at lampas sa ating pangunawa sa kasalukuyan.” Oo at iyon ay ang Diyos!

Maaari nating buudin ang ebidensya sa kosmolohiya sa mga sumusunod na pahayag:
(1) Anumang bagay na lumitaw ay tiyak na may nagpalitaw.
(2) Lumitaw ang kalawakan.
(3) Samakatwid, may nagpalitaw sa kalawakan.
(4) Ang katangian ng kalawakan (na walang hanggan) ay katangian din ng Diyos.
(5) Kaya nga ang nagpalitaw ng kalawakan ay ang Diyos (Genesis 1:1).

2. Ang batas ng Teleolohiya: Ang teleolohiya ay ang pagaaral sa mga disenyo ng layunin sa mga natural na nangyayari sa kalikasan. Ang batas na ito ng Siyensya ay nagsasaysay na kung nasasalamin sa isang bagay ang layunin o disenyo, ito ay nangangailangan ng isang taga-disenyo. Ito ay totoo sa lahat ng bagay sa kalawakan na nagpapatunay na may isang matalinong nagdisenyo sa lahat ng naroroon.

Halimbawa, ang mundo sa pag-inog nito sa araw ay umiikot sa isang tuwid na linya ng ikasiyam (9th) na bahagi ng isang pulgada sa bawat labing walong (18) milya – isang napakatuwid na linya sa terminolohiya ng tao. Kung mabago ang linya ng mundo sa pagikot nito sa araw ng ikasampung (10th) bahagi ng isang pulgada lamang, matutusta tayo sa init. Ang araw ay naglalagablab sa init na may humigit kumulang sa dalawampung (20) milyong degree celsius malapit sa gitna. Kung ang mundo ay gumalaw ng sampung porsyento (10%) palayo sa araw mula sa dati nitong linya, magyeyelo taoyng lahat at mamamatay sa ginaw. Kung gumalaw ito ng sampung porsyento (10%) papalapit, magiging abo tayong lahat sa sobrang init. Dapat ba tayong maniwala na ‘nagkataon’ lamang ang lahat ng ito? Isipin natin ito: Ang araw ay nakaposisyon sa layong siyamnapu’t tatlong (93) milyong milya mula sa mundo na tamang tama lamang upang hindi tayo mamatay sa ginaw o matusta sa init. Ito ba’y nangyari ng tsamba o nagkataon lamang o may nagdisenyo at nagplano nito? Hindi katakataka na tinukoy ng Mangaawit ang Diyos na Siyang dakilang taga-disenyo ng lahat ng nilikha: “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa! Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran, init niyo'y nadarama ng lahat sa daigdigan” (Awit 19:1, 6).

3. Ang Batas ng probabilidad at ang mga natupad na hula. May isanlibo at siyamnapu’t tatlong (1,093) hula sa Bibliya na tumutukoy kay Hesus at sa Iglesya at bawat isa sa mga hulang ito ay natupad! Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng apatnapu’t walong (48) hula na tumutukoy sa pagpapapako kay Hesus sa krus. Kung ilalapat ang batas ng tsansa o probabilidad na mangyari ang mga hulang ito, ito ay hindi kapanipaniwala. Halimbawa, ang tsansa na mangyari ang isa lamang hula ay isa sa lima at ang tsansa na maganap ang dalawang makahiwalay na pangyayari ay isa sa sampu, kaya ang probabilidad na mangyari ang parehong hula na magkakasama o magkakasunod ay isa sa lima at minultiplika sa pamamagitan ng sampu na ang resulta ay limampu.

sa pagsasaalang-alang ng katotohanan na may ilang mga propeta ang nabuhay sa magkakahiwalay na lugar sa loob ng mahigit na isanlibong (1,000) taon, na humula tungkol kay Kristo limandaang (500) taon bago Siya ipanganak, ang tsansa na magkatotoo ang mga hulang ito ay hindi kayang ipaliwanag ng isipan ng tao. Halimbawa, ang tsansa na ganapin ng isang tao (si Hesus) ang walo (8) lamang na hula tungkol sa kanya ay isa sa sampu hanggang ikalabimpitung (17th) power sa Matematika (Ito ay numerong isa na may labimpitong zero o 100000000000000000).

Bilang paglalarawan: kunyari ay pupunuin ang buong Pilipinas ng pisong barya sa lalim na walong talampakan (8 feet). Pagkatapos mamarkahan ang isang pisong barya ng letrang ‘X’ at ihuhulog iyon mula sa isang eroplano hanggang mapuno ng piso ang buong Pilipinas. Pagkatapos hahaluin ang lahat ng piso at pipiringan ang isang tao at sasabihin sa kanya na maaari siyang maglakbay sa buong Pilipinas. Titigil siya kung saan niya gusto at pupulot mula sa walong talampakan ng pisong barya at kukuha ng isang piso. Kailangang ang makuha niya ay ang piso na may marking ‘X.’ Gaano kahirap ang probabilidad o tsansa na magawa niya ito? Katulad nito ang tsansa ng walo (8) lamang hula ng mga propeta na natupad sa isang tao sa hinaharap. Gaano pa kaya kahirap na maganap ang isanlibo at siyamnapu’t tatlong (1,093) hula?

Ang Bibliya at ang mga natupad na hula nito ang nagpapatunay na talagang may Diyos. Sa pamamagitan ng batas ng probabilidad, at sa paglalarawan sa Matematika kung paano natupad ang mga hula, makatitiyak tayo na may isang dakilang nagdisenyo ng lahat ng bagay na Siya ring may akda ng Bibliya, ang Diyos na lumikha ng lahat na mga bagay. “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, yaon ay hindi mula kay Yahweh; sarili niyang katha iyon. Huwag ninyo siyang papansinin” (Deuteronomio 18:21-22).

Sa huli, sinasabi ng Diyos na Manlilkha ng buong sangkalawakan at may akda ng ating kaligtasan, “Dili-dilihin ninyo ang matagal nang nakaraan. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, at liban sa akin ay wala nang iba. Sa simula pa'y hinulaan ko na at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong ang balak ko'y tiyak na mangyayari, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin” (Isaias 46:9-10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang kapani-paniwalang ebidensya na mayroong Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries