settings icon
share icon
Tanong

Ano ang katotohanan?

Sagot


May dalawang libong taon na ang nakalipas, ang Katotohanan ay dumaan sa paglilitis at hinatulan ng mga tao na masugid na tagasunod ng kasinungalingan. Sa katunayan, ang Katotohanan ay humarap sa anim na paglilitis sa loob lamang ng kulang-kulang na isang araw, ang tatlo ay tungkol sa relihiyon at ang tatlo ay sa usaping legal. Pagkatapos, ilan sa mga taong sangkot sa paglilitis na ito ay narinig ang katanungang, “Ano ang katotohanan?”

Matapos hulihin, si Hesus, ang Katotohanan ay dinala sa lalaking nagngangalang Annas, isang sakim na punong saserdote ng mga Hudyo. Si Annas ay lumabag sa maraming batas ng mga Hudyo sa panahon ng paglilitis, kasama na rito ang pagsasagawa ng paglilitis sa kanyang bahay, paghihikayat sa nasasakdal upang idiin ang sarili at paghatol sa nasasakdal na hindi pa naman napapatunayang nagkasala. Pagkatapos litisin ni Annas, ang Katotohanan ay dinala sa punong saserdoteng si Caiaphas, na manugang ni Annas. Bago dalhin kay Caiaphas at sa Sanedrin, maraming bulaang saksi ang lumapit at nagsalita laban sa Katotohanan, gayon pa man walang napatunayan at walang nakitang ebidensya ng kamalian laban sa Katotohanan. Hindi bababa sa pitong batas ang nilabag ni Caiaphas habang sinusubukan niyang litisin ang Katotohanan: (1) ang paglilitis ay ginawa ng palihim; (2) ito ay isinagawa sa gabi; (3) may suhulang naganap; (4) walang kasamang tagapagtanggol ang nasasakdal; (5) hindi naabot ang hinihinging bilang na dalawa hanggang tatlong saksi; (6) nagimbento sila ng mga ebidensyang magagamit laban sa nasasakdal; at (7) ipinataw ang parusang kamatayan laban sa nasasakdal sa parehong araw. Lahat ng mga hakbang na ito ay ipinagbabawal sa batas ng mga Hudyo. Gayunman, idineklara pa rin ni Caiaphas na may sala ang Katotohanan, si Hesus dahil inaako Niya na siya ay Diyos na nagkatawang tao, isang pahayag na ayon kay Caiaphas ay isang pamumusong laban sa Diyos.

Kinaumagahan, naganap ang ikatlong paglilitis sa Katotohanan, kung saan ayon sa Sanedrin, Siya ay dapat mamatay. Ang konseho ng mga Hudyo ay walang legal na karapatan upang magpataw ng parusang kamatayan, kaya naman napilitan silang dalhin ang Katotohanan sa Romanong Gobernador ng panahong iyon na si Pontio Pilato. Itinalaga ni Tiberius si Pilato bilang panlimang punong gobernador ng Judea at naglingkod siya mula A.D. 26 hanggang A.D. 36. May kapangyarihan siyang magpataw ng parusang kamatayan at maaari niyang baliktarin ang parusang kamatayan na iginawad ng Sanedrin. Sa pagharap ng Katotohanan kay Pilato, marami pang kasinungalingan ang dinala laban sa Kanya. Sinabi ng kanyang mga kalaban na “Nasumpungan namin ang taong ito na pinasasama ang aming bansa, at ipinagbabawal na bumuwis kay Cesar, at sinasabi na siya rin nga ang Cristo, ang hari.” (Lucas 23:2). Ito ay kasinungalingan, sinabi ng Katotohanan sa lahat ng Hudyo na magbayad ng kanilang buwis (Mateo 22:21) at hindi Niya kailanman ipinakilala ang sarili bilang kalaban ni Caesar.

Pagkatapos nito, isang pag-uusap ang naganap sa pagitan ng Katotohanan at ni Pilato. Si Pilato nga'y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Hesus, at sa kaniya'y sinabi, ‘Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?’ Sumagot si Hesus, ‘Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin?’ Si Pilato ay sumagot, ‘Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin, anong ginawa mo?’ Sumagot si Hesus, ‘Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito, kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio, nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito.’ Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, ‘Ikaw nga baga'y hari?’ Sumagot si Hesus, ‘Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.’ Sinabi sa Kaniya ni Pilato, ‘Ano ang katotohanan?’(Juan 18:33–38).

Ang tanong ni Pilato, “Ano ang katotohanan?” ay umalingawngaw sa buong kasaysayan. Ito kaya ay isang malungkot na pagnanais ni Pilato na malaman kung ano ang hindi pa sinasabi sa kanya ng sinuman, isang mapangutyang paginsulto, o isang naiiritang tugon sa mga salita ni Hesus?

Sa makabagong panahon na inaayawan ang katotohanan na maaaring malaman, ang tanong ay mas mahalaga higit kailanman na sagutin. Ano ang katotohanan?

Mga Panukalang kahulugan ng Katotohanan

Sa pagpapakahulugan sa katotohanan, ang unang dapat isaalang-alang ay kung ano ang hindi katotohanan:

• Ang Katotohanan ay hindi kahit ano basta maganda ang resulta. Ito ay pilosopiya ng pragmatismo – ang resulta laban sa paraan. Sa realidad, ang kasinungalingan ay maaaring magmukhang ‘mabisa.’ ngunit ito ay mananatiling mali at hindi totoo.

•Ang Katotohanan ay hindi lamang kung ano ang magkakaugnay o naiintindihan. Ang isang grupo ng tao ay maaaring magsama-sama at bumuo ng isang pagsasabwatan batay sa hanay ng mga kasinungalingan kung saan sila ay nagkakaisa na sabihin ang pare-parehong maling salaysay, ngunit hindi pa rin ito batayan ng katotohanan.

• Ang Katotohanan ay hindi kung ano ang maganda sa pakiramdam ng tao. Sa kasamaang-palad, ang masamang balita ay maaaring maaaring maganda sa pakiramdam.

• Ang Katotohanan ay hindi kung ano ang sinasabi ng nakararami. Limampu’t isang porsyento ng lahat ng tao ay maaaring naniniwala sa maling palagay.

• Ang Katotohanan ay hindi kung ano ang komprehensibo. Ang isang mahaba at detalyadong presentasyon ay maaari pa ring magresulta sa isang maling palagay.

• Ang Katotohanan ay hindi ang tamang intensyon. Ang tamang hangarin ay maaaring ayon sa kamalian.

• Ang Katotohanan ay hindi kung paano nalalaman; ang katotohanan ay kung ano ang nalalaman.

• Ang Katotohanan ay hindi kung ano ang pinaniniwalaan. Ang kasinungalingan na pinaniniwalaan ay kasinungalingan pa rin.

• Ang Katotohanan ay hindi kung ano napatunayan sa publiko. Ang katotohanan ay maaaring malaman sa pribado (halimbawa, ang lokasyon ng nakabaong kayamanan).

Ang salitang Griyego para sa salitang ‘katotohanan’ ay ‘alētheia,’ na ang literal na kahulugan ay ‘huwag itago’ o ‘walang tinatago.’ Ipinababatid nito ang kaisipan na ang katotohanan ay laging nariyan, laging bukas at lantad upang malaman ng lahat, walang itinatago o ikinukubli. Ang salitang Hebreo para sa ‘katotohanan’ ay ‘emeth,’ na nangangahulugang ‘katibayan,’ ‘katatagan,’ at ‘katagalan.’ Ang mga ito ay nagpapahiwatig sa isang walang hanggang sustansya at bagay na maaaring asahan.

Mula sa pilosopikal na pananaw, may tatlong simpleng paraan upang matukoy ang katotohanan.

1. Ang katotohanan ay kung ano ang naaayon sa realidad.

2. Ang katotohanan ay kung ano ang tumutugma sa layunin.

3. Ang katotohanan ay pagsasabi lamang ng kung ano ito.

Una, ang katotohanan ay umaayon sa realidad. Ito ay totoo. Ang katotohanan ay umaayon din sa kalikasan. Sa madaling salita, ito ay akma sa layunin at kilala sa tawag nito. Halimbawa, isang guro sa harap ng klase ang nagsabi, “Ngayon ang tanging labasan sa silid na ito ay ang pinto sa kanan.” Para sa klase na nakaharap sa kanilang guro, ang labasan ay nasa kanilang kaliwa, ngunit totoo na ang pintuan na iyon, para sa guro ay nasa gawing kanan.

Ang katotohanan ay tumutugma sa kanyang layunin. Maaaring ganap na totoo na kailangan ng isang tao ang maraming miligramo ng isang gamot, ngunit ang ibang tao ay maaaring kailangan ng mas marami o mas kaunting miligramo ng parehong gamot upang magkaroon ng parehong ninanais na epekto. Ito ay isang halimbawa kung paanong ang katotohanan ay tugma sa kanyang layunin. Maaari itong mali (at mapanganib) para sa isang pasyente na humingi sa kaniyang doktor ng hindi akmang dami ng partikular na gamot, o magsabi na kahit anong gamot para sa isang partikular na sakit ay pwede na.

Sa madaling salita, ang katotohanan ay pagsasabi kung ano lamang ito; ito talaga ang totoo, at anumang pananaw maliban dito ay mali. Ang prinsipyong batayan ng pilosopiya ay maihiwalay ang tama sa mali, o tulad ng sinabi ni Thomas Aquinas, “Tungkulin ng isang pilosopo na malaman ang kaibahan.”

Mga Hamon sa Katotohanan

Ang mga salita ni Aquinas ay hindi na gaanong popular sa ngayon. Ang pagtuklas sa kaibahan ay tila ba laos na sa makabagong panahon ng relatibismo. Tanggap na ngayon na magsabi ng, “Ito ay totoo.” hanggat ito ay hindi sinusundan ng, “samakatwid ang iba ay mali.” Ito ay kapansin-pansin lalo na pagdating sa pananampalataya at relihiyon kung saan maraming katuruan ang dapat na magkakatulad kung saan nakataya ang katotohanan.

May mga pilosopiya at pananaw na humahamon sa konsepto ng katotohanan, gayunman, kung masusing pag-aaralan ito ng bawat isa, lalabas na likas na sumasalungat sila isa’t isa.

Ang pilosopiya ng relatibismo ay nagsasabi na lahat ng katotohanan ay magkaka-ugnay at walang tinatawag na isang ganap na katotohanan. Ngunit ang tanong: ang pahayag na “lahat ng katotohanan ay magkakaugnay” ay medyo totoo ba o talagang totoo? Kung ito ay medyo totoo lang, samakatwid ito ay walang kabuluhan; paano natin malalaman kung kailan at saan ito maaaring gamitin? Kung ito ay tiyak na totoo, tunay nga na mayroong tiyak na totoo. Bukod dito, dinadaya ng mga naniniwala sa relatibismo ang kanila mismong posisyon sa pagsasabing mali ang posisyon ng mga naniniwala na may tiyak na totoo - bakit hindi maaaring maging tama ang mga nagsasabi na mayroong tiyak na totoo? Sa pagsasabi na ‘walang totoo,’ hinihikayat ka nila na huwag maniwala sa kanila, at ang pinakamainam na gawin ay sundin ang kanilang payo.

Ang mga sumunod sa pilosopiya ng pagdududa sa katotohanan ay pag-aalinlangan sa lahat ng katotohanan. Subalit ang taong nagdududa ba ay nagdududa sa pagdududa; o kanya bang pinagdududahan ang kanyang sariling pananaw sa katotohanan? Kung oo, bakit pa bibigyang pansin ang pagdududa? Kung hindi, nakasisiguro tayo sa isang bagay (sa ibang salita, ang tiyak na totoo ay umiiral) – ang pagdududa, sa kabaliktaran ay tiyak na totoo sa kasong ito. Sinasabi ng mga agnostiko na hindi maaaring malaman ang katotohanan. Sa kabilang banda, ang ideyang ito ay pagkontra sa sarili dahil ito ay nagpapahayag ng ‘katotohanan’ na hindi maaaring malaman ang katotohanan.

Ang mga tagasunod ng mga makabagong pilosopiyang ito ay umaayon lamang sa pananaw na walang iisang ganap na katotohanan. Ang tagapagtaguyod ng ‘postmodernism’ na si Frederick Nietzsche ay inilarawan ng ganito ang katotohanan: “Ano ngayon ang katotohanan? Ito ay ilusyon lamang, ang mga barya na napawi na ang larawan ay hindi na itinuturing na barya kundi pangkaraniwang metal na lamang.” Sa kabaliktaran, bagama’t sinasabi niya na ang barya sa kanyang kamay ngayon “ay pawang metal na lamang” kanyang pinagtibay ang isang tiyak na katotohanan: ang katotohanan na walang katotohanan ang dapat panindigan. Tulad ng ibang mga pilosopiya at pananaw, ang “postmodernism” ay sumasalungat sa sariling ideya at hindi kayang tindigan ang sariling pahayag.

Isa pang kilalang pananaw ay ang pluralismo na nagsasabing lahat ng nag-aangkin ng katotohanan ay pare-parehong katanggap-tanggap. Ito ay imposible. Maaari bang ang dalawang pahayag – isang nagsasabi na ang babae ay buntis at ang isa ay nagsasabing hindi buntis – ay parehong totoo? Ang pluralismo ay sasalungat sa batas ng hindi pagkakasalungatan, na nagsasabing hindi maaaring pareho ang “A” at “hindi A” sa parehong pagkakataon. Panunuya nga ng isang pilosopo, sinuman na naniniwala na hindi totoo ang batas ng hindi pagkakasalungatan (samakatwid, totoo ang pluralismo) ay dapat na bugbugin at sunugin hanggang kanilang aminin na ang pagkabugbug at pagkasunog ay hindi kapareho ng hindi mabugbog at masunog. Isa pa, ating isaalang-alang na ang pluralismo ay nagsasabi na ito ang totoo at anumang salungat dito ay mali, dahil dito malinaw na tinatanggihan nila ang kanilang sariling pangunahing doktrina na walang paniniwala ang totoo.

Ang espiritu sa likod ng pluralismo ay ang bukas palad na pagkunsinti sa kamalian. Gayunman, nililito ng pluralismo ang ideya na ang bawat tao ay may pantay na halaga at ang bawat inaakalang katotohanan ay totoong lahat. Maaari ngang ang lahat ng tao ay may magkakapantay na halaga, ngunit hindi ang katotohanan. Nabigo ang pluralismo na maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng opinyon at katotohanan, isang distinksyon na ayon kay Mortimer ay: “Ang pluralismo ay kaakit-akit at maaaring tanggapin sa mga bagay tungkol sa panlasa ngunit hindi sa mga bagay tungkol sa katotohanan.”

Ang nakakasakit na kalikasan ng Katotohanan

Kapag sinisiraan ang konsepto ng katotohanan, ito ay dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

Ang isang karaniwang reklamo laban sa kaninumang nagaangkin ng katotohanan sa mga bagay tungkol sa relihiyon at pananampalataya ay ang akusasyon ng pagiging “makitid ang pagiisip.” Gayuman, nabigong maunawaan ng mga kritiko, na sa kalikasan, makitid talaga ang katotohanan. Makitid ba ang pagiisip ng isang guro dahil sa paniniwala na ang dalawa kapag dinagdagan ng dalawa ay apat (2+2=4)?

Ang isa pang pagtutol sa katotohanan ay kayabangan ang magangkin na ang isang tao ay tama at ang isang tao ay mali. Gayunman, kung babalikan ang halimbawa sa itaas tungkol sa Matematika, kayabangan ba para sa isang guro na ipagpilitan na may iisa lamang sagot sa dalawa dagdagan ng dalawa? O kayabangan ba para sa isang panday-susi na sabihin na iisang susi lamang ang makakapagbukas ng saradong pinto?

Ang pangatlong bintang laban sa mga nanghahawak sa isang ganap na katotohanan tungkol sa mga bagay na panrelihiyon at pananampalataya ay nagtutulak ito diumano sa tao papalayo sa halip na papalapit sa katotohanan. Ngunit ang ganitong reklamo ay bunga ng kabiguang maunawaan na ang katotohanan sa kalikasan nito ay talagang itinutulak palayo ang kasinungalingan. Ang lahat ng sagot sa dalawa dagdagan ng dalawa maliban sa apat ay kailangang itulak palayo.

Ang isa pang bintang laban sa katotohanan ay nakakasakit ito at lumilikha ng pagkakampi-kampi. Sa halip na pahalagahan ang katotohanan ayon sa mga kritiko, ang higit na mahalaga ay ang sinseridad. Ang problema sa posisyong ito ay hindi naaapektuhan ng sinseridad, pagnanais at paniniwala ng tao ang katotohanan. Hindi mahalaga kung gaano katapat ang isang tao sa kanyang maling paniniwala na ang isang maling susi ay makakapagbukas ng saradong pinto; hindi pa rin mabubuksan ang pinto gaano man katapat ang paniniwala ng nagbubukas niyon kung mali ang susing ginagamit. Hindi rin naaapektuhan ng kawalang katapatan ang katotohanan. Kung iinom ang isang tao ng isang bote ng lason at maniwala siya ng buong katapatan na iyon ay lemonada, daranasin pa rin niya ang masamang epekto ng lason sa kanyang katawan. Sa huli, ang katotohanan ay hindi maaapektuhan ng kagustuhan ng tao. Maaaring gustuhin ng isang tao na hindi maubusan ng gasolina ang kanyang kotse, ngunit kung wala na talagang lamang gasolina ang tangke, hindi na tatakbo ang kanyang kotse kahit gustuhin pa niya itong tumakbo. Ang anumang kagustuhan sa mundo ay hindi makakapigil sa paghinto ng kotse.

May ilang umaamin na mayroon talagang isang ganap na katotohanan, ngunit inaangkin na ang ganitong posisiyon ay totoo lamang sa siyensya hindi sa mga bagay tungkol sa pananampalataya at relihiyon. Ang pilosopiyang ito ay tinatawag na “logical positivism” at ginawang popular ng mga pilosopong gaya nina David Hume at A. J. Ayer. Sa esensya, ang ganitong mga tao ay nagsasabi na ang katotohanan ay maaaring “tautologies” (halimbawa: ang lahat ng binata ay walang asawa o maaaring mapatunayan sa pamamagitan ng obserbasyon sa pamamagitan ng siyensya). Para sa isang logical positivist, walang kuwenta ang lahat ng bagay tungkol sa Diyos.

Ang mga naniniwala na tanging ang siyensya lamang ang maaaring magangkin ng iisang ganap na katotohanan ay nabigong kilalanin na maraming lugar ng katotohanan na walang silbi ang siyensya. Halimbawa:

• Hindi mapapatunayan ng siyensya ang disiplina ng lohika at matematika dahil ito ang nagpapakahulugan sa siyensya.

• Hindi kayang patunayan ng siyensya ang mga katotohanag metapisikal gaya ng pagkakaroon ng karunungan na hindi nagmula sa tao.

• Hindi kaya ng siyensya na magbigay ng katotohanan tungkol sa moralidad at etika. Hindi magagamit ang siyensya, halimbawa, na patunayan na masama ang mga Nazi.

• Walang kakayahan ang siyensya na magsabi ng katotohanan tungkol sa kagandahan (aesthetics) gaya ng kagandahan ng pagsikat ng araw.

• Panghuli, kung magpapahayag ang sinuman na, “ang siyensya ang tanging pinanggagalingan ng katotohanan,” gumawa lamang siya ng isang pilosopiya – na hindi kayang patunayan ng siyensya.

Mayroon ding mga tao na nagsasabi na hindi maaring ilapat ang katotohanan sa moralidad. Ngunit ang sagot sa tanong na “moral bang masasabi ang magpahirap at pumatay ng isang inosenteng bata?” ay iisa at pangkalahatan. Ang sagot sa tanong ay, “hindi” o kung gagawin itong mas personal, ang mga taong naniniwala na ang katotohanan ay relatibo o nababago sa mga bagay tungkol sa moralidad ay laging nagnanais na maging tapat sa kanila ang kanilang asawa.

Bakit mahalaga ang katotohanan?

Bakit mahalaga na maunawaan at yakapin ang konsepto ng iisang ganap na katotohanan sa lahat ng lugar sa ating buhay (kasama ang pananampalataya at relihiyon)? Ito ay simpleng dahil ang pamumuhay sa kasinungalingan at kamalian ay may kabayaran. Ang pagbibigay sa isang tao ng maling reseta ay maaring pumatay sa kanila; ang pagkakaroon ng maling pinansyal na tagapayo ay magpapahirap sa iyong pamilya; ang pagsakay sa maling eroplano ay magdadala sa iyo sa isang lugar na hindi mo nais puntahan; at ang pakikisama sa isang hindi tapat na asawa ay sisira sa iyong pamilya at maaaring magdulot sa iyo ng nakamamatay na sakit.

Gaya ng sinabi ng isang Kristiyanong apologist na si Ravi Zacharias, “Ang katotohanan ay napakahalaga – lalo na kung ikaw ay nasa kasinungalingan.” At wala ng hahalaga pa sa katotohanan ng mga bagay tungkol sa pananampalataya at relihiyon. “Ang walang hanggan ay napakahabang panahon ng paghihirap dahil sa pagiging mali.”

Diyos at Katotohanan

Sa anim na paglilitis kay Hesus, ang pagkakaiba sa katotohanan (katwiran) at kasinungalingan (kasamaan) ay hindi mapapasubalian. Nakatayo noon si Hesus, ang Katotohanan na hinuhukuman ng mga taong ang mismong ginagawa ay ayon sa kasinungalingan. Sinalungat ng mga pinunong Hudyo ang halos lahat ng batas upang protektahan ang isang akusado mula sa maling paghatol. Matiyaga silang naghanap ng saksi na magdidiin kay Hesus at sa kanilang kabiguang makahanap nito, gumamit sila ng mga huwad na ebidensya mula sa mga taong sinungaling. Ngunit kahit na ito ay hindi nakatulong sa kanila upang makamit ang kanilang kagustuhan. Kaya sinalungat nila muli ang isa pang batas at pinuwersa ang Panginoong Hesus na idiin ang Kanyang sarili.

Habang nasa harapan ni Pilato, muling nagsinungaling ang mga pinunong Hudyo. Pinaratangan nila si Hesus ng pamumusong, ngunit dahil alam nilang hindi nila mapipilit si Pilato na ipapatay si Hesus, sinabi nila na lumalaban sa Hesus sa emperador ng Roma at sumusuway sa mga batas ng mga Romano sa pamamagitan ng pagsusulsol sa mga tao na huwag magbayad ng buwis. Madaling nakita ni Pilato ang kanilang panglalansi kaya’t hindi niya pinatulan ang kanilang akusasyon.

Si Hesus, ang Makatuwiran ay hinukuman ng mga makasalanan. Ang nakalulungkot na katotohanan ay laging inuusig ng mga makasalanan ang mga matuwid. Ito ang dahilan kung bakit pinatay ni Cain si Abel. Ang kaugnayan sa pagitan ng katotohanan at katwiran at kasinungalingan at kasamaan ay ipinakitang malinaw sa ilang mga talata sa Bagong Tipan:

• “Lilitaw ang Suwail na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng himala at nakalilinlang na tanda at kababalaghan. At gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak-mga taong maliligtas sana kung kanilang tinanggap at inibig ang katotohanan” (2 Tesalonica 2:9 –12, dinagdagan ng diin).

• “Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong sumisiil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan” (Roma 1:18, dinagdagan ng diin).

• “Sapagkat siya ang gaganti sa lahat ng tao ayon sa kanilang gawa. Ang mga nagpapatuloy ng paggawa ng mabuti sa paghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Datapwat matinding galit at poot ang babagsak sa mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kalikuan” (Roma 2:6–8, dinagdagan ng diin).

• “hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan” (1 Corinto 13:5–6, dinagdagan ng diin).

Konklusyon

Ang tanong ni Pilato, maraming siglo na ang nakalipas ay dapat isaayos upang mas lalong maging malinaw. Ang tanong ni Pilato ay “Ano ang Katotohanan?” Ang katanungang ito ay nagpapahiwatig na hindi maaaring marami ang katotohanan kundi may isa lamang aktwal na katotohanan. Ang katotohanan ay may pinanggagalingan.

Ang realidad ay nakaharap mismo si Pilato sa pinangagalingan ng lahat ng Katotohanan noong umagang iyon mahigit na dalawang libong taon na ang nakalilipas. Bago hulihin si Hesus at dalhin kay Pilato, sinabi ni Hesus ang isang simpleng pahayag “Ako ang Katotohanan” (Juan 14:6), na isang kahangahangang pahayag. Paanong mangyayari na isang tao mismo ang katotohanan? Hindi maaaring Siya ang katotohanan malibang higit pa siya sa isang karaniwang tao, na kanya mismong inaangkin. Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang mga inaangkin tungkol sa Kanyang sarili ng mabuhay siyang mag-uli mula sa mga patay (Roma 1:4).

May isang kuwento tungkol sa isang lalaki na naninirahan sa Paris na nakipagtagpo sa isang estranghero mula sa probinsya. Dahil gusto niyang ipakita sa estranghero ang kagandahan ng Paris, dinala niya ito sa Luvre upang makita ang mga dakilang sining doon. Pagkatapos, pumunta sila sa isang konsyerto upang mapakinggan ang isang orchestra. Pagkatapos ng buong maghapon, sinabi ng estranghero na hindi niya nagustuhan ang Kanyang nakitang sining at narinig na musika. Sinabi ng lalaki sa estranghero, “ikaw ang nililitis dito hindi ang mga bagay na iyong nakita at narinig.” Inisip ng mga pinunong Hudyo at ni Pilato na hinuhukuman nila si Hesus, ngunit sa totoo sila ang hinuhukuman ni Hesus. Bukod pa rito, isang araw, ang kanilang hinukuman ang magsisilbing Hukom ng lahat ng tao, at parurusahan Niya ang lahat ng sumisikil sa katotohanan.

Malinaw na hindi nalaman ni Pilato ang katotohanan. Itinala ni Eusebius, isang mananalaysay at Obispo sa Caesaria na nagpakamatay si Pilato habang nakaupong Emperador ng Roma si Caligula – isang malungkot na wakas at paalala para sa lahat na ang pagtanggi sa katotohanan ay magbubunga ng hindi kaaya-ayang kawakasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang katotohanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries