settings icon
share icon
Tanong

Bakit hindi pinagagaling ng Diyos ang mga taong putol ang paa o kamay?

Sagot


May ilan na ginagamit ang tanong na ito sa pagtatangka na “pabulaanan” ang pagkakaroon ng Diyos. Sa katotohanan, may isang popular na website na lumalaban sa Kristiyanismo na may argumento na “bakit hindi pinagagaling ng Diyos ang mga naputulan ng paa at kamay?” (http://www.whywontgodhealamputees.com). Kung ganap ang kapangyarihan ng Diyos at kung ipinangako ni Hesus na ibibigay ang lahat ng ating hinihiling (ganito ang kanilang pangangatwiran), bakit hindi pinagagaling ng Diyos ang mga naputulan ng bahagi ng katawan kung ipinapanalangin natin sila? Bakit pinagagaling ng Diyos ang mga biktima ng kanser o diabetes halimbawa, ngunit hindi Niya kayang patubuin ang mga naputol na bahagi ng katawan ng tao? Ang katotohanan na nananatiling putol ang bahagi ng katawan ng mga taong naputulan ng kamay o paa ay isang “ebidensya” para sa ilan na wala talagang Diyos, walang kabuluhan ang panalangin, at ang mga sinasabing himala ng kagalingan ay mga nagkataon lamang at ang relihiyon ay isa lamang kathang isip.

Ang argumentong ito ay ipiniprisinta sa isang maingat ay maayos na paraan, habang ginagamitan ng mga talata sa Bibliya upang magmukhang mas kapani-paniwala. Gayunman, ito ay isang argumento na nakabase sa isang maling pananaw sa Diyos at sa maling pagkaunawa sa Kasulatan. Ang linya ng pangangatwiran ay nakasentro sa argumento ng hindi pagpapagaling sa mga naputulan ng bahagi ng katawan at gumagamit ng may pitong (7) maling pagpapalagay:

Unang maling palagay: Hindi kailanman nagpagaling ang Diyos ng isang taong naputulan ng bahagi ng katawan. Sino ang makapagsasabi na sa kasaysayan ng mundo ay hindi kailanman nagpatubo ang Diyos ng isang naputol na bahagi ng katawan? Ang sabihin na, “wala akong nakitang ebidensya na tumubo ang naputol na bahagi ng katawan kaya, walang naputulan ng kamay o paa na pinagaling ang Diyos sa kasaysayan ng mundo” ay katulad sa pagsasabi na “wala akong katibayan na ang mga kuneho ay nakatira sa aking bakuran; kaya , walang kuneho ang tumira sa aking bakuran sa kasaysayan ng mundo.” Ito ay isang konklusyon na simpleng hindi mapapatunayan. Bukod dito, may tala tayo sa kasaysayan na nagpagaling si Hesus ng mga ketongin, ang ilan ay maipapalagay na naputulan na ng bahagi ng katawan o daliri o kaya naman ay naaagnas na ang muka. Sa bawat pagpapagaling sa mga ketongin, ang mga ketongin ay bumabalik sa dati nilang hitsura (Markos 1:40-42; Lukas 17:12-14). Ganito rin ang nangyari sa isang taong patay ang isang kamay (Mateo 12:9-13), at sa pagdudugtong ni Hesus sa naputol na tainga ni Malko (Lukas 22:50-51), bukod pa ang pagbuhay ni Hesus sa mga patay (Mateo 11:5; Juan 11), na hindi maikakailang mas mahirap gawin kaysa sa pagpapagaling sa isang taong naputulan ng isang bahagi ng katawan.

Ikalawang maling palagay: Kung totoong ang Diyos ay pag-ibig, dapat na pagalingin Niya ang lahat ng maysakit. Ang mga sakit, pagdurusa at karamdaman ay bunga ng pamumuhay ng tao sa isang mundo na sinumpa ng Diyos – na isinumpa dahil sa ating kasalanan (Genesis 3:16-19; Roma 8:20-22). Itinulak ang Diyos ng Kanyang pag-ibig at kabutihan upang magkaloob ng Tagapagligtas upang tubusin tayo sa Kanyang sumpa (1 Juan 4:9-10), ngunit ang ganap na katubusan ay hindi magaganap hanggang hindi tinutuldukan ng Diyos ang kasalanan ng mundo. Hangga’t hindi dumarating ang panahong iyon, magkakasakit, maghihirap at daranas ng karamdaman at kamatayan ang lahat ng taong nabubuhay sa mundo.

Kung ang pag-ibig ng Diyos ang dahilan upang Kanyang pagalingin ang lahat ng sakit, wala ng mamamatay – dahil ang pag-ibig ng Diyos ang magpapanatili sa lahat ng tao sa perpektong kalusugan. Ang kahulugan ng pag-ibig sa Bibliya ay “pagpapakasakit sa paghahanap ng pinakamabuti para sa minamahal.” Hindi laging kagalingan sa karamdaman ang pinakamabuti para sa atin. Idinalangin ni Apostol Pablo na alisin sa Kanya ng Diyos ang kanyang “tinik sa laman,” ngunit ang sagot sa kanya ng Diyos ay “hindi,” dahil nais ng Diyos na maunawaan ni Pablo na hindi niya kailangang gumaling sa kanyang karamdaman upang maranasan ang biyaya ng pagpapanatili ng Diyos. Sa pamamagitan ng karamdamang ito, lumago si Pablo sa kapakumbabaan at sa kanyang pangunawa sa kahabagan at kapangyarihan ng Diyos (1Corinto 12:7-10).

Ang patotoo ni Joni Eareckson Tada ay isang makabagong halimbawa kung ano ang kayang gawin ng Diyos sa pamamagitan ng karamdamang pisikal. Noong tinedyer pa lamang si Joni, tumama ang ulo niya sa isa sahig ng swimming pool at dahil doon naparalisa ang kanyang buong katawan mula leeg hanggang paa. Sa kanyang aklat na “Joni” ikinuwento niya kung paano siya nagpagamot ng maraming beses sa mga faith healers gaya ni Benny Hinn o makabagong mga albularyo at nanalangin ng buong taimtim ngunit hindi siya gumaling. Sa huli, natanggap niya na ang kanyang karamdaman ay kalooban ng Diyos at kanyang isinulat, “habang pinagiisipan ko ang aking kalagayan, mas lalo akong nakumbinsi na hindi kalooban ng Diyos na gumaling ang lahat ng tao. Ginagamit Niya ang ating mga problema para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa ating ikabubuti” (Joni, pahina 190).

Ikaltlong maling palagay: Gumagawa pa rin ng himala ang Diyos sa panahon ngayon gaya ng ginawa Niya sa nakalipas. Sa libu-libong taon ng kasaysayan na nasasakop ng Bibliya, makikita natin ang ilang maiiksing yugto ng kasaysayan kung kailan gumawa ang Diyos ng mga himala (panahon ng Exodo, panahon nina propeta Elias at Eliseo, panahon ng pagmiministeryo ni Hesus, at panahon ng mga apostol). Habang totoong naganap ang mga himala sa buong Bibliya, sa apat na yugto lamang ng kasaysayang nabanggit naging pangkaraniwan ang mga himala.

Nagtapos ang panahon ng mga apostol sa pagkasulat ng aklat ng Pahayag at sa kamatayan ni Apostol Juan. Nangangahulugan na muli, sa panahon ngayon, bihira na lamang ang mga himala. Ang alinmang grupo na nagaangkin na pinangungunahan sila ng mga bagong apostol o nagaangkin na nagtataglay sila ng kakayahan na makagawa ng mga “pagpapagaling” na hindi napapatunayan ay isang panloloko sa mga tao. Pinaglalaruan ng mga “faith healer” o mga mangangaral na tila albularyo ang emosyon ng mga tao at ginagamit ang kapangyarihan ng ‘suggestion’ upang makapagpagaling ng walang ebidensya. Hindi ito nangangahulugan na hindi na nagpapagaling ang Diyos ng mga sakit sa panahon ngayon – naniniwala kami na ginagawa pa rin Niya ito sa kasalukuyan – ngunit hindi sa paraang gaya ng inaangkin ng mga bulaang mangangaral ngayon.

Balikan nating muli ang kuwento ni Joni Eareckson Tada na sumangguni sa mga albularyong mangangaral sa loob ng ilang panahon. Sa paksa tungkol sa ‘mga tanda at kababalaghan’ sa panahon ngayon kanyang sinabi, “Ang pakikitungo ng Diyos sa ating kultura at panahon ngayon ay base sa Kanyang Salita sa halip na sa ‘mga tanda at kababalaghan’” (Joni, pahina 190). Ang Kanyang biyaya ay sapat at ang Kanyang Salita ay tiyak.

Ikaapat na maling palagay: Ang Diyos ay nakatali sa sagot na “oo’ sa anumang panalangin na idinalangin ng may pananampalataya. Sinabi ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko” (Juan 14:12-14). May ilan na ipinapaliwanag ang sitas na ito na sasagutin ni Hesus ang lahat ng ating kahilingan sa panalangin. Ngunit ito ay maling pangunawa sa ibig sabihin ni Hesus. Una, pansinin natin na nakikipagusap dito si Hesus sa Kanyang mga apostol at ang pangako ay para sa kanila. Pagkatapos na umakyat sa langit ni Hesus. Binigyan Niya ang mga apostol ng kakayahan na gumawa ng mga himala habang ipinangangaral nila ang Ebanghelyo (Gawa 5:12). Ikalawa, dawalang beses na binanggit ni Hesus sa talatang ito ang pariralang “sa Aking pangalan.” Ipinahihiwatig nito ang basehan ng panalangin ng mga apostol at nangangahulugan ito na ang anumang ating idadalangin at dapat na naaayon sa kalooban ni Hesus. Halimbawa ang isang makasaarling panalangin o isang panalangin na bunsod ng kasakiman, ay hindi maaaring idalangin sa pangalan ni Hesus.

Humihiling tayo sa Diyos sa pananampalataya, ngunit ito ay nangangahulugan na kailangan nating magtiwala sa Diyos. Pinagtitiwalaan natin na gagawin Niya ang pinakamabuti para sa atin. Kung isasa alang-alang natin ang katuruan ng Bibliya tungkol sa panalangin, malalaman natin na ang Diyos ang nasusunod sa ating mga dalangin o maaari Niya tayong sorpresahin sa isang kasagutan na mas maganda pa kaysa sa ating inaasahan. Sa Kanyang karunungan, lagi Niyang ginagawa ang pinakamaganda para sa atin (Roma 8:28).

Ikalimang maling palagay: Hindi matutumbasan ng pagpapagaling ng Diyos sa hinaharap (sa muling pagkabuhay) ang kasalukuyang pagdurusa sa mundo. Ngunit ang katotohanan ay “ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag na kaluwalhatiang sasaatin” (Roma 8:18). Kung maputulan ng isang paa o kamay ang isang mananampalataya, ipinangako ng Diyos na bibigyan siya ng kumpletong katawan sa muling pagkabuhay at ang pananampalataya ay “pagtitiwala na mangyayari ang mga inaasahan natin at paniniwala sa mga bagay na di natin nakikita” (Hebreo 11:1). Sinabi ni Hesus, “Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay o paa kaysa may dalawang kamay o dalawang paa kang itapon sa impiyerno” (Mateo18:8). Tinitiyak ng Kanyang mga salita na hindi mas mahalaga ang pisikal na kundisyon sa mundo kaysa sa walang hanggang kalagayan sa langit. Ang mabuhay sa lupa ng hindi kumpleto ang katawan (pagkatapos ay buhaying muli ng kumpleto ang katawan sa maluwalhating kalagayan) ay di hamak na higt kaysa sa pumunta sa impiyerno ng buo ang katawan (upang maghirap ng walang hanggan).

Ika-anim na maling palagay: Ang plano ng Diyos ay nakasalalay sa pagsang-ayon ng tao. Ang isa sa katwiran ng mga gumagamit sa argumentong ito ay hindi parehas ang Diyos para sa mga hindi kumpleto ang bahagi ng katawan. Ngunit ayon sa Bibliya, ang Diyos ay ganap na makatarungan (Awit11:7; 2 Tesalonica 1:5-6) at sa Kanyang walang hanggang kapamahalaan, hindi Siya nananagot kahit kanino (Roma 9:20-21). Ang tunay na mananampalataya ay nagtitiwala sa kabutihan ng Diyos kahit sa gitna ng mahihirap na sitwasyon at pagdurusa na hindi kayang ipaliwanag ng tao.

Ikapitong maling palagay: Wala naman talagang Diyos. Ito ang nasa kaibuturan ng argumento na kung totoong may Diyos bakit hindi Niya pinagagaling ang mga taong putol ang paa o kamay? Ang mga taong nagtataguyod ng ganitong argumento ay naguumpisa sa pagpapalagay na walang Diyos at pagkatapos ay susuportahan ang argumentong ito sa abot ng kanilang makakaya. Para sa kanila, ang relihiyon ay isa lamang alamat at ginagamit nila ng mga lohika upang patunayan ito na sa totoo ay sumasalungat sa kanilang argumento.

Sa isang banda, ang tanong na “Bakit hindi pinagagaling ng Diyos ang mga taong naputulan ng paa o kamay” ay isang mapanlansing tanong na maikukumpara sa tanong na “kaya bang gumawa ng Diyos ng isang bato na hindi Niya kayang buhatin?” at dinisenyo upang hindi maghanap ng katotohanan kundi upang pasinungalingan ang pananampalataya. Ang maiksing sagot sa katanungang ito ay gaya nito: “kaya ng Diyos na pagalingin ang mga taong hindi kumpleto ang bahagi ng katawan na nagtitiwala kay Kristo bilang kanilang Tagapagligtas. Ang kagalingan ay darating, hindi sa panahong gusto natin, kundi sa panahong itinakda ng Diyos, maaaring hindi sa buhay na ito, kundi sa langit. Bago dumating ang panahong iyon, lumalakad tayo sa pananampalataya at nagtitiwala sa Diyos na tumubos sa atin sa papamamagitan ni Kristo na ipinangako ang pagbuhay na muli sa ating katawan.”

Isang personal na patotoo:
Ang aming panganay na anak ay isinilang na kulang ang mga buto sa ibabang bahagi ng kanyang binti at may dalawang daliri lamang ang kanyang mga paa. Dalawang araw pagkatapos ng kanyang unang kaarawan, pinutol na ang kanyang dalawang binti. Ngayon, iniisip namin na magampon ng isang bata mula sa China na napipintong putulan din ng paa dahil sa kaparehong kalagayan ng aming panganay na anak. Nadarama ko na pinili ako ng Diyos upang maging espesyal na ina sa mga espesyal na batang ito, at wala akong ideya hanggang sa makita ko na ginagamit ng mga tao ang katanungang “bakit hindi pinagagaling ng Diyos ang mga taong hindi kumpleto ang mga bahagi ng katawan” upang pagdudahan ang pagkakaroon ng Diyos. Bilang ina ng isang batang walang mga paa at magiging ina ng isang bata na may mapuputol ding mga paa, hindi ko naisip kailanman na walang Diyos at hindi Siya nagmamahal sa mga tulad nila. Sa halip, nakikita ko na tinatawag ako ng Diyos upang maging isang ina ng mga espesyal na batang ito upang turuan ang iba tungkol sa pagpapala ng Diyos sa kabila ng kanilang kapansanan. Tinatawag din Niya ako na bigyan ang mga batang ito ng pagkakataon na maidagdag sa aming pamilyang Kristiyano na magtuturo sa kanila na mahalin ang Panginoon sa kanilang espesyal na kaparaanan at upang kanilang maunawaan na kaya nilang mapagtagumpayan ang lahat sa pamamagitan ni Kristo. Maaaring para sa iba ito ay isang katitisuran. Ngunit para sa amin ito ay isang hamon at pagtuturo sa amin ng Diyos. Pinasasalamatan din namin ang Diyos sa pagbibigay Niya sa amin ng isang tao na may kaalaman na gawin ang mga kinakailangang operasyon at gumawa ng mga prostheses upang matulungan ang aking anak at ang aking isa pang magiging anak na makalakad, makatakbo, makatalon at mabuhay na niluluwalhati ang Diyos sa lahat ng bagay. “Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti” (Roma 8:28).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit hindi pinagagaling ng Diyos ang mga taong putol ang paa o kamay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries