settings icon
share icon
Tanong

Ang kamangmangan ba ay isang sapat na dahilan para magkasala?

Sagot


Kung sasabihin natin na "pasensya" na dahil sa ating kamangmangan sa Diyos ay kukunsitihin Niya ang ating mga kamalian, walang sapat na dahilan para magkasala. Ang kasalanan ay anumang pag-iisip, salita, o gawa na ginawa ng tao na salungat sa kabanalan ng Diyos. Noong unang likhain sina Adan at Eva, wala silang ginawang salungat sa kabanalan ng Diyos (Genesis 1:27–31). Sila ay nilikha sa isang perpektong kalagayan at nanatiling walang kapintasan hanggang sa sila ay sumuko sa tukso (Genesis 3:6–7). Maaaring ipangatuwiran na, dahil hindi pa sila nakakita ng kamatayan, sila ay ignorante tungkol sa kalubhaan ng konsekwensya ng kasalanan. Ngunit hindi iyon ang naging dahilan ng kanilang kasalanan.

Nang ibigay ng Diyos ang Kanyang Kautusan sa mga Israelita, isinama Niya ang mga espesyal na tagubilin tungkol sa mga paghahandog kapag ang isang tao, o ang buong bansa, ay nagkasala sa kamangmangan (Hebreo 9:7). Sa Levitico 4 ay binalangkas ang paglalaan ng Diyos ng taguan para sa mga nagkasala ng hindi sinasadya o dahil sa kamangmangan. Muling binanggit sa Bilang 15:22–29 ang probisyong ito at nagbigay ng mga detalye tungkol sa mga espesyal na sakripisyo na kailangan para makamit ang kapatawaran mula sa Panginoon kapag may nagkasala ng hindi alam. Nilinaw ng Levitico 5:17: “Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko kahit hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at dapat parusahan.” Ang kamangmangan ay hindi dahilan para magkasala; ang mga kasalanang ginawa ng mga Israelita sa kamangmangan ay nangangailangan pa rin ng isang handog na pampalubag-loob sa kasalanan.

Bagama't ang kamangmangan ay hindi dahilan ng kasalanan, maaari nitong pagaanin ang kaparusahan. Ang parusa ng Kautusan para sa hindi sinasadyang kasalanan ay mas magaan kaysa sa sinadyang paghihimagsik o kalapastanganan. Inulit ni Jesus ang alituntuning ito sa Lucas 12:47–48: “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami” (idinagdag ang pagdidiin).

Dapat nating matutunang seryosohin ang kasalanan gaya ng pagtingin ng Diyos. Ang isang dahilan para sa lahat ng mga handog at patuloy na mga ritwal ng paglilinis sa Lumang Tipan ay upang ipakita sa mga tao kung gaano sila kalayo sa kabanalan ng Diyos. Ang layunin ng mga konsekwensya ay para turuan tayong makita ang kasalanan kung paanong nakikita iyon ng Diyos at kapootan iyon gaya ng Kanyang pagkapoot (Awit 31:6; Kawikaan 29:27). Kapag tayo ay nakagawa ng kasalanan dahil sa kamangmangan, ang Diyos ay nagdadala ng mga konsekwensya upang tulungan tayong matuto. Kung mas alam na natin ang isang bagay, inaasahan Niya tayong gagawa ng mas mahusay. Ganoon din ang ginagawa natin sa ating mga anak. Dahil lamang sa isang apat na taong gulang na bata ay hindi partikular na sinabihan na huwag pisilin ang mga saging sa tindahan ay hindi nangangahulugan na si Nanay ay ayos na dito. Magkakaroon ng mga konsekwensya, kahit na maaari niyang angkinin na siya ay mangmang sa partikular na panuntunang iyon, at sasabihin sa kanya ng malinaw na ang pagpisil sa saging ay hindi na muli pang dapat pabayaan. Siyempre, ang konseweknsya sa unang pagkakataon ay maaaring hindi kasing tindi gaya ng kung nahuli na siya ng kanyang ina na pumipisil ng mas maraming saging pagkatapos na siya ay pagbawalan.

Gayunman, halos lahat ng pag-aangkin ng kamangmangan ay hindi totoo. Sinasabi ng Roma 1:20 na walang dahilan para hindi maniwala sa pag-iral ng Diyos: ang di-nakikitang mga katangian ng Diyos ay “malinaw na nakikita” sa paglikha. Sinasalungat din ng Mikas 6:8 ang ating pag-aangkin ng kamangmangan: “Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.” Kung ang kamangmangan ay hindi tinatanggap na dahilan para magkasala, kung gayon ang magkunwaring mangmang ay mas malala pang kasalanan.

Ang Diyos ay isang Ama, at mahal Niya ang Kanyang mga anak (Roma 8:15). Hindi Siya nalulugod sa pagpaparusa sa atin kundi sa paghubog sa atin sa larawan ng Kanyang Anak (Roma 8:29). Hindi niya pinahihintulutan ang mga dahilan, kabilang ang dahilan ng kamangmangan; sa halip, binibigyan Niya tayo ng mga pagkakataong matuto mula sa ating mga karanasan upang makagawa tayo ng mas mabuting pagpili. Alam Niya kung ano ang ibinigay Niya sa bawat isa sa atin at pananagutin tayo sa kung ano ang ginagawa natin dito (Mateo 13:11–12; Gawa 17:30). Lahat tayo ay nakagawa ng mga kasalanan dahil sa kamangmangan, ngunit hindi tayo pinababayaan ng Diyos na maging mangmang (1 Pedro 1:14). Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Salita upang ipakita sa atin kung paano mamuhay, at inaasahan Niya na isasabuhay ang mga ito at hahanapin ang kabanalan, “hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay ng ganito” (Hebreo 12:14).



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang kamangmangan ba ay isang sapat na dahilan para magkasala?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries