| |
Ano ang kahulugan ng kasalanan?
Tanong: "Ano ang kahulugan ng kasalanan?"
Sagot:
Ang kasalanan ay isinalarawan sa Biblia bilang paglabag sa kautusan ng Dios (1 Juan 3:4) at pagsuway sa Dios ( Deuteronomio 9:7; Josue 1:18). Ang kasalanan ay nagsimula kay Lucifer, na pinaniniwalaan ang pinakamaganda at pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga angel. Dahil hindi siya nasiyahan sa kanyang katayuan, ninais niyang maging mas mataas kaysa sa Dios, at iyon ang dahilan ng kanyang pagbagsak, ang panimula ng kasalanan (Isaias 14:12-15). Pinangalanang Satanas, dinala niya ang kasalanan sa sankatauhan doon sa Halamanan ng Eden, na kung saan ay tinukso niya sa Adan at si Eva ng katulad na pang-akit, “kayo ay magiging tulad ng Dios.” Ang Genesis 3 ay naglalarawan ng pagsuway ni Adan at Eva laban sa Dios at sa kanyang kautusan. Simula noon, ang kasalanan ay nagpasalinlahi na sa lahat ng henerasyon ng sankatauhan at tayo, na nagmula sa lahi ni Adan, ay minana ang kasalanan mula sa kanya. Ang Roma 5:12 at nagpapahayag na sa pamamagitan ni Adan, pumasok ang kasalanan sa mundo at ang kamatayan ay naipasa rin sa lahat ng tao dahil “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan’ (Roma 6: 23).
Sa pamamagitan ni Adan, ang likas na pagkiling sa kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan, at ang mga tao ay naging likas na makasalanan. Noong nagkasala si Adan, ang kanyang panloob na kalikasan ay nagbagong-anyo dahil sa kanyang kasalanan ng paghihimagsik. Ito ay nagdala kay Adan ng pang-espirituwal na kamatayan at kasamaan na naipapasa sa lahat sa mga taong sumunod sa kanya. Tayo ay makasalanan hindi dahil tayo ay nagkakasala; kundi, tayo ay nagkakasala dahil tayo ay makasalanan. Ang ipinasang kasamaan ay tinatawag na minanang kasalanan. Kung ating namamana ang likas na pangkatawan mula sa ating mga magulang, minana rin natin ang ating makasalanang kalikasan mula kay Adan. Nanaghoy si Haring David patungkol sa nalugmok na katayuan ng katauhan sa Awit 51:5 “Ako’y masama na buhat nang iluwal, Makasalanan na nang ako’y isilang.”
Isang uri pa ng kasalanan ay ang tinatawag na ipinaratang na kasalanan. Ito ay ginagamit sa mga usaping legal at nauukol sa pananalapi. Sa salitang Griyego ang “ipinaratang” ay nangangahulugang “ang pagkuha ng isang bagay na pag-aari ng isa at itinala sa ibang pangalan.” Bago naibigay ang Kautusan ni Moises, ang kasalanan ay hindi ipinaratang sa tao, kahit na nagkakasala ang mga tao dahil sa minanang kasalanan. Pagkatapos ng naibigay ang Kautusan, ang mga kasalanang nagawa bilang paglabag sa Kautasan ay ipinaratang (ipinasagot) sa kanila (Roma 5:13). Ang lahat ng tao, mula kay Adan hanggang kay Moises ay sakop ng kamatayan, hindi dahil sa mga kasalanang kanilang ginawa laban sa Kautusan ni Moises (na hindi pa nila nalalaman), subalit dahil sa kanilang minanang makasalanang kalikasan. Pagkaraan kay Moises, ang mga tao ay sakop ng kamatayan dahil sa makasalanang kalikasan na minana mula kay Adan at ang ipinaratang na kasalanan dahil sa paglabag ng mga kautusan ng Dios.
Ginamit ng Dios ang patakaran ng pagpaparatang sa kapakinabangan ng sankatauhan noong ipinataw ng Dios ang kasalanan ng mga mananampalataya kay Jesu-Cristo, na siyang nagbayad ng kaparusahan ng kasalanan –kamatayan- doon sa krus. Sa pagpataw ng ating kasalanan kay Jesus, ibinilang Siya ng Dios bilang isang makasalanan kahit hindi, at hinayaang mamatay para sa kasalanan ng lahat ng tao (1 Juan 2:2). Mahalagang maunawaan na ang kasalanan ay ipinataw sa Kanya, subalit hindi niya ito minana mula kay Adan. Dinala niya ang kabayaran ng kasalanan subalit hindi siya naging makasalanan. Ang kanyang wagas at walang kapintasang kalikasan ay hindi nabahiran ng kasalanan. Trinato Siya bilang salarin sa lahat ng kasalanang ginawa ng sankatauhan kahit wala siyang nagawang kasalanan. Bilang kapalit, ipinataw ng Dios ang kabanalan ni Kristo sa mga mananampalataya at binayaran ang ating pagkakautang ng Kanyang kabanalan, tulad din noong ibinilang ang ating mga kasalanan kay Cristo.
Ang pangatlong uri ng kasalanan ay ang pansariling kasalanan, ang mga kasalanang nagagawa sa araw-araw ng bawat tao. Dahil minana natin ang makasalanang kalikasan mula kay Adan, ang bawat tao ay nakagagawa ng mga pansariling kasalanan, lahat ng uri mula sa walang kamalayang kasinungalingan hanggang sa pagpatay. Sa lahat nang hindi naglagak ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo ay kinakailangang magbayad ng kaparusahan ng kanilang pansariling kasalanan at sa minana at ipinaratang na kasalanan. Gayon pa man, ang mga mananampalataya ay pinalaya na mula sa walang hanggang kaparusahan ng kasalanan – ang impiyerno at ang pang-espirituwal na kamatayan – dahil meron na tayong kapangyarihang lumaban sa kasalanan. Ngayon, maari na tayong mamili kung gagawa o hindi ng pansariling kasalanan dahil meron na tayong kapangyarihan na lumaban sa kasalanan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin, nagpapabanal at nagpapa-alala sa ating mga kasalanang nagagawa (Roma 8:9-11). Kapag ating ipinapahayag ang ating mga pansariling kasalanan sa Dios at hihingi ng kapatawaran, tayo ay ibabalik sa ganap na kaugnayan at pakikipagniig sa Kanya. “Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maasahan nating ipatatawad sa atin ng Dios ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid.
Tayong lahat ay tatlong beses na nahatulan dahil sa minanang kasalanan, ipinaratang na kasalanan at pansariling kasalanan. Ang kaisa-isang makatwirang kaparusahan ay kamatayan (Roma 6:23), hindi lang kamatayang pangkatawan kundi walang hanggang kamatayan (Pahayag 20:11-15). Salamat dahil ang minanang kasalanan, ipinaratang na kasalanan at mga pansariling kasalanan ay kasama ng ipinako doon sa krus ni Jesus at ngayon, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo bilang Tagapagligtas “tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayon kadakila ang pag-ibig na ipinadama niya sa atin!”
Balik sa Tagalog Home Page
Ano ang kahulugan ng kasalanan?
|
|
|