Tanong
Mayroon ba talagang tinatawag na dating Kristiyano?
Sagot
May isang tiyak at malinaw sa sagot mula sa Bibliya ang katanungang ito. Sinasabi sa 1 Juan 2:19, “Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na atin." Napakalinaw ng sagot ng Bibliya - walang tinatawag na dating Kristiyano. Kung naging isang tunay na Kristiyano ang isang tao, hinding hindi siya tatalikod ng lubusan sa pananampalataya: “Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na atin." Kung tinanggihan ng isang nagsasabing Kristiyano ang kanyang pananampalataya, hindi siya naging isang tunay na Kristiyano. “Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama." Kaya nga wala, walang tinatawag na dating Kristiyano.
Mahalaga na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng isang tunay na Kristiyano at isang Kristiyano sa pangalan lamang. Ang isang tunay na Kristiyano ay isang taong buong pusong nagtiwala kay Hesu Kristo lamang para sa kanyang kaligtasan. Nauunawaan ng isang tunay na Kristiyano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasalanan, sa kaparusahan ng kasalanan, kung sino si Kristo, kung ano ang Kanyang ginawa para sa atin, at kung paano ipinagkaloob sa atin ang kapatawaran. Ang isang tunay na Kristiyano ay isang tao na tinanggap ng Diyos bilang anak at ginawa ng Diyos na isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17) at patuloy Niyang binabago upang maging kawangis ni Kristo. Ang isang tunay na Kristiyano ay isang taong iniingatan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang manatili bilang isang Kristiyano (Efeso 4:13, 30; 2 Corinto 1:22). Ang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring maging isang dating Kristiyano. Walang sinumang tunay na nagtiwala kay Kristo bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas ang makakatanggi kay Kristo. Walang sinuman ang tunay na nakaunawa sa kasamaan ng kasalanan, sa nakakatakot na parusa sa kasalanan, sa pag-ibig ni Kristo, at sa biyaya at kahabagan ng Diyos, ang maaaring tumalikod ng ganap sa pananampalatayang Kristiyano.
Maraming tao sa mundong ito ang nagpapanggap na mga Kristiyano ngunit sa katotohanan, hindi talaga sila tunay na Kristiyano. Hindi nangangahulugan ang pagiging Kristiyano ng pagiging kabilang sa isang lahi o pagkakaroon ng partikular na kulay ng balat. Hindi nangangahulugan ang pagiging Kristiyano ng pagkilala kay Kristo bilang isang dakilang guro, o maging ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Nangangahulugan ang pagiging Kristiyano ng pagiging kinatawan ni Kristo at ng pagiging alipin ni Kristo. May mga taong naging miyembro ng isang Kristiyanong simbahan ngunit itinakwil pagkatapos ang Kristiyanismo. May mga tao na nakatikim ng kabutihan ng Diyos at nakaalam ng tungkol kay Hesus, ngunit hindi kailanman tumanggap kay Hesus bilang kanyang Tagapagligtas o tinanggap man ng Diyos bilang anak. Gayunman, walang matatawag na dating Kristiyano. Kailanman, hindi matatanggihan at hindi tatanggihan ng isang tunay na Kristiyano ang kanyang pananampalataya. Ang sinumang nagaangkin ng pagiging Kristiyano, ngunit tinalikuran ang kanyang pananampalataya pagkatapos, ay hindi kailanman naging isang tunay na Kristiyano. English
Mayroon ba talagang tinatawag na dating Kristiyano?