settings icon
share icon
Tanong

Ano ang apostasy at paano ko ito malalaman?

Sagot


Ang apostasy, o sa tagalog ay pagtalikod sa pananampalataya ay nagmula sa salitang Griyego na apostasia, na nangangahulugang “paglaban sa isang sistema o awtoridad; rebelyon; pagtalikod sa pananampalataya.” Noong unang siglo, ang “apostasia” ay isang teknikal na terminolohiya para sa rebelyong pampulitika o pagtalikod sa isang partidong pulitikal. At gaya noong unang siglo, ang apostasy o pagtalikod sa poananampalataya ay isang banta rin sa Iglesya ngayon.

Nagbabala ang Bibliya patungkol sa mga taong gaya ni Arius (c. A.D. 250-336), isang paring Kristiyano mula sa Alexandria, Egipto na sinanay sa Antioquia noong unang bahagi ng ika-apat na siglo (4th century). Noong humigit kumulang 318 A.D., inakusahan ni Arius si Alexander, ang obispo noon ng Alexandria sa paniniwala sa Sabellianism, isang maling katuruan na naniniwala na ang Ama, Anak at Banal na Espiritu ay mga kapahayagan lamang ng Diyos sa iba’t ibang yugto panahon (oneness modalism). Dahil dito, nagpasya si Arius na bigyang diin ang katuruan na iisa lamang ang Diyos; ngunit sa kasamaang palad, masyado siyang napalayo sa katuruan tungkol sa kalikasan ng Diyos. Tinanggihan ni Arius ang doktrina ng Trinidad at itinuro ang isang katuruan tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng Ama at Anak.

Ikinatwiran ni Arius na si Hesus ay hindi homoousios (pareho ng esensya) na gaya ng Ama sa halip Siya ay homoiousios (hindi pareho ng esensya) o hindi kagaya ng Diyos Ama. Tanging ang Griyegong letra na – iota (i) – ang naghihiwalay sa dalawang salita. Inilarawan ni Arius ang kanyang paniniwala sa ganitong paraan: “Umiiral na ang Ama bago umiral ang Anak. May yugto sa kasaysayan na hindi umiiral ang Anak. Kaya nga, ang Anak ay nilikha lamang ng Ama. Kung gayon, bagama’t ang Anak ang pinakamataas sa lahat ng nilikha, sa esensya ay hindi Siya Diyos.”

Napakatalino ni Arius at ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang mapapaniwala ang mga tao sa kanyang posisyon, at gumawa pa siya ng maiiksing awitin na nagtuturo ng kanyang teolohiya, at sinikap niyang ituro ang kanyang mga likhang awit sa bawat isang nagnanais makinig. Ang kanyang magandang personalidad at mataas na posisyon bilang mangangaral at ang kanyang simpleng pamumuhay ay nakatulong ng malaki upang paniwalaan siya ng marami.

Patungkol sa apostasy o pagtalikod sa pananampalataya, napakahalaga na maunawaan ng mga Kristiyano ang dalawang bagay: (1) Paano malalaman ang apostasy at paano makikilala ang mga taong tumalikod sa pananampalataya, at (2) Bakit napakamapanganib ang katuruan ng mga ganitong tao.

Iba’t ibang anyo ng apostasy o pagtalikod sa pananampalataya
Upang lubusang makilala at malabanan ang apostasy, mahalaga na maunawaan ng mga Kristiyano ang iba’t ibang anyo at katangian na taglay ng doktrina at maging ng mga tagapagturo nito. May dalawang uri ng apostasy: (1) Pagtanggi sa mga tunay at susing doktrina ng Bibliya at pagyakap sa mga maling katuruan na itinuturo bilang “tunay” na doktrinang Kristiyano, at (2) ang ganap na pag-iwan sa pananampalatayang Kristiyano na nagbubunga sa tuluyang pagtalikod kay Kristo.

Si Arius ay kumakatawan sa unang anyo ng apostasy – ang pagtanggi sa mga tunay at susing doktrina ng Bibliya (gaya ng pagka Diyos ni Kristo) na nagsimula sa paunti-unti hanggang sa lubusang pag-iwan sa pananampalataya, na ikalawang anyo naman ng apostasy o pagtalikod sa pananampalataya. Mahalagang maunawaan na ang huling anyo ay laging naguumpisa sa una. Ang isang maling paniniwala ay nagiging maling katuruan na kakalat at lalago hanggang sa tuluyan nitong maapektuhan ang pananampalataya ng isang tao, at sa huli, magaganap ang layunin ni Satanas, ang tuluyang pagtalikod sa Kristiyanismo.

Ang isang halimbawa ng ganitong proseso sa makabagong panahon ay ang pagaaral na isinagawa ng dalawang kilalang ateista na sina Daniel Dennett at Linda LaScola na tinatawag na “Mga mangangaral na hindi mananampalataya.” Sinubaybayan nina Dennett LaScola ang limang (5) magkakaibang mangangaral na sa pagdaan ng panahon ay nakaalam at tumanggap ng mga maling katuruan tungkol sa Kristiyanismo at sa huli ay tuluyang tumalikod sa pananampalataya at ngayon ay kung hindi man naging panteista (naniniwala na lahat ng bagay ay Diyos) ay naging patagong ateista (hindi naniniwala sa Diyos). Ang isa sa mga nakakabahalang katotohanan na binigyang diin sa pagaaral ay napanatili ng limang ito ang kanilang posisyon bilang pastor ng mga Kristiyanong iglesya na hindi nalalaman ng kanilang mga kongregasyon ang tunay na kalagayan ng kanilang pananampalataya.

Nagbabala ang Aklat ng Judas tungkol sa mga panganib ng dala ng pagtalikod sa pananampalataya. Ang aklat ng Judas ang batayang aklat sa pangunawa sa katangian ng mga taong tumalikod sa pananampalataya gaya ng ipinakilala sa pagaaral nina Dennett at LaScola. Ang bawat pananalita ni Judas ay napapanahon sa atin kung paanong napapanahon din ang mga iyon noong unang siglo. Kaya napakahalaga na buong ingat nating basahin at pagaralan ang aklat na ito.

Ang mga katangian ng mga tumalikod sa pananampalataya
Si Judas ay kapatid sa ina ni Hesus at isang tagapanguna sa unang Iglesya. Sa kanyang sulat sa Bagong Tipan, inisa-isa niya ang mga paraan kung paano makikilala ang mga taong tumalikod sa pananampalataya at hinimok ang mga mananampalataya na ipaglaban ang kanilang pananampalataya (vs. 3). Ang salitang Griyego na “ipaglaban ang pananampalataya” ay dalawang pandiwang pinagsama kung saan natin makukuha ang salitang “pakikibaka.” Ang salitang ito ay nangangahulugan ng patuloy at hindi tumitigil na pakikibaka. Sa ibang salita, sinasabi sa atin ni Judas na tiyak na magkakaroon ng patuloy na pakikipaghamok laban sa mga maling katuruan at dapat na seryosohin ito ng mga Kristiyano at magtiis sila sa labanan na kanilang kinakaharap. Gayundin naman, malinaw na itinuturo ni Judas na ang bawat Kristiyano ay tinawag para sa labanang ito, hindi lamang ang mga lider sa Iglesya, kaya napakahalaga na paghusayin ng lahat ng mga mananampalataya ang kanilang kakayahang kumilala ng mga maling doktrina upang makilala at mahadlangan ang pagtalikod sa pananampalataya na nagaganap sa kanilang kalagitnaan.

Pagkatapos na himukin ang kanyang mga mambabasa na makipaglaban para sa kanilang pananampalataya, binigyang diin ni Judas ang dahilan: “Sapagkat nakasalingit sa inyo ang ilang taong walang Diyos at ang kaloob ng Diyos ay ginagamit nila sa kamunduhan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Puno at Panginoon. Noon pang una'y sinabi na ng Kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila” (vs. 4). Sa talatang ito, ibinigay ni Judas ang tatlong katangian ng mga taong tumalikod sa pananampalataya.

Una sinasabi ni Judas na ang nga taong ito ay napaka mapanlinlang. Ginamit ni Judas ang salitang “nakasalingit” (hindi makikita sa alinmang aklat ng Bibliya) upang ilarawan ang pagpasok sa Iglesya ng mga taong tumalikod sa pananamapalataya. Sa salitang Griyego na hindi ginamit sa Bibliya, ang salitang “nakasalingit” ay naglalarawan ng kahusayan ng isang abogado na sa pamamagitan ng matalinong paglulubid-lubid ng mga argumento ay napapaniwala ang mga opisyal ng korte at nakukumbinsi sila na tama ang mali. Ang salitang ito ay literal na nangangahulugan na “isingit sa tagiliran; dumating ng hindi napapansin; sumingit; mahirap na makilala.” Sa ibang salita, sinasabi ni Judas na napakabihira na magumpisa ang apostasy o pagtalikod sa pananampalataya sa isang bulgar na paraan na madaling malaman. Sa halip, ito ay kagaya ni Arius, na tanging isang letra lamang naging dahilan sa pagkakaiba ng kanyang doktrina sa tunay na katuruan ng pananampalatayang Kristiyano tungkol sa pagka Diyos ni Kristo.

Sa paglalarawan sa aspetong ito ng pagtalikod sa pananampalataya at sa mga panganib na dala nito, isinulat ni A. W. Tozer, “Napakagaling sa paggaya sa katotohanan at sa paggawa ng kamalian, ang dalawang ito ay laging naipagkakamali sa isa’t isa. Kailangan ng isang napakalinaw na mata sa panahon ngayon upang malaman kung sino si Cain o si Abel.” Binanggit din ni Pablo ang mapangakit na panlabas na katangian ng mga taong tumalikod sa pananampalataya at ng kanilang maling katuruan ng kanyang sabihin, “Hindi sila tunay na apostol kundi nandaraya lamang at nagkukunwaring mga apostol ni Cristo. Hindi ito dapat pagtakhan! Sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan” (2 Corinto 11:13-14). Sa ibang salita, hindi natin maaasahan na ang mga taong lumalaban sa Diyos ay may pangit na katangian at kapuna-puna ang maling katuruan . Sa halip na tahasang tanggihan ang katotohanan, pinipilipit ng mga taong ito ang katotohanan upang sumang-ayon ang iba sa kanilang sariling agenda. Gaya ng sinabi ni Pastor R. C. Lensky, “Ang pinakamasamang anyo ng kasamaan ay ang pagbaluktot sa katotohanan.”

Ikawala, inilarawan ni Judas ang mga tumalikod sa pananampalataya na mga “walang Diyos” at mga taong ginagamit ang biyaya ng Diyos bilang lisensya sa paggawa ng kasamaan. Mula sa pagiging “walang Diyos” binanggit ni Judas ang labinwalong katagian ng mga tumalikod sa pananampalataya: Ginagamit nila ang mga kaloob ng Diyos sa kamunduhan (v. 4), tumatanggi sila kay Kristo (v. 4), dinudungisan nila ang kanilang sarili (v. 8), hinahamak nila ang kapangyarihan ng Diyos (v. 8), nilalait ang mararangal na anghel (v. 8), wala silang alam sa Diyos (v. 8), nagaangkin ng mga pangitain na hindi nila nalalaman (v. 10), ipinapahamak ang sarili (v. 10), walang kasiyahan (v. 16), mapamintas (vs. 16), nagpapakagumon sa masasamang pita, (v. 16), mga hambog (v. 16), manlilibak at mga alipin ng kanilang masasamang pita (v. 18), lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, (v. 19), mga taong pinaghaharian ng kanilang mga pita (v. 19), at sa huli, (at hindi nakapagtataka ), hindi sila pinananahanan ng Espiritu o hindi talaga sila ligtas (v. 19).

Ikatlo, sinasabi ni Judas na ang mga tumalikod sa pananampalataya ay “ayaw kumilala kay Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Puno at Panginoon.” Paano nila nagawa ito? Sinabi sa atin ni Pablo sa kanyang sulat kay Tito, “Malinis ang lahat ng bagay sa malilinis ang isipan, ngunit sa masasama at di nananampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinabubulaanan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam at suwail at di nararapat sa anumang mabuting gawain” (Tito 1:15-16). Sa pamamagitan ng kanilang masamang pamumuhay, ipinakikilala ng mga taong ito ang kanilang sarili. Hindi gaya ng mga taong tumalikod sa pananampalataya, ang tunay na mananampalataya ay iniligtas mula sa kasalanan at namumuhay ng may kabanalan kay Kristo. Tinanong ni Pablo ang mga Kristiyano kung magpapatuloy ba sila sa paggawa ng kasamaan pagkatapos nilang maranasan ang pagliligtas ni Kristo, “Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan kaya't hindi na tayo dapat mamuhay sa pagkakasala. Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan?” (Roma 6:1-2).

Ngunit ipinakikilala din ng kanilang maling doktrina hindi lamang ng kanilang buhay ang kalikasan ng mga taong tumalikod sa pananampalataya. Sinabi ni Apostol Pedro, “Noong una, lumitaw sa Israel ang mga bulaang propeta. Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila, kaya't biglang darating sa kanila ang kapahamakan” (2 Pedro2:1). Sa kabilang dako, ang tunay na mananampalataya ay tinawag mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan (Efeso 5:8) at dahil dito, hindi nila kailanman tatalikdan ang mga pangunahing katotohanan ng Kasulatan gaya ng ginawa ni Arius sa pagka Diyos ni Kristo.

Sa huli, ang tanda ng mga tumalikod sa pananampalataya ay ang pagtalikod sa Iglesya at paglaban sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos at sa Kanyang katwiran. Ipinahayag ni Apostol Juan na ito ay isang tanda ng isang huwad na mananampalataya: “Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin” (1 Juan 2:19).

Hahatulan ng Diyos ang mga maling katuruan
Ang katotohanan na hindi maliit na bagay ang maling katuruan para sa Diyos ay pinatutunayan ng bawat aklat sa Bagong Tipan maliban sa aklat ng Felimon. Halos lahat ng aklat ng Bagong Tipan ay naglalaman ng mga babala laban sa mga maling katuruan. Ito ay dahil tiyak na hahatulan ng Diyos ang maling katuruan at ang mga maling ideya ay may konsekwensya. Ang tamang katuruan ay nagbubunga ng kabutihan, habang ang maling katuruan ay nagbubunga ng maling gawa at nagreresulta sa kaparusahan. Bilang halimbawa, ang mga pagpatay sa mga Cambodians noong 1970’s ay produkto ng maling katuruan ni Jean Paul Sartre. Isinapuso at isinapamuhay ng lider ng Khmer Rouge na si Pol Pot ang pilosopiya ni Sartre patungkol sa mga tao sa isang malinaw at nakatatakot na pamamaraan na ipinahihiwatig sa ganitong pananalita: “Ang buhayin ka ay walang kabuluhan. Ang puksain ka ay hindi kawalan.”

Matatandaan na hindi dumating si Satanas sa hardin ng Eden na may dalang mga armas o makapangyarihang sandata; sa halip dumating siya na may isang ideya o katuruan. Ang katuruang ito ang dahilan sa pagsumpa ng Diyos sa sangkatauhan na ang tanging lunas ay ang kamatayan ng Anak ng Diyos.

Ang pinakamalaking trahedya ay alam man o hindi ng mga tao, dinadala ng mga tumalikod sa pananampalataya ang kanilang mga tagasunod sa isang sumpa. Ang isa sa mga nakakatakot na salita sa buong Kasulatan ay namutawi sa mga labi ng Panginoong Hesu Kristo. Habang nakikipagusap sa Kanyang mga alagad tungkol sa mga pinuno ng relihiyon ng panahong iyon sinabi ni Hesus, “Hayaan ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay; at kapag bulag ang umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” (Mateo 15:14). Ang talatang ito ay nakababahala dahil tinitiyak ng Paanginoong Hesus na hindi lamang ang mga bulaang guro ang mapapahamak kundi pati na rin ang kanilang mga tagasunod. Sinabi ni Soren Kierkegaard ang ganito: “Hindi pa napapabulaanan na ang isang hangal, kung siya ay maligaw, ay nagsasama ng iba pa sa kapahamakan,”

Konklusyon
Noong A.D. 325, idinaos ang konseho ng Nicea upang talakayin, una sa lahat ang isyu tungkol kay Arius at sa kanyang katuruan. Sa pagkadismaya ni Arius, ang resulta ay ang pagtatakwil sa kanya ng Iglesya at ang pahayag ng konseho na kinukumpirma ang pagka Diyos ni Kristo: “Sumasampalataya kami sa isang Diyos, ang makapangyarihang Ama, ang lumikha ng lahat ng bagay nakikita o hindi nakikita; at sa isang Panginoon, kay Hesu Kristo, ang Anak ng Diyos, ang bugtong ng Ama, na kapantay ng Ama sa pagkaDiyos; ang Diyos ng Diyos, Liwanag ng Liwanag, ang mismong Diyos ng mismong Diyos, na bugtong na Anak at hindi nilikha, at kapantay ng Ama.”

Namatay si Arius maraming siglo na ang nakalilipas, ngunit ang kanyang mga tagasunod ay kasama pa rin natin sa mga anyo ng kulto gaya ng Saksi ni Jehovah, Iglesia ni Cristo at ang iba pang grupo na tinatanggihan ang tunay na esensya at persona ni Hesu Kristo. Nakalulungkot na sa pagbabalik lamang ni Kristo magagapi ang lahat ng kaaway at ang mga masamang damong katulad nila ay laging kasama ng mga trigo (Mateo 13:24-30). Ang totoo, lalala pa ang pagtalikod sa pananampalataya sa mga huling araw habang nalalapit ang muling pagparito ni Kristo. “Maraming tatalikod sa kanilang pananampalataya at mapopoot sa isa't isa. Ipagkakanulo ng isa't isa ang kanyang kapwa” (Mateo24:10). Inulit ni Pablo ang mga pananalitang ito ni Hesus sa kanyang mga sulat. Sinabi ni Pablo sa mga taga Tesalonica na ang maramihang pagtalikod sa pananampalataya ay magaganap bago ang muling pagparito ni Hesu Kristo (2 Tesalonicas 2:3) at magkakaroon ng dakilang kapighatian at mga impostor na mangangaral: “Tandaan mo ito: mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw. Sila'y magkukunwang may pananampalataya ngunit hindi naman makikita sa buhay nila ang kapangyarihan nito” (2 Timoteo 3:1-2, 5).

Kaya napakahalaga sa panahon ngayon, higit kailanman, na ang bawat mananampalataya ay manalangin at magsikap na magkaroon ng kakayahang kumilala sa mga taong tumalikod sa pananampalataya at sa kanilang maling katuruan, at makipaglaban para sa pananamapalataya na minsang ipinagkaloob sa mga banal.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang apostasy at paano ko ito malalaman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries