Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa uri ng pamamahala sa iglesia?



Tanong: "Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa uri ng pamamahala sa iglesia?"

Sagot:
Napakalinaw na sinabi ng Panginoon ang tungkol sa kanyang kagustuhan kung paano ioorganisa at pamamahalaan ang kanyang iglesia dito sa mundo. Una, si Kristo ang ulo ng iglesia at ang pinakamataas na awtoridad nito (Efeso 1:22; 4:15; Colosas 1:18). Ikalawa, ang lokal na iglesia ay dapat na may sariling kalayaan, malaya mula sa impluwensya ng sinumang taga-labas ng iglesia at may karapatan sa pamamahala sa kanyang sarili at kalayaan mula sa pakikialam ng sinuman, indibidwal man o isang organisasyon (Tito 1:5). Ikatlo, ang iglesia ay dapat na pamunuan ng mga espiritwal na tagapanguna – ang mga matatanda sa iglesia at mga diakono.

Ang “matatanda” ay mga pangunahing tagapanguna sa Israel simula ng panahon ni Moises. Makikita natin na sila ang gumagawa ng mga desisyong pulitikal (2 samuel 5:3; 2 samuel 17:4, 15), sila ang mga tagapayo ng hari (1 Mga Hari 20:7) at kumakatawan sa mga tao patungkol sa mga usaping espiritwal (Exodo 7:17; 24:1, 9; Mga Bilang 11:16, 24-25). Ang unang salin sa wikang Griego ng Lumang Tipan, ang Septuagint, ay ginamit ang salitang Griego na Presbuteros para sa “matanda”. ito ang parehong Griegong salita na ginamit sa Bagong tipan na isinalin din sa salitang “matanda”.

Tinukoy ng ilang beses sa Bagong Tipan ang mga matatanda na naglilingkod sa iba-ibang kapasidad sa pamunuan ng iglesia (Mga Gawa 14:23; 15:2; 20:17; Tito 1:5; Santiago 5:14) at makikita na ang bawat iglesia ay may higit sa isang matatanda dahil ang salita ay karaniwang ginagamit sa maramihang bilang. Ang tanging eksepsyon ay ang mga talata kung saan tinutukoy ang isang ‘matanda’ para sa partikular na kadahilanan (1 Timoteo 5:1; 19). Sa iglesia sa Jerusalem, ang mga mattanda sa iglesia ay bahagi ng pamunuan kasama ng mga apostol (Mga Gawa 15:2-16:4).

Masasabing ang posisyon ng isang “matanda” ay kapantay ng posisyon ng isang episkopos, o isang “tagapamahala” o “obispo” (Mga Gawa 11;30; 1 Timoteo 5:17). Ang salitang “matanda” ay maaaring tumutukoy sa dignidad na mayroon ang isang tungkulin samantalang ang “obispo/tagapamahala” ay inilalarawan ang kapangyarihan at katungkulan (1 Pedro 2:25, 5:1-4). Sa Filipos 1:1, binati ni Pablo ang mga obispo at mga diyakono ngunit hindi binanggit ang mga “matatanda”, maaring ang dahilan ay ang mga matatandang ito ay siya ring mga obispo sa iglesia. Gayundin naman, ibinigay sa 1 Timoteo 3:2, 8 ang mga kwalipikasyon ng mga obispo at diyakono ngunit hindi ng mga “matatanda”. Sa Tito 1:5-7, ang dalawang salitang ito, obispo at matanda ay walang pagkakaiba.

Ang posisyon ng mga “diyakono”, mula sa salitang “diakonos”, na nangangahulugang “tungo sa marumi,” ay isang posisyon ng paglilingkod sa iglesia. Ang mga diyakono ay hiwalay sa matatanda, habang ang mga kwalipikasyon ay katulad ng sa matatanda sa maraming aspeto (1 Timoteo 3:8-13). Ang mga diyakono ang tumutulong sa iglesia sa anumang pangangailangan gaya ng nakatala sa Mga Gawa kabanata 6.

Tungkol sa salitang poimen, na isinalin sa salitang “pastor” bilang pagtukoy sa isang lider ng iglesia, ito ay matatagpuan ng minsan lamang sa Bagong Tipan sa Efeso 4:11, “At ang iba'y ginawang apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, ang iba'y pastor at guro.” Marami ang naniniwala na ang mga terminong “pastor” at “guro” ay tumutukoy sa parehong posisyon, isang pastor na gruo din naman. Maaaring ang pastor-guro ay isang espiritwal na pastol ng isang partikular na iglesia.

Makikita sa mga talata sa itaas na maraming tagapanguna ang isang iglesia at sila ang matatanda sa iglesia, ngunit hindi nito isinasantabi ang pagkakaloob ng Diyos ng mga kaloob sa partikular na matanda sa iglesia ng kakayahang magturo samantalang ang iba naman ay binigyan ng kaloob ng pamamahala at pananalangin at iba pang kaloob (Roma 12:3-8; Efeso 4:11). Hindi rin nito ikinakaila ang pagtawag ng Diyos sa pagtawag sa kanila sa isang ministeryo kung saan nila magagamit ang kanilang mga kaloob (Mga Gawa 13:1). Kaya nga ang isang matanda ay maaaring maging isang pastor, ang isa ay maaaring maging tagadalaw ng mga miyembro dahil siya ang pinagkalooban ng kaloob ng kahabagan, samantalang ang isang matanda ay maaring maging pinuno o humawak ng ibang mga programa sa iglesia. Maraming organisadong iglesia ang may pastor samantalang ang mga diyakono ang nagsisilbing mga matatanda sa iglesia at sila ay nagbabaha-bahagi ng mga gawain sa iglesia at magkakasamang nagdedesisyon sa mga usapin ng iglesia. Sa Bibliya, mayroon ding partisipasyon ang mga miyembro sa mga desisyon. Kaya nga ang isang diktador na tagapanguna na siya lamang nagdedisiyon (maaring tawaging matanda o elder, obispo, o pastor) ay hindi sinasang ayunan ng Bibliya (Mga Gawa 1:23; 26; 6:3, 5; 15:22, 30; 2 corinto 8:19). Hindi rin naman sinasang-ayunan ng Bibliya ang isang iglesia na pinamumunuan ng mga miyembro at hindi pinakikinggan ang desisyon ng mga matanda sa iglesia o ng mga lider ng iglesia.

sa pagbubuod, itinuturo ng Bibliya na pinamumunuan ang iglesia ng maraming matanda (obispo/tagapamahala) kasama ang grupo ng diyakono na mga tagapaglingkod. Ngunit hindi salungat sa pagkakaroon ng maraming matanda sa iglesia ang pagkakaroon ng isang elder na naglilingkod sa isang pangunahing posisyon sa iglesia bilang isang pastor. Tinawag ng Diyos ang iba upang maging pastor-guro (gayundin na tumawag Siya ng iba upang maging mga misyonero sa Mga Gawa 13) at Siya rin ang nagbibigay ng mga kaloob sa Iglesia (Efeso 4:11). Kaya ang isang iglesia ay maaaring magkaroon ng maraming “matanda’ ngunit hindi lahat ay tinawag upang maglingkod bilang pastor, ngunit bilang isa sa mga matanda sa iglesia ang pastor o tagapagturong “matanda” ay walang mas mataas na kapangyarihan na higit sa ibang matanda sa iglesia.


Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa uri ng pamamahala sa iglesia?