Tanong
Maaari ba tayong tingnan o makita ng mga tao mula sa langit
Sagot
Sinasabi sa Hebreo 12:1, "Yamang naliligid tayo ng makapal na saksi" Pinaniniwalaan ng iba na ang "makapal na saksi" sa talatang ito ay tumutukoy sa mga taong nakakakita sa atin mula sa langit. Hindi ito ang tamang pagpapaliwanag sa talatang ito. Itinala sa Hebreo ang mga taong pinarangalan ng Diyos dahilan sa kanilang pananampalataya. Ang mga taong ito ang tinutukoy na "makapal na saksi." Sila ay mga "saksi" hindi dahil nakamasid sila sa atin mula sa langit kundi dahil nagpakita sila ng halimbawang dapat nating tularan. Sila ang mga saksi ni Kristo, ng Diyos at ng katotohanan. Ipinagpatuloy sa Hebreo 12:1, "iwaksi natin ang kasalanan, at anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo'y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan." Dahil sa pananampalataya at pagsisikap ng mga mananampalatayang nauna sa atin, dapat mapukaw ang ating damdamin at sundan ang kanilang halimbawa.
Walang anumang nabanggit ang Biblia kung maaaring makita ng mga tao sa langit ang mga narito sa lupa. Ang tiyak ay hindi ito mangyayari. Bakit? Una, kung makikita nila ang mga nangyayari sa lupa kahit paminsan-minsan lamang, tiyak na makakakita sila ng mga bagay na magdudulot ng dalamhati at sakit, katulad ng paggawa ng kasalanan at kasamaan. Yamang walang pighati, pagluha at kalungkutan sa langit (Pahayag 21:4), ang pagmamasid ng mga kaganapan sa lupa ay hindi maaari. Pangalawa, ang mga tao sa langit ay abalang-abala sa pagsamba sa Diyos at sa paghanga sa kagandahan ng langit. Hindi na sila magkakaroon pa ng anumang pagnanais na malaman ang mga nangyayari dito sa lupa. Walang makakaagaw ng pansin ng mga taong nakatuon ang buong pansin sa kabanalan, kagandahan at kaluwalhatian ng Diyos. Ang Bibliya ay hindi nagbigay ng dahilan upang paniwalaang maaari itong mangyari.
English
Maaari ba tayong tingnan o makita ng mga tao mula sa langit